“SA tingin nyo ba, gigyerahin ng China ang Pilipinas?” tanong ng isang reporter kay Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro sa isang panayam. Ang tanong ay bunsod ng pagtingin ng reporter sa mga kaganapan sa South China Sea na tila patindi nang patindi ang panggigipit ng China sa Pilipinas. Makaraan ang mga tangkang panghaharang ng China Coast Guard (CCG) sa mga resupply mission ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa nabalahurang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, na noong Agosto ay ganap na pinapag-init ng pambobomba ng tubig ng CCG sa bangka ng PCG na nagdadala ng pagkain at iba pang mga kagamitan para sa Sierra Madre, nitong nakaraang linggo naman ay nakitaan si Pangulong
Bongbong ng inis sa natuklasang 300-metrong haba ng nakalutang na harang na inilagay ng China sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal. Kinabukasan ng pagputok nito sa media, kumalat naman ang balita na ang harang ay binaklas ng Philippine Coast Guard sa utos ni PBBM. Sa bagay na iyan, mukhang pinaninindigan na ni Bongbong ang kanyang madalas na pagmamarali: “Hindi ko ibibigay ang kahit isang milimitro ng teritoryo ng Republika ng Pilipinas.” E, ang iniutos niyang baklasin ay hindi lang isang milimitro kundi daan-daang libo.
Ang problema rito ay ganun din ang paninindigan ng China. Ang Bajo de Masinloc ay bahagi ng tinatawag naman ng mga Chino na Zhongsha Qundao. Nasa loob ito ng dating Nine-Dash Line (ngayon ay pinalapad na sa Ten Dash Line upang ipaloob ang Taiwan na kailanman ay hindi binitiwan ng China bilang isang probinsya niya lamang at kinikilalang ganun nga ng komunidad intersyunal bilang nakapaloob sa One China Policy). Bagama’t ang Nine Dash Line ay unang nalimbag noong 1946, hindi ito naging ganun kalinaw upang lumikha ng sigalot sa mga bansang nakapaligid sa South China Sea. Tumampok lamang ito sa atensyon ng mundo nang magsimula nang magtayo ng mga base militar ang China sa ilang bahura sa karagatan. Subalit noong noong Mayo 7, 2009, minarapat ng China na maghain ng Note Verbale kay United Nations Secretary General Ban Ki Moon, pinoprotesta ang pag-aangkin ng Vietnam sa ilang bahagi ng South China Sea na ayon sa China ay sakop ng kanyang sobereniya. Kalakip ng note verbale ay ang mapa ng Nine Dash Line na nagpapakita sa buong saklaw nito – naroroon nga sa mapa hindi lang ang inaangkin ng Vietnam kundi ang Spratlys at Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal na inaangkin naman ng Pilipinas.
Mula’t sapul pala ay ari na ng China ang Bajo de Masinloc, na ayon sa mga mangingisdang Pilipino ay nakagawian na nilang pangisdaan maging ng kanilang mga kanunununuan. Sa kadahilanang ito kung bakit nasasabi nilang sa Pilipinas ang Scarborough Shoal.
May mali sa pangangatwiran. Hindi porke malaya kang nakapangingisda sa isang karagatan ay iyo na iyun. Sa batas, may tinatawag na tolerance. Ibig sabihin, pagkonsinti ng lsang may-ari ng isang propriedad na ipagamit sa iba ang kanyang pag-aari sa panahong hindi pa niya kailangan. Hindi ibig sabihin, ibinibigay na sa pinagkonsintihan ang pag-aari sa propriedad sa habampabahon. Oras na kailangan na ng tunay na may-ari ang propriedad, walang makakapigil sa kanya na kunin uli ito.
Ganitong-ganito ang kaso sa Ayungin Shoal. Noong 1999 nabalahura rito ang BRP Sierra Madre, alin kung aksidente o, ayon sa isang ulat, sinadya ni Presidente Estrada upang magsilbing simbolo ng sobereniya ng Pilipinas sa inaangking karagatan. Pinatauhan ito sa ilang Marines na sa loob ng 24 taon ay kinonsinti ng China na magbantay sa barko, pinababayaang hatid-hatiran ng mga probisyon na pangkabuhayan. Subalit kabawal-bawal ng China ang pagdadala roon ng mga materyales pangkonstruksyon. Sa ilang pagkakataon na nilabag ang pagbabawal, ginamitan ang PCG ng kanyong tubig upang pigilin ang paglabag sa pagbabawal. At kung ayon sa ilang espekulasyon ay mapipilitan na ang China na bawiin na ang kanilang Nansha Qundao na ano pa ba kundi ang Spratlys, walang puwedeng makapigil sa kanya na gawin ito. Sabi nga ni Presidential Legal Adviser Juan Ponce Enrile, iyo lang ang isang ari-arian kung kaya mo itong ipagtanggol. May balak daw ang China na hilahin na ang Sierra Madre palayo sa Ayungin Shoal upang iligtas ang mga Marines na nagbabantay dito oras na bumagyo. Sabihin nang tototohanin ito ng China. May kakayahan ba ang Pilipinas na pigilan ito?
Balik na ngayon tayo sa tanong sa unahan: Gigiyerahin ba ng China ang Pilipinas?
Napakasimplistiko ng sagot ni Secretary Teodoro. Hindi raw gigiyera ang China kundi pinag-aaway-away lang daw ng China ang mga Pilipino. Ang away, samakatwid, ay hindi sa pagitan ng China at Pilipinas kundi sa hanay ng mga Pilipino lamang, sa pagitan ng mga kampi at kontra sa China sa isyu ng West Philippine Sea.
Anong kahangalan ito?
(Itutuloy sa Miyerkules)