SA isang manifestation matapos na bumoto ng pagsang-ayon sa pagpasa ng Senate Bill No. 2534, kilala rin sa tawag na “An Act Providing for a One Hundred Pesos (P100.00) Daily Minimum Wage Increase for Employees and Workers in the Private Sector,” binalikan ni Sen. Chiz Escudero na ang minimum wage hike ay isa sa mga bill na kanyang isinumite bilang baguhang congressman noong 1998 sa House of Representatives.
“Isa ito sa pinakaunang panukalang batas na inihain ko noong ako ay unang naging mambabatas noong 1998. This is actually 26 years in the making,” sabi ni Chiz.
“Dalawampu’t anim na taon ang hinihintay ng mga mangagawa sa panukalang ito na ni minsan ay hindi pumasa sa magkabilang Kamara. Ngayon lamang nangyari na pumasa sa isang bahagi ng Kongreso at ito ay sa Senado,” dagdag pa ng beteranong senador.
Nakakuha ang SB 2534 ng 20 aprubadong boto, zero na negatibong boto, at zero na abstention na ginanap nitong Pebrero 19 sa plenary session.
“Sa mga nagsasabi na ito ay masama para sa ating ekonomiya, na magiging inflationary dahil magkakaroon ng pera ang mangagawa, nasaan po sila noong ibinaba ng Bangko Sentral ang interest rate at nakapangutang ng mas maraming pera ang mga mayayamang kumnpanya kaya dumami din ang money supply at nagka-inflation tayo? Wala naman nagreklamo. Nasaan sila nung binaba natin ang corporate income tax sa 25 porsiyento? Dumami ulit ang pera ng mga mayayaman. Mas maraming pera ang umikot noon at wala naman nagsabing inflationary ito,” diin pa niya.
“Nagtiis na sa mahabang panahon ang ating mga mangagawa… Ang aking hiling at panalangin, sana ay bigyan din nga panahon at pagkakataon ito ng Kamara upang mabigyang-buhay. Pagdebatehan kung kinakailangan, pagbotohan kung kinakailangan. Ang mahalaga, ito ay mapag-usapan at bigyan ng pag-asa na makapasa upang mabigyan ng pag-asa ang ating mga manggagawa,” paliwanag ng senador.