26.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 7, 2024

Layuning pagkakapantay-pantay ng mga ekonomiya sa mga rehiyon

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pagkakapantay-pantay ng mga ekonomiya sa mga rehiyon ay isang layunin na gustong matupad ng lahat ng mga development plans ng mga administrasyong nagdaan. Nasaan na nga ba ng Pilipinas sa layuning ito? Ano-ano ang mga dahilan ng di pagkakapantay-pantay at ano ang gagawin para maisakatuparan ang layuning ito?

Noong nakaraang limang taon, ang ekonomiya ng buong bansa ay lumago nang 3.2% bawat taon. Dahil kasama ang tatlong taon na pandemya, mababa ito kumpara sa sampung taon bago ang pandemya (2010 hanggang 2019) na kung saan lumago ang ekonomiya nang 6.4% bawa’t taon.

Ngunit kung titingnan ang mga detalye, may silver lining ang mga kaganapang ito dahil nakaungos ang mga mahihirap na rehiyon kumpara sa mga mayayamang rehiyon noong panahong iyon. Nanguna ang BARMM sa paglago nitong 5.2%. Pumangalawa ang Northern Mindanao at Davao Region sa paglago nang 4.2%. Pumangatlo ang Zamboanga Peninsula at Bicol Region sa paglago nang 3.8%. Pumang-apat ang Eastern Visayas sa paglago nito nang 3.6%. Sumunod ang Ilocos Region, 3.5%; Central Visayas, 3.4%; at Western Visayas at Calabarzon na tumabla sa 3.3%. Sumunod ang CAR, 3.2%, Mimaropa, 3.0% na sinundan din ng Central Luzon at Cagayan Valley, parehong 2.9%; at nangulelat ang pinakamayamang National Capital Region, sa 2.8% na taunang paglago. (Table 1)

Ang BARMM ang pinakamahirap na rehiyon sa bansa ngunit simula nang magkaroon ng kapayapaan pagkatapos ng pagpasa ng Bangsamoro Organic Law noong 2018, mabilis nang rumatsada ang ekonomiya ng rehiyon. Lumago ang ekonomiya ng BARMM nang 7.1% noong 2018 at 5.7% noong 2019, ang unang pagkakataong hindi pa nagagawa noong nakalipas.  Ang mahihirap na rehiyon na gaya ng  Zamboanga Peninsula, Bicol Region, at Eastern Visayas ay nagpakita rin ng gilas; nasa unang apat sila sa pataasan ng taunang paglago.  (Table 2)

Nasusukat ang pagkakapantay-pantay sa pamamagitan ng coefficient of variation na kung saan nababakat kung paano kumalat ang  mga rehiyon mula sa average o gitna ng pulutong.  Ang coefficient of variation ay nag-average ng 0.18 mula 2018 hanggang 2022 pero noong kasagsagan ng pandemya, bumaba ito  sa -0.29  (2020) at 0.12 (2022). Ang ibig sabihin nito, mas maganda ang pagganap ng mga mahihirap na rehiyon sa pagmamaneho ng kanilang ekonomiya noong panahon ng pandemya.


Ayon sa pag-aaral ng Department of Finance noong 2019, ang paglago ng ekonomiya ng mga rehiyon ay nakasalalay sa ilang mga salik (factors).

Una ay ang lebel ng gross regional investment. Kapag mas malaki ang pamumuhunan ng pamahalaan at pribadong sector sa isang rehiyon, mas mabilis ang paglago ng ekonomiya. Kasama dito ang gastusin ng pamahalaan sa inprastruktura na malaki ang hatak sa pribadong puhunan. Kung saan mas maraming kalsada, tulay, pantalan at riles ng tren na ginagawa, doon nagkumumpol-kumpol ang mga pribadong namumuhunan at mas maraming trabahong nalilikha. Kapag gumagawa ang pamahalaan ng mga proyektong irigasyon, mas malaki rin ang paglago ng agrikultura kasi puede nang magtanim sa panahon ng tagtuyot. Kapag malaki ang pautang ng mga bangko lalo na sa microfinance, mas malakas din ang paglago ng mga rehiyon.

Ikalawa, ang presensiya o kawalan ng sakuna ay malaki ang epekto sa paglago ng mga ekonomiya ng mga rehiyon. Pag tinamaan ng sakuna gaya ng bagyo, pagputok ng bulkan, lindol at matinding tagtuyot, humihina ang ekonomiya ng isa hanggang dalawang bahagdan. Ang pinakamatinding sakuna sa kasaysayan ng Pilipinas ay ang COVID 19 na kung saan lahat ng rehiyon ay nakaranas ng pagbagsak. Sumusunod ang mga dalawampung bagyo na humahagupit ang sa bansa bawat taon. Pag malakas ang bagyo gaya noong 2021 sa Bicol Region at Mimaropa nang sila ay hinagupit ng Bagyong Jolina at nawalan ng kuryente ng ilang linggo, ang kanilang paglago ay bumagsak sa 4.3% at 3.3%, respectively. Ganoon din ang epekto ng lindol sa SOCCSKSARGEN noong 2019 na kung kailan bumagsak sa 3.5% ang paglago nito mula sa 6.9% noong 2018.

Kung tingnan ang epekto ng limang taong pamamahala sa pagkakapantay-pantay ng mga rehiyon, halos hindi natinag ang ranggo ng mga rehiyon sa per capita income. Ang coefficient of variation ay bumagsak lang nang bahagya sa 0.47 mula 0.48.  Nangunguna pa rin ang NCR at huli pa rin ang BARMM. Ngunit lumukso ang mga rehiyon ng Mindanao gaya ng Northern Mindanao mula panglima sa pangatlo at Davao Region mula sa pangpito sa pang-anim. Sa kabilang dako, nahulog ang Central Luzon mula pangalawa sa pang-apat dahil sa tindi ng epekto ng Covid-19 noong 2020 na kung saan dumausdos ang paglago nito sa -13.9%, ang pinakamalalang pagbagsak sa mga rehiyon. (Table 2)

- Advertisement -

Para mas malakas ang paglago ng mga rehiyon, kailangang magtayo ang mga rehiyon ng investment promotion units na manghikayat sa mga mamumuhunan na dalhin ang kanilang kapital sa kanilang lugar. Kasama ditto ang mabilis na pag-aproba sa mga aplikasyon ng  mga namumuhunan sa kani-kanilang rehiyon. Dapat bigyan ng kaukulang pansin ang kanilang natural resource endowments at mga kailangang inprastruktura.

Dahil sa tindi ng epekto ng mga sakuna, kailangang mag-develop ng disaster insurance para sa mga maumuhunan  sa mga rehiyon. Hindi nito maiiwasan ng insurance ang sakuna pero mas mabilis naman ang pagbawi sa mula dito. Mabibigyan ang mga naapektuhang namumuhunan ng paraan para mapabilis ang pagtayo at bagong simula.

 

Table 1. GROSS REGIONAL GDP GROWTH, BY REGION
2018 2019 2020 2021 2022 AVERAGE
PHILIPPINES 6.3% 6.1% -9.5% 5.7% 7.6% 3.2%
NCR National Capital Region 5.6% 7.0% -10.0% 4.4% 7.2% 2.8%
CAR Cordillera Administrative Region 5.7% 4.4% -10.2% 7.6% 8.7% 3.2%
I Ilocos Region 5.9% 7.3% -7.7% 4.6% 7.6% 3.5%
II Cagayan Valley 4.6% 6.9% -9.8% 5.1% 8.0% 2.9%
III Central Luzon 6.9% 5.9% -13.9% 7.4% 8.1% 2.9%
IVA CALABARZON 7.1% 4.6% -10.5% 7.7% 7.8% 3.3%
MIMAROPA Region 8.6% 4.3% -7.5% 3.3% 6.3% 3.0%
V Bicol Region 6.9% 8.2% -8.3% 4.3% 8.1% 3.8%
VI Western Visayas 4.8% 6.3% -9.7% 5.9% 9.3% 3.3%
VII Central Visayas 7.1% 6.2% -9.5% 5.4% 7.6% 3.4%
VIII Eastern Visayas 7.0% 5.6% -7.4% 6.0% 6.8% 3.6%
IX Zamboanga Peninsula 6.3% 4.6% -5.2% 5.7% 7.5% 3.8%
X Northern Mindanao 7.1% 5.6% -5.3% 6.3% 7.2% 4.2%
XI Davao Region 7.2% 7.1% -7.5% 5.9% 8.1% 4.2%
XII SOCCSKSARGEN 6.9% 3.5% -4.4% 5.2% 6.6% 3.5%
XIII Caraga 5.2% 5.4% -6.9% 7.3% 5.9% 3.4%
BARMM Bangsamoro Autonomous Region
in Muslim Mindanao
7.7% 5.8% -1.9% 7.5% 6.6% 5.2%
COEFFICIENT OF VARIATION        0.17        0.21       (0.29)        0.23        0.12        0.18
Source: Philippime Statistics Authority

 

Table 2. PER CAPITA GROSS REGIONAL GDP GROWTH, BY REGION
Pesos at 2018 Constant Prices 2017 2022
Ranggo Ranggo
PHILIPPINES 164,885 178,751
NCR National Capital Region 415,210 1 443,782 1
CAR Cordillera Administrative Region 165,997 3 183,827 2
I Ilocos Region 108,156 9 122,333 9
II Cagayan Valley 104,093 11 112,989 11
III Central Luzon 165,346 4 171,965 6
IVA CALABARZON 167,558 2 176,703 4
MIMAROPA Region 111,920 8 120,997 8
V Bicol Region 82,254 16 93,412 16
VI Western Visayas 106,750 10 118,886 10
VII Central Visayas 144,511 7 158,010 7
VIII Eastern Visayas 91,113 15 101,197 15
IX Zamboanga Peninsula 96,610 14 111,551 14
X Northern Mindanao 158,825 5 182,356 3
XI Davao Region 155,504 6 175,013 5
XII SOCCSKSARGEN 101,425 13 112,229 13
XIII Caraga 103,863 12 115,235 12
BARMM Bangsamoro Autonomous Region
in Muslim Mindanao
49,170 17 56,970 17
COEFFICCIENT OF VARIATION          0.48           0.47
Source: Philippime Statistics Authority

 

 

 

- Advertisement -

 

 

 

 

 

 

 

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -