29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

Ika-442 anibersaryo ng pagkakatatag ng Batangas, ipinagdiwang sa kapitolyo

- Advertisement -
- Advertisement -

MAS pinatingkad at pinagtibay pa ng nagkakaisang mga Pilipinong Batangueño ang makulay na kasaysayan, mayamang pagkakakilanlan, at patuloy na pag-unlad ng Lalawigan ng Batangas matapos ang ginanap na pagdiriwang para sa ika-442 na taong anibersaryo ng pagkakatatag nito noong ika-8 ng Disyembre 2023 sa Regina R. Mandanas Memorial Dream Zone, Capitol Compound, Batangas City.

Isang simple, ngunit makabuluhang programa ang isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa espesyal na okasyon na kumikilala sa mahabang tagumpay ng Batangas bilang isang lalawigan. Ang naturang selebrasyon ay pinangunahan ni Governor Hermilando Mandanas, kasama sina Vice Governor Mark Leviste, Anakalusagan Congressman Rey Florence Reyes, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan.

Ang foundation day ngayong taon ay sumentro sa tema kung saan itinanyag ang Batangas bilang “Melting Pot of Rich Diversity” at tinawag na “Gateway to Prosperity.”

Naging akma ang isinagawang thanksgiving mass ng Kapitolyo para sa araw ng pagkakakatatag ng lalawigan sapagkat natapat ito sa mismong araw kung saan ipinagdiriwang din ang dakilang Kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria.

Magkatuwang na pinangasiwaan nina Msgr. Ernesto Mandanas at Fr. Ilde Dimaano ang idinaos na banal na misa, na dinaluhan ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan, mga lokal na opisyal at kinatawan ng mga local government units, national agencies, at iba’t ibang non-government organizations sa lalawigan.

Pormal naman na binuksan ni Vice Gov. Leviste ang programa sa pamamagitan ng pagbasa ng Sangguniang Panlalawigan Ordinance No. 001, na nagpapahayag at naglalaman ng opisyal na deklarasyon ng pagkakatatag ng probinsya.

Bilang bahagi ng pagdiriwang, opisyal na ring naipakilala sa publiko ang bagong bandila ng Batangas na hango na sa bagong seal o simbolo ng lalawigan. Itinanghal ang bagong watawat sa saliw ng Himno ng Batangan.

Bukod dito, ginanap din ang pagsumite at presentasyon ng mga dossier ng Verde Island Passage at Taal Volcano Protected Landscape sa Philippine National Commission (PNC) for Unesco para sa nominasyon nito na mapabilang o makasama sa listahan ng mga kinikilala bilang Unesco World Heritage Sites. Ang tinaguriang pagyakap sa hamon na ito na maitanghal sa buong mundo ang dalawa sa ipinagmamalaking biyaya ng Batangas ay mula sa inisyatibo ni Provincial Administrator Wilfredo Racelis at sa paggabay ni Gov. Mandanas.

Ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan ang mga dokumento at ang nabanggit na dalawang dossier sa kinatawan ng PNC for UNESCO na si Deputy Executive Director Lindsay Barrientos. Ito rin ang nagsilbing hudyat para sa pagsisimula ng proseso upang masusing mapag-aralan ang dalawang hiyas ng lalawigan na inaasahang maaprubahan at mapapagtibay ng Unesco.

Dahil kilala ang kulturang Batangueño sa pagkakaroon nito ng makulay na kuwento at kasaysayan, minarapat ng lalawigan na ito ay mapangalagaan sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang samahan na tinawag na Batangas History Society o BHS.

Kaugnay nito, sa ginanap na pagtitipon, opisyal na ring nanumpa ang mga newly-elected officers ng BHS, na pangungunahan nina Governor Mandanas bilang chairman ng nasabing lupon; Atty. Sylvia Marasigan, presidente ng Batangas Culture and Arts Council, na tatayong vice chairman; at Lino Atienza, mula sa Pamanlahi at tubong Taal, Batangas, na magsisilbi naman bilang presidente.

Bilang bahagi pa rin ng selebrasyon ng ika-442 anibersaryo ng pagkakatatag ng Batangas, naghatid ang Batangas Capitol All Stars ng awitin at sayaw na hango naman sa kanilang interpretasyon ng awiting Hiraya. Dagdag pa rito, nagbigay rin ng isang espesyal na pagtatanghal ang mga artists o gumaganap sa sarswelang Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw, na akda ni Batangueño National Artist at 2019 Dangal ng Batangan Eminent Person, Ginoong Bienvenido Lumbera.

Samantala, naging tampok ng buong programa ang pagbibigay-parangal sa mga Batangueño at Batangueña na kinilala para sa kani-kanilang mga natatanging kontribusyon sa lipunan, kabilang ang muling paghirang sa mga Dangal ng Batangan ngayong taon.

Unang kinilala ng pamahalaang panlalawigan si Lipa City Mayor Eric Africa na tumanggap ng special citation para sa kaniyang kontribusyon o pagsusulong ng mga programang nakatuon sa larangan ng social welfare and development.

Para naman sa hanay ng mga kinilalang Dangal ng Batangan Awardees ngayong taon, na pawang mga indibidwal na nagbibigay inspirasyon at kumakatawan sa limang Diwang Batangueño, tulad ng kagitingan, kasipagan, katapangan, katalinuhan, at karilagan.

Sa hanay ng Dangal ng Batangan for Culture and Arts, iginawad sa tubong Tulo, Batangas City at tumatayong dance director ng Likhang Sining Dance Company si Peter John Caringal ang Batangas Artist Award for Dance, habang ang Batangas Artist Award for Architecture naman ay ipinagkaloob sa lead contributor ng retrofitting project ng Museo ng Batangas noong taong 2018 na si Architect Edwin Barrion.

Si Loriel Castillo, visionary founder ng Arte Bauan at Visual Poetry Philippines, ang hinirang na Batangas Artist Awardee for Visual Arts, at Lionel Nestor Macatangay Guico, na isang soloist at artist mula sa Batangas City, naman ang kinilala bilang Batangas Artist Awardee for Music.

Sa hanay ng Dangal ng Batangan for Public Service, ipinagkaloob kina Retired 2nd Lt. Lillian Martinez Magsino at General Gregorio Pio Punzalan Catapang Jr. ang naturang pagkilala para sa kategorya ng Military Service at Dr. Alfred Buenafe para sa kategorya ng Medical Service.

Huli namang ipinagkaloob ang pinakamataas na pagkilala o ang Dangal ng Batangan – Eminent Person, na iginawad kay His Eminence Gaudencio Cardinal Rosales, na ipinanganak sa Lungsod ng Batangas. Dito ay kinilala ang kaniyang makulay na legasiya simula nang siya ay naordinahan bilang pari noong March 23, 1958, ma-appoint bilang Arsobispo ng Lipa noong December 1992, hanggang sa siya ay maglingkod at maitalagang Arsobispo ng Maynila noong September 15, 2003.

“Magbago, umunlad, pagsama-samahin ang ating mga katangian…kaya narito tayo ngayon at patuloy pa rin na binibigyan natin ng kahalagahan ang ating unang hiyas…ang ating mamamayan,” saad ng gobernador.

Ayon pa sa kaniya, kasabay ng pagkilala sa mga mamamayan ng lalawigan ay ang patuloy niyang pagtutok sa mga pangangailangan ng mga ito, tulad na lamang aniya ng tuloy-tuloy na pagpapaganap ng mga inisyatibo at programa sa larangan ng kalusugan at edukasyon.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -