MASAYANG ibinalita ni Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang Facebook page na Inday Sara Duterte na naging saksi siya sa paglagda ng Civil Works Contracts ng Davao Public Transport Modernization Project.
Aniya, “Kasabay ng ika-125th Founding Anniversary ng Department of Transportation, naging saksi po tayo sa Ceremonial Signing of the Civil Works Contracts for the Davao Public Transport Modernization Project sa Lanang, Davao City noong Miyerkules, February 7, 2024.
“Ang DPTMP ay isang bus-based public transport system na naglalayong magiging matiwasay ang mobility at accessibility sa Davao City, alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng gobyerno.
“Sa taong 2026, ang DPTMP ay magkakaroon ng higit sa 400 18-meter articulated battery bus at higit sa 700 Euro5-standard na mga diesel bus para maghatid ng 29 na magkakaugnay na ruta na sumasaklaw sa kabuuang haba na 672 km.
“Ang nasabing proyekto ay isa lamang sa maraming mga matagumpay na inisyatibo ng DoTr sa nakalipas na 125 taon kung saan ang Departamento ay nakatuon sa pagbibigay ng maginhawa, ligtas, matiwasay, at abot-kayang transportasyon sa mga Filipino commuters.
“Ikinagalak ko po na sa wakas ay maisakatuparan na ang matagal ko ng minimithi sapagkat ito ay isa sa mga proyekto na aking inumpisahang trabahuin noong ako ay Mayor ng Davao City.
“Ang Davao Public Transport Modernization Project ay ipapatupad sa ilalim ng Build Better More Infrastructure Program ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.”