EWAN kung inabot kahit isang oras man lang ang pagdalaw ni Presidente Volodymyr Zelinsky sa Malakanyang noong isang araw, pero iyun na marahil ang pinakamaikling pagbisita sa Pilipinas ng isang banyagang pangulo. Walang masyadong seremonya, walang garbo ng kasuotang kadalasan ay nasasaksihan sa mga state visit. At bagama’t naroroon din naman ang pulang carpet na pagbati oras na pumarada ang limousine na sinasakyan ng presidente ng Ukraine, hindi na kinailangang lumabas ng palasyo si Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang salubungin si Zelinsky. Nasa huling baitang ng hagdan sa itaas si Pangulo Marcos nang iabot niya ang kanyang kamay ng pagbati sa pangulo ng Ukraine.
Napakapayak ng kasuotan ni Presidente Zelinsky at ng kanyang entourage, na pawang kalalakihan. Maging ang pustura ng kanilang mga mukha ay nagpapabanaag sa giyerang sa loob ng dalawang taong nakaraan ay pinagdusahan ng mga Ukrainians.
Hangga’t si Bongbong ang sangkot, sa geopolitika na kinasadlakan ng Ukraine laban sa Rusya, maliwanag na ang kiling ng Pilipinas ay sa Ukraine. Sa anim na resolusyon na inihain sa general assembly ng United Nations, ang pagboto ng Pilipinas ay pawang pabor sa Ukraine. Ang paghaharap ng dalawang pangulo sa Malakanyang ay nagsilbing okasyon upang muling ipagdiinan na pinakakinakailangang matamo sa Ukraine ay ang tigil putukan.
Ang pasasalamat ni Zelinsky sa “napakalinaw” na suporta ng Pilipinas sa Ukraine ay tinugon ni Marcos sa ganitong mga pangungusap:
“I know that your crisis in your country has occupied all of your attention and all of your time. And it is a great pleasure to meet with you to discuss some of the issues that are common to both our countries and hopefully to find ways forward for both of us together… But once again, I wish that under better circumstances, I am happy that you are able to come and visit at your pleasure, Mr. President (Alam ko na ang buo mong atensyon at ang buo mong panahon ay nakatuon sa krisis ng iyong bansa. At malaking kasiyahan para sa akin na makatagpo ka upang pag-usapan ang ilan sa mga isyu na nararanasan ng kapwa natin mga bansa, at umaasa tayo, na magkasama, ay makatagpo tayo ng daan pasulong… Subalit sana minsan pa, sa ilalim ng mas maiging mga kalagayan, ay maligaya ako na magawa ninyong dumating upang dumalaw alinsunod sa inyong kasiyahan, Ginoong Pangulo).”
Pinakatampok na natamo ng pagpupulong ng dalawang ehekutibo ay ang pahayag ni Marcos na magpapartisipa ang Pilipinas sa Peace Summit na gaganapin ngayong buwan sa Switzerland upang sikaping ihanap ng wakas ang giyera sa Ukraine.
Ayon kay Zelinsky, tampok na layunin ng Peace Summit ang pagtibayin ang batayang prinsipyo na ang mga independienteng estado na mayroong nagsasariling soberanya ay dapat na iginagalang sa kasarinlan nito at di dapat na pinakikialaman ng iba pang estado na may ganun ding kasarinlan. Malinaw na ito ay patutsada sa Rusya na walang kaabug-abog ay ipinailalim ang Ukraine sa isang special military operations noong Pebrero 2022. Ito ang paninindigan na mula’t sapul ay pinanghawakan ni Zelinsky upang ikampanya sa mga bansa sa daigdig na sa giyera sa Ukraine, ito ang nasa tama at Rusya ang nasa mali.
Sa ganang kolum na ito, bagama’t Rusya ang unang umatake, iyun ay bunga ng kalagayan na wala siyang ibang mapagpipilian upang ipagtanggol ang sarili kundi unang lumusob. Sa loob ng dalawang dekada, walang humpay ang Rusya sa pagsisikap na sumanib sa NATO upang maiwasan nga ang gulo. Katanggi-tanggi rito ng Amerika, na sa halip ay panay ang gatong sa Ukraine upang pumaloob sa NATO. Ito ang pinakatutultutulan ng Rusya, dahil ito nga ang kukumpleto sa pagsalakab ng NATO sa Rusya.
Masdan ang mapa ng silangang Europa. Mahigit na dalawang libong milya ang suma tutal ng mga hangganan ng Rusya sa Finland at Sweden, ang mga pinakahuling sumapi sa NATO. Sa kalagayang ito, tanging ang Ukraine na lamang ang naiiwan na hindi pa sumasapi sa NATO upang ganap na ngang mabuslo ang Rusya. Kaya kasing-aga pa ng 2000, nang tanggihan ni US Presidente Bill Clinton ang aplikasyon ng Rusya para sa pagiging miyembro ng NATO, nag-warning na ang Rusya sa Ukraine na huwag na huwag mag-miyembro ng NATO at kung magkakaganun, sa Tagalog na colloquial, maghahalo ang balat sa tinalupan. At ganun nga ang pinatutunguhan ng mga pangyayari noong Pebrero 2022. Kamulat-mulat ni Russian President Vladimir Putin, pursigido na si Zelinsky na mag-aplay na maging miyembro ng NATO.
Bilang pangontra sa ganung hakbang, nag-order si Putin ng special military operation (SMO) upang malagay sa Rusya ang kontrol pulitikal ng Ukraine. Sa mga nagdaan sa mga operasyong militar, mauunawaan na ang SMO ay hindi pa ang isang kilos na maaring turingan na digmaan kundi isang ispesyal na hakbang militar lamang na naglalayong makamit ang isang ispesyal na layunin. Sa kaso ng Ukraine, upang pigilin ang pagsapi nito sa NATO. Ipinakikita ng mga video, na malayo sa isang giyera ang mga unang hakbang ng mga sundalong Russo sa kanilang pagbasag sa mga hangganan ng Ukraine.
Saan ka naman nakakita ng giyera na isang musmos na babaing paslit ang umuumang ng suntok sa isang sundalong Ruso?
Kung lumala man ang SMO ng Rusya upang maging isang full-scale na digmaan, iyun ay dahil sa kagagawan na rin ni Zelinsky. Sa halip na makipagkasundo sa Rusya, ang ginawa ni Zelinsky ay sagsag sa European Union – sa Gran Britanya, sa Francia, sa Germany, sa Amerika – ibinabandila ang kanyang kulay-NATO nga na pinakatutultutulan ng Rusya.
Ngayong totoong kambyo de giyera na nga ang pinakawalan ng Rusya, di na malaman ni Zelinsky kung saan siya susuling.
Ayon sa Article 5 ng NATO Charter, ang pag-atake sa isang miyembro ay pag-atake sa lahat ng miyembro at samakatuwid ay humihingi ng ganting-atake ng lahat.
Malinaw na nagkamali ang buong NATO sa hindi wastong pagkalkula sa hakbang na gagawin. Sapagkat hinayaan nila na ang special military operation ni Putin ay lumala sa isang full scale na digmaan, hinding-hindi nila maaaring tanggaping miyembro ang Ukraine tanging sa kadahilanan na sa oras na tinanggap nila itong miyembro, awtomatikong papasok ang kabuuan ng NATO sa pakikipagdigma sa Rusya.
At ang pakikipagdigma sa Rusya ang kaayaw-ayaw na pasukin ngayon ng NATO. Bakit? Sa kaisa-isang dahilan na taglay ng Rusya ang tinatawag na Dead Hand, isang sistema ng pagpapakawala ng pangontra sa isang pumapasok na atakeng nukleyar kahit sa panahon na patay na ang kamay na magpapaandar sa pangontra sa atake.
Dito mauunawaan kung bakit sa isang pag-uusap hinggil sa sandatang nukleyar, winika ni Presidente Putin ang ganito: “Hindi ako ang unang magpapakawala sa sandatang nukleyar. Hindi rin ako ang pangalawa.”
Ibig sabihin, kahit merong ibang maunang magpakawala ng sandatang nukleyar laban sa Rusya, ang Dead Hand nuclear defense system nito ang sisiguro na wala nang susunod pang sandatang nukleyar ang maaaring sumabog upang gunawin ang mundo at lusawin ang sangkatauhan.