PATULOY na palalakasin ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang kanilang tools, technologies, at advocacy campaigns para makapagbigay ng napapanahon at epektibong productivity training programs at technical assistance sa mga manggagawa at negosyo.
Ito ang mensahe ni Secretary Bienvenido Laguesma sa isinagawang 2024 Planning Exercise ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) at ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs) noong ika-6 ng Marso sa Iloilo City.
“Bagaman tayo ay pangunahing kilala ng publiko para sa ating tungkulin sa pagsasaayos ng regional minimum wage rates, dapat din nating alalahanin na mayroon tayong pantay na mahalagang tungkulin sa pagtataguyod ng produktibidad ng negosyo at paggawa,” sinabi ng Kalihim na ang mga productivity program ay kumakatawan sa mga pagsisikap ng Kagawaran na tulungan ang mga negosyo at mga manggagawa na mapabuti ang kanilang pang-araw-araw na kakayahan at kapasidad na makalikha ng produkto at makapag-bigay ng serbisyo.
Naging bahagi rin ng planning exercise ang Orientation on the Revised Guidelines on the DoLE Adjustment Measures Program (DoLE-AMP), na nagbibigay sa mga MSME ng libreng access sa capacity building, technical assistance, at iba pang suporta na kanilang kakailanganin upang higit nilang mapalakas ang kanilang negosyo, bukod pa sa Discourse on Strengthening Labor Relations kasama ang mga mediator-arbiters at technical personnel mula sa DoLE Regional Offices.
Iprinisinta din ang pinal na disenyo ng Mindanao Productivity Project Portfolio na naglalayong maghatid ng isang pakete ng mga programa at tulong sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga DoLE Regional Offices, iba pang ahensya ng pamahalaan, local government units, at labor at employer organization upang mapabuti ang produktibidad at isulong ang inklusibong pag-unlad ng Mindanao.