DUMALO si Paranaque Mayor Eric Olivarez kasama si District 1 Congressman Edwin Olivarez sa ginanap na turnover ceremony ng mga bagong pasilidad sa Center for Children with Special Needs sa Barangay Sto. Niño nitong Biyernes.
Ayon sa punong lungsod, ang bagong bukas na CSN Cafe at Pre-Vocational Training Room ay mula sa Rotary Club of Parañaque – St. Andrew at ito ay galing sa nalikom na donasyon sa ginanap na Mayor Eric Olivarez 1st Golf Cup noong Nobyembre 2022. Sa talumpati na ibinahagi ng punong lungsod, kanyang pinasalamatan ang RCPSA sa pangunguna ni President John Vinta.
Aniya, malaking tulong ang mga pasilidad na ito sapagkat dito ay tinuturuan ang mga bata ng iba’t ibang kasanayan na maaari nilang magamit sa pang-araw araw na buhay at kapag sila ay naghahanapbuhay na.
Dumalo rin sa programa ang pamunuan ng CSN Center sa ilalim ni Center Administrator Nessie Baculo; District 1 Councilors Marvin Santos at Allen Tan; Special Services Office OIC Majel Co; at City Agriculture, Fisheries, and Aquatic Services Office OIC Amie Hernandez.