29.9 C
Manila
Huwebes, Oktubre 10, 2024

PhilHealth puspusan ang pagtatala ng mga PWD para maging miyembro

- Advertisement -
- Advertisement -

PUSPUSAN ang pagtatala ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng mga persons with disability (PWD) para maging miyembro.

Puspusan ang pagtatala ng Philippine Health Insurance Corporation ng mga persons with disability sa Nueva Ecija para maging miyembro. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Ito ay sa pamamagitan ng diretsong pagpaparehistro ng mga kabilang sa sektor sa ilalim ng kategoryang PWD.

Ayon kay PhilHealth Gapan Local Health Insurance Office Chief Angelito Creencia, nakikipagtulungan ang tanggapan sa mga Persons with Disability Affairs Office (PDAO) sa mga bayan at siyudad sa Nueva Ecija upang mapadali ang pagpapamiyembro ng mga taong may kapansanan.

“Sa pamamagitan nito ay hindi na nila kailangan pang gumastos at gumugol ng oras sa pagpunta sa mga opisina ng PhilHealth sa Gapan o Cabanatuan dahil maaari na lamang silang magpasa ng form sa mga opisina ng kanilang PDAO,” pahayag ni Creencia.

Ang mga matatanggