32.2 C
Manila
Sabado, Oktubre 12, 2024

Mga dapat malaman sa 4Ps na hindi kinuwento ng kapitbahay mo

- Advertisement -
- Advertisement -

Psst, na-Marites mo ba na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o mas kilala bilang 4Ps ay isang inisyatiba ng pamahalaan na ipinagpatuloy ng administrasyon ni PBBM upang tulungan ang mga pinakamahirap na mamamayan ng bansa na maka-ahon sa kanilang estado sa buhay?

Oo, layunin ng programang ito na magbigay ng “cash grants” o tulong pinansyal sa mga pinakamahihirap na Pilipino at tumulong sa pagpapabuti ng nutrisyon, kalusugan, at edukasyon ng kanilang mga anak hanggang 18 taong gulang.

Ito ay isang programang hango sa mga CCT (Conditional Cash Transfer) schemes sa mga bansa sa Africa at Latin America. Ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) ang ahensya ng gobyerno na nangangasiwa sa programang ito.


Paano nakatutulong ang 4Ps sa libu-libong mahihirap na Pilipino

Isipin mo na nabubuhay ka sa halagang mas mababa sa P200 kada araw. Iyan ang katotohanan para sa libu-libong Pilipino na nahihirapan na matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Upang tulungan silang makamit ang mas magandang kalidad ng buhay, inilunsad ng gobyerno ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps noong 2008.

Nitong 2019 ay isinabatas naman ang Republic Act 11310 na mas kilala bilang “An Act Institutionalizing the Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps)” o “4Ps Act.”

Sa pagsasabatas nito, ang 4Ps na programa sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay magiging permanenteng pambansang estratehiya ng gobyerno upang puksain ang kahirapan sa bansa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga mahihirap na sambahayang Pilipino upang mapabuti ang kanilang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon.

Ang 4Ps ay isang conditional cash transfer program na nagbibigay ng buwanang ayudang pinansyal sa mahihirap na pamilya kapalit ng pagsunod sa ilang mga kondisyon na may kinalaman sa nutrisyon, kalusugan, at edukasyon.

Pangunahing layunin ng 4Ps

– Magbigay ng pinansyal na tulong sa mahihirap na pamilya upang matulungan sila sa ilang mga pangangailangan

– Tumulong sa kanila sa mga usaping pangkalusugan tulad ng pagpapa-deworm ng mga bata (6-14 taong gulang), at pagpapa-check-up ng mga bata mula kapanganakan hanggang limang taong gulang at mga buntis

– Siguruhin na ang mga bata ay mag-enroll sa daycare, elementarya, at sekondarya

Benepisyo ng isang 4Ps

– Health grant o tulong-pinansyal para sa kalusugan na P750/bawat pamilya/buwan, at ang halagang ito ay nakatalaga kada isang sambahayan at hindi nakadepende sa bilang ng mga miyembro nito

-Educational grant o tulong-pinansyal para sa edukasyon na P300/bawat bata/buwan para sa sampung buwan o P3,000/taon para sa day-care at elementarya; P500/bawat bata/buwan sa loob ng 10 buwan na may pasok para sa junior high school; at P700/bawat bata/buwan sa loob ng 10 buwan na may pasok para sa senior high school – hanggang tatlong bata/bawat pamilya lamang ang pinapayagang magrehistro

– Awtomatikong insurance coverage mula sa PhilHealth

– Prayoridad sa pagtanggap ng serbisyo mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD sa pagbibigay ng kapasidad sa pagnenegosyo at pagtatrabaho

– Prayoridad din sa mga serbisyo at programa ng iba pang mga ahensya ng gobyerno at mga katuwang na organisasyon ng DSWD

– P500 kada buwan na rice subsidy bilang bahagi ng direktiba ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte

Kwalipikasyon para makasali sa 4Ps

Ang mga benepisyaryo ng programa ay pinipili base sa isang standardized targeting system. Ang mga maaaring maging benepisyaryo nito ay ang mga mahihirap na sambahayang Pilipino na siyang makasusunod sa mga kondisyon ng programa. Kabilang na sa targeting system na ito ang mga magsasaka, mangingisda, walang tirahan, katutubo, informal settlers, at mga sambahayang nasa malalayong lugar o geographically isolated and disadvantaged areas.

