NAIBALITA sa The Manila Times noong Agosto 17, 2023 ang pahayag ni Eli Remolona, ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), na may puwang pa na itaas ang interest rate na hindi magkakaroon ng pagbagal sa paglaki ng pambansang kita. Bakit ito ay isang mahalagang balita at bakit ang pagbabago sa antas ng interest rate ay pinagkakaabalahan ng mga namumuhunan at nangangapital, sa isang banda, ng mga pinuno ng BSP, sa kabilang banda?
Ang interest rate ay presyo ng salapi. Ang presyong ito ay itinatakda ng interaksyon sa pagitan ng suplay ng salapi at demand sa salapi. Ang suplay ng salapi ay naitatalaga ng BSP sa pamamagitan ng pagtatakda ng antas ng interest rate. Samantalang ang demand sa salapi ay nakabatay sa antas ng pangkalahatang presyo, antas ng produksyon at antas ng interest rate. Ang demand sa salapi ay may di tuwirang relasyon sa interest rate. Kapag tumataas ang interest rate, bumababa ang demand sa paghawak ng salapi dahil mas gugustuhin ng mga tao na humawak ng ibang instrumentong panananali tulad ng bond o panagot dahil mataas ang balik ng mga ito o mura ang presyo ang mga ito. Kapag bumababa naman ang interest rate mas gugustuhin ng mga tao na humawak ng maraming salapi dahil mababa ang kanilang isinasakripisyo at mahal ang presyo ng mga panagot.
Batay sa di tuwirang ugnayan ng demand sa salapi at interest rate, kapag itinaas ng BSP ang interest rate bababa ang demand sa salapi na tinutugunan ito ng pagbaba sa suplay ng salapi. Ito ay mauuwi sa makitid na mga transaksyon sa ekonomiya na nagpapabagal sa paglaki ng ekonomiya. Bakit ipinatutupad ng BSP ang patakarang ito kung magpapabagal pala ito sa paglaki ng ekonomiya?
Ang pangunahing dahilan ay upang mapanatiling matatag ang panloob at panlabas ng halaga ng piso. Ang katatagan ng panloob na halaga ng piso ay ipinahihiwatig ng bilis pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation rate. Kapag inaasahang magtataasan ang presyo ng mga bilihin isa sa mga pangunahing intrumento ng pamahalaan upang kontrolin ito ay ang pagtaas ng interest rate o pagbaba ng suplay ng salapi. Ang pababa sa suplay ng salapi ay magpapabagal sa implasyon dahil mapipilitang magtipid o kontrolin ng mamamaili ang kanilang mga gugulin o gastos. Dahil nagiging mahal ang halaga ng kasalukuyang pagkonsumo relatibo sa hinaharap na pagkonsumo mas nanaisin nilang ipagpaliban ang kanilang pagkonsumo ngayon at sa halip ay mag impok. Ito ang nagpapapagal sa sa implasyon.
Itinataas din ang interest rate ng BSP upang tugunan ang pagbaba ng eksternal/panlabas ng halaga ng piso na ipinahihiwatig ng depresasyon ng piso. Upang maitaas ang eksternal na halaga ng piso kailangang mahikayat ang mga dayuhan na magpasok ng pondo sa ekonomiya, kinakailangan bigyan sila ng insentibo sa pamamagitan ng pagtaas ng balik sa mga instrumentong pananalapi tulad ng bonds. Hindi lamang ang mga dayuhan ngunit pati na rin ang mga lokal na mamumuhunan ang maeenganyo na ilagak ang kanilang pondo sa mga instrumentong pananalapi sa loob ng bansa.
Sa ngalan ng pagpapatatag sa panlabas ng halaga ng piso may kaakibat itong sakripisyo. Sa halip na ilagay nila ang kanilang pondo sa mga pangangapital sa mga kagamitang magagamit sa proseso ng produksyon inilalagak nila ito sa mga instrumentong pananalapi. Magpapapagal ito sa paglaki ng ekonomiya dahil mabagal ang paglaki ng gugulin sa pangangapital. Sa kabilang dako, ang pagpapatatag ng panloob na halaga ng piso sa pamamagitang pagkontrol sa inflation rate ay magpapabagal din sa paglaki ekonomiya dahil liliit ang mga gugulin ng iba’t ibang sector ng ekonomiya.
Dahil alam ng BSP ang mga benepisyo at sakripisyo sa pagtataas ng antas ng interest rate, tinitimbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas lalo na ang Gobernador at Lupon ng Pananalapi nito upang mangibabaw ang benepisyo sa sakripisyo ng patakaran. Sa salita ni Gobernador Remolona, kayang itaas ang interest rate upang pabagalin ang tinatayang pagtaas ng presyo sa hinaharap na hindi naman na nakakaapekto sa pagbagal ng mga transaksyon sa ekonomiya. Tinataya ng Gobernador na ang reaksiyon ng mga manlalaro sa ekonomiya sa pagtaas ng interest rate ay hindi agarang masusunod ayon sa inilalahad ng teorya at lilihis ito nang kaunti. Sana tama siya dahil kung hindi mapipilitan silang baguhin ang kanilang patakarang pananalapi dahil mangingibabaw ang sakripisyo.