NASA 8,185 na empleyado ng pamahalaang lungsod ng Makati ang nakatanggap ng kanilang Christmas bonus matapos ipag-utos ni Mayor Abby Binay ang maagang pagpapalabas ng yearend bonuses na nagkakahalaga ng P569.47 milyon.

Sinabi ng alkalde na maaari ring umasa ang mga empleyado na makakuha ng karagdagang P11,000 sa kalagitnaan ng Disyembre kapag inilabas ng lungsod ang kanilang P5,000-productivity incentive at P6,000-clothing allowance.

“Nais naming iwasan ng aming mga empleyado ang Christmas rush at makabili ng mga aginaldo at makapaghanda para sa tradisyonal na Noche Buena ng mas maaga,” sabi ni Mayor Abby.

“Inaasahan namin na ang karagdagang cash benefits na matatanggap nila sa Disyembre ay makakatulong sa kanila at sa kanilang mga mahal sa buhay na salubungin ang Bagong Taon na puno ng pag-asa at saya,” aniya pa.

Sinabi pa ng alcalde na ayon sa Human Resource Development Office (HRDO), nakatanggap ng P42,800 yearend bonus ang pinakamababang ranking na regular at casual employees, hindi kasama ang PEI at clothing allowance nitong Disyembre.

Ang yearend bonuses na inilabas sa bawat isa sa 3,536 regular employees at 4,649 casual employees ay binubuo ng halos dalawang buwang basic salary, P5,000 cash gift, at P12,000 incentive allowance.

Idinagdag ng alkalde na bukod sa cash benefits, lahat ng regular at casual na empleyado ay tatanggap ng tradisyonal na Pamaskong Handog gift bag na naglalaman ng sari-saring canned goods, pasta at fruit salad ingredients, at t-shirts.

Sa kasalukuyan, ang mga empleyado ng Makati City Hall ay nagtatamasa ng maraming benepisyo.

Ang mga regular at kaswal na empleyado ay sakop ng GSIS Group Personal Accident Insurance. Mula noong 2018, ang pamahalaang lungsod ay nagbigay ng karagdagang proteksyon at financial safety net para sa mga empleyado at kanilang mga pamilya na may P1-milyong accidental death benefit, bukod sa medical reimbursement para sa pagpapagamot at pagpapaospital.

Sa ilalim ng programang Yellow Card, ang mga empleyado ay mayroon ding libreng access sa mga serbisyong medikal at laboratoryo ng Ospital ng Makati at Makati Life Medical Center, kabilang ang mga inireresetang gamot sa botika ng ospital at mga outlet ng Planet Drugstore. Tumatanggap din sila ng buwanang supply ng libreng maintenance na gamot at bitamina.

Noong nakaraang Mayo, nakipagtulungan ang lungsod sa KonsultaMD ng Globe Group para magbigay ng libreng 24/7 online consultations sa lahat ng manggagawa ng pamahalaang lungsod. Pagkatapos i-download ang app at magparehistro, maaaring kumonsulta ang mga empleyado sa mga lisensyadong doktor at propesyonal sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng mga video call nang hindi umaalis sa kaligtasan ng kanilang mga tahanan o opisina.

Nag-aalok din ang KonsultaMD ng mga e-reseta, mga kahilingan sa laboratoryo, mga online na sertipiko ng medikal, at suporta sa kalusugan ng isip. Maaaring ipakita ng mga empleyado ang kanilang mga e-reseta sa Planet Drugstore upang makakuha ng mga libreng gamot.