Kabilang din sa batayan ang pagkakaroon ng 0-18 taong gulang na miyembro ng sambahayan at miyembro na nagbubuntis sa panahon ng enumerasyon.

Dapat din na tandaan na ang isang kwalipikadong sambahayan ay maaari lamang maging benepisyaryo ng programa sa loob ng pitong taon.

Kinakailangan para makasali sa 4Ps

– Mga kopya ng school IDs o unang grading period school report cards ng lahat ng bata sa pamilya na nag-aral

– 2 1″x1″ larawan na may puting background (pinakahuling kuha) para sa Program ID at Land Bank ATM ID

– Kopya ng health records ng 0-5 taong gulang mula sa health center kung saan sila nagpapa-check-up

– Valid IDs ng kasapi ng pamilya na dumadalo sa community assembly

Kailangang sundin na kondisyon ng mga benepisyaryo

Upang makatanggap ng tulong-pinansyal ang mga benepisyaryo ng programa ay kailangang sumunod sa mga kondisyon nito na nakasaad din sa “Oath of Commitment” na kanilang pinirmahan. Kabilang dito:

– Ang mga batang nasa 0-5 taong gulang ay kinakailangang magpakonsulta at magpabakuna sa health center

– Ang mga batang nasa 3-18 taong gulang ay kinakailangang pumasok sa eskwela at dumalo sa klase nang hindi bababa sa 85 porsiyento ng kabuuang bilang ng klase

– Ang mga nagbubuntis ay dapat magpakonsulta rin sa health center sa panahon ng pagbubuntis at kapanganakan at magpaanak sa lisensyadong propesyunal lamang

– Ang mga batang nasa 1-14 taong gulang ay kinakailangang uminom ng pampurga dalawang beses sa isang taon, kada taon

– Ang mga responsableng miyembro ng sambahayan ay kailangang dumalo sa Family Development Session (FDS) kada buwan


Maaaring mangyari sa isang benepisyaryo na hindi makasusunod sa mga kondisyon ng programa

– Nakasaad sa batas na ang benepisyaryo na hindi makasusunod sa alinman sa mga kondisyon ng programa ay makatatanggap ng sulat para sa unang abiso at ang kanilang tulong-pinansyal ay masususpindi.

– Kung ang benepisyaryo ay hindi pa rin nakasunod sa kondisyon matapos ang sumunod na apat na buwan, sila ay isasailalim sa isang intensive case management na pangungunahan ng DSWD.

– Kung hindi pa rin sumunod ang benepisyaryo sa loob ng isang buong taon simula nang sila ay mabigyan ng unang abiso, ang benepisyaryo ay maaari nang matanggal sa programa.

Sa isang pagtitipon ng mahigit 500 pamilya mula sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila na nagtapos sa 4Ps sa Cuneta Astrodome sa Pasay City kamakailan, isa sa mga natampok na success stories ang kwento ni Carol Israel Esguerra na naging lisensiyadong piloto sa tulong ng 4Ps.

“Napabilang ako sa expanded scholarship program ng 4Ps at DSWD, kaya nakatulong hanggang college. Malaking tulong na mapabilang dito, hindi lang sa bata kundi sa buong pamilya,” ani Esguerra.

Ang mga pamilya ay nagtatapos sa programa kapag ang naka-enroll na bata ay umabot sa 18 taong gulang, o kapag natupad nila ang ilang pang-ekonomiya at panlipunang mga indikasyon sa self-sufficiency.

Kasama sa mga indicator na ito ang mas mataas na sahod, access sa malinis na tubig at kuryente, kakayahang magbayad ng mga benepisyo ng gobyerno tulad ng SSS, at tamang nutrisyon para sa mga bata.

Ang ilang mga pamilya ay maaaring magpasyang umalis nang mas maaga sa programa kapag naramdaman nila na sila ay sapat na sa sarili.  Gelaine Louise Gutierrez /PIA-NCR

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -