29.3 C
Manila
Biyernes, Disyembre 13, 2024

Mga benepisyo at sakripisyo ng buwis sa carbon

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Nobyembre 21, 2023 naibalita sa The Manila Times ang isang pag-aaral ng Oxfam International tungkol sa pagbubuga ng carbon dioxide at iba pang greenhouse gas (GHG) ng mga bansa sa buong mundo. Ayon sa ulat, ang 1 porsiyento ng populasyon ng buong mundo o halos 77 milyon na galing sa pinakamayayamang mamamayan sa mga mauundad na ekonomiya ay nagbubuga ng GHG na katumbas ng ibinubuga ng 5 bilyong tao o 67 porsiyento ng populasyon ng mundo na galing sa mga pinakamaralitang mamamayan sa mga di mauunlad na bansa sa buong mundo. Dahil hindi pantay ang pagbubuga ng mga bansa ng carbon dioxide at iba pang GHG masasabing ang bawat tao sa mga mayayamang bansa ang nagpaparumi sa kaulapan na itituring matinding sanhi ng pagbabago ng klima sa buong mundo.

Dahil sa matinding epekto ng polusyon sa pagbabago ng klima sa mga ekonomiya at mamamayan, maraming mauunlad na bansa ang nagpatupad ng buwis sa pagbubuga ng carbon upang mabawasan ang polusyon sa kaulapan. Kasama rito ang buwis sa uling, crudong langis at natural gas batay sa nilalaman nilang carbon. Sa ating bansa, may ilang sektor ang nagpapanukala na magpataw ang pamahalaan ng buwis sa carbon bilang ambag ng bansa sa paglilinis ng kaulapan at kapaligiran. Sinasabi na may dalawang dibidendo o balik ang buwis sa carbon. Una, makalilikom ang pamahalaan ng dagdag na kita mula sa buwis na tinataya na aabot sa halos PHP 390 bilyon sa 2030. Ikalawa, mababawasan ang pagbubuga ng  Pilipinas ng GHC at makatutugon ang bansa sa pangako nito sa Paris Agreement on Climate Change na ibaba ng bansa ang pagbuga nito ng GHG nang hanggang 75 porsiyento mula sa 70 porsiyento sa taong 2030. Ang pagbabawas ng bansa sa pagbubuga ng GHG ay makapag-aambag sa paglilinis ng kaulapan sa sinasakupan ng Pilipinas.

Maganda naman pala ang mga benepisyo ng pagpapataw ng buwis sa carbon. Ang hamon sa panukalang ito ay nakatuon sa mga sakripisyo relatibo sa benepisyo ng paglilinis ng kaulapan sa buong mundo. Ayon sa ulat, ang Pilipinas nagbuga ng halos 146.5 milyong tonelada ng carbon dioxide noong 2022. Ang ibinugang dumi sa kaulapan ng Pilipinas ay mababa pa sa 1 porsiyento ng kabuoang ibinugang GHG ng lahat ng bansa samantalang ang populasyon ng Pilipinas ay halos 1.5 porsiyento ng populasyon ng buong mundo. Noong 2016 tinataya na ang proporsyon ng Pilipinas sa ibinugang GHG na lahat ng bansa ay 0.31 porsiyento lamang. Samakatuwid, kung tatanggalin ng Pilipinas ang ibinubuga niyang GHG na naitala sa noong 2022 mababawasan ang GHG sa buong mundo ng 0.31 porsiyento ng kabuoang GHG lamang. Samakatuwid, halos walang kabuluhan ang inaasahang benepisyo na malinis na kaulapan sa pagtatanggal Pilipinas ng lahat ng GHG ibinuga nito dahil halos hindi nabawasan ang dumi sa kaulapan.

Kahit hindi na tanggalin ng bansa ang lahat ng GHG na ibinubuga nito at bawasan na lang ito sa pamamagitan ng buwis sa carbon napakalaki pa rin ng sakripisyong papasanin ng bansa. Una, ang buwis ay nagpapataas ng presyo ng uling, krudong langis at natural gas na magpapataas naman sa gastos sa produksyon ng mga kompanya lalo sa sektor ng pagmamanufaktura at transportasyon na gumagamit ng langis sa kanilang operasyon. Ang pagtaas ng presyo ng mga produkto ay magpapabawas na pagiging kompetitibo ng mga ito sa bilihang internasyonal. Dahil dito, maaaring lumiit ang benta sa ating mga eksporter. Ikalawa, sa pagtaas ng presyo, ang bilang ng mabibiling produkto at serbisyo ng mga mamimili ay kumikitid din na magpapababa sa kanilang kasiyahan bunga ng nababang pagkonsumo.

Samakatuwid, ang buwis ay naglilipat ng kasiyahan ng mga mamimili at tubo ng mga prodyuser tungo sa dagdag na kita ng pamahalaan. Masasabing hindi nagbago ang pangkalahatang kagalingang panlipunan dahil ang nawala sa mga mamimili at prodyuser ay nailipat lamang sa pamahalaan. Ngunit ang hindi isinaalang alang ng pananaw na ito ay ang mga deadweight loss o mga pagbabawas ng kagalingang panlipunan bunga buwis. Ang deadweight loss ay nawalang kasiyahan ng mga mamimili bunga ng mababang demand kasama ang nawalang tubo ng mga prodyuser bunga ng mababang produksiyon na hindi nailipat sa dagdag kita ng pamahalaan. Samakatuwid, ang deadwight loss ay ang kabawasan ng kagalingan ng buong lipunan bunga ng pagpapataw ng buwis.


Kahit sabihin pa ng iba na malaki ang mitutulong ng buwis sa carbon sa paglikom ng pondo upang tustusan ang deficit sa gugulin ng pamahalaan hindi nito kayang takpan ang  sakripisyong pinapasan ng mga mamimili, mga prodyuser at ng buong lipunan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -