28.5 C
Manila
Lunes, Setyembre 9, 2024

Resolusyon sa pag-amyenda sa Saligang Batas patuloy na gumugulong sa kabila ng pagtutol

- Advertisement -
- Advertisement -

GUMULONG na mula sa Mababang Kapulungan patungo Mataas na Kapulungan ng Kongreso ang proseso upang amyendahan ang Saligang Batas.

Ito ay sa kabila ng pagtutol ng maraming Pilipino na amyendahan ang Konstitusyon, ayon sa isang survey.

Ayon sa ulat ng The Manila Times, ipinag-utos ng Mababang Kapulungan na maipadala agad sa Senado ang Resolution of Both Houses (RBH) 7 matapos nila itong maipasa sa pangatlo at huling pagdinig noong Myerkules, Marso 20, 2024.

Ipinasa ang RBH 7 matapos amyendahan ang ilang probisyong pang-ekonomiya sa Konstitusyon kung saan 288 na mambabatas ang sumang-ayon, walo ang hindi, at dalawa ang nag-abstain.

Isinulong naman agad ni Isabela 6th District Rep. Faustino “Inno” Dy 5th na maipadala ito sa Senado.

Sa Senado, ang bersyon nito ay tinatawag na RBH 6 kung saan aamyendahan din ang Artikulo XII (Seksyon 11), Artikulo XIV (talata 2 ng Seksyon 4), at  Artikulo XVI (talata 2 ng Seksyon 11).

Kung kaya inaabangan na ng mga kongresman ang susunod na mga hakbang ng Senado bago ang inaasahang pagtatapos ng mga pagdinig sa Mayo.

Ayon kay House Deputy Majority Leader Jude Acidre umaasa sila na maipapasa rin ng Senado ang bersyon nito gayong ang may akda ng RBH 6 ay ang Senate President, Senate President Pro Tempore at ang chairman ng subcommittee.

Tinutukoy nya rito sina Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, Senadora Lorna Regina “Loren” Legarda at Senador Juan Edgardo “Sonny” Angara.

Si Senador Angara ang nanguna sa deliberasyon ng RBH 6 na nagsimula noong nakaraang taon.

Nauna nang ipinahayag ni Senador Zubiri na hindi nila mamadaliin ang deliberasyon dahil kinakailangang masusi itong pag-aralan.

Sa bersyon ng Senado, nais nitong idagdag ang mga salitang  “unless otherwise provided by law” sa  mga probisyon, at ang salitang “basic” bago ang “educational institutions” sa unang pangungusap sa talata 2, Section 4 ng Artikulo XIV.

Sa pahayag ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sumang-ayon itong mabigyan ng sapat na panahon ang Senado para talakayin ang mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas.

Subalit, ayon kay Kongresman Acidre sa isang talakayan, limitado  na rin ang panahon dahil paparating na ang eleksyon at tiyak na matatapos ang mga pagdinig sa Kongreso nang hindi tiyak kailan magsisimula muli.

“Those are not arbitrary deadlines that the House got from thin air… these deadlines are self-apparent. They are there. We will have elections in 2025. We will file our certificates of candidacy in October this year,” ayon kay Acidre.

Sa gitna ng mga deliberasyon na ito, nagsagawa ng survey ang Pulse Asia noong Marso 6-10, 2024.

Lumabas sa survey na tutol ang karamihan ng mga respondents nito na amyendahan ang Saligang Batas.

Sa “Ulat sa Bayan” survey, lu porsiyento malabas na siyam sa 10 Pilipino ang tutol na amyendahan ang Konstitusyon kung saan 88 porsiyento ang nagsabing hindi ito dapat amyendahan ngayon, 75 porsiyento ang nagsabing hindi ito dapat amyendahan ngayon o kahit na kailan, 14  porsiyento na hindi ito maaaring amyendahan ngayon pero maaari sa hinaharap, 6 porsiyento ng nagsabing hindi ito maaaring amyendahan sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at 8 porsiyento naman ang nagsabing maaari itong amyendahan sa susunod na administrasyon.

Walong porsyento lamang sa mga respondents ang pabor na amyendahan ang Konstitusyon.

Samantala, nag-aabang naman ang Commission on Elections (Comelec) kung makatatanggap ba sila ng RBH 7 at RBH 6.

Kung sakali, ito ang kauna-unahang pagkakataon na maaamyendahan ang Saligang Batas kung kaya wala pang paggagayahan ang Comelec sa proseso na kinakailangan nilang gawin.

Ideya ni House Majority Leader Manuel Jose Dalipe ang pagsusumite sa Comelec ng RBH 7 at RBH 6.

Aniya, dapat isumite ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang kanilang mga bersyon sa Comelec.

“That is my interpretation. The House and the Senate will forward it to the Comelec, because ultimately it will be the Comelec who will finally decide if it is up to be presented to our voters in a plebiscite,” aniya.

Kung makatatanggap umano ang Comelec ng RBH 7, ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, kanila itong pag-aaralang mabuti upang tiyakin na ito ay naaayon sa legal na proseso ng pag-amyenda ng Konstitusyon.

“It is ministerial on the part of the Comelec to accept it but it would be thoroughly studied because it has no precedent… This is the first time, if ever, that a resolution pertaining to the amendment of the Constitution is submitted to the Comelec,” ani Garcia.

Kinakailangan din aniyang malinawan ang Comelec kung tamang hakbang ba ang pagsumite ng RBH 7 sa ahensya.

Dagdag pa niya, sa kanyang opinyon, maaari ring RBH 7 lamang ang isumite sa Comelec upang makalikha ng “justiciable” na dahilan upang kumilos ang Korte Suprema sa pag-amyenda ng Konstitusyon.

Mariing tinutulan naman ni Senador Angara na direktang isumite ang RBH 7 Sa Comelec.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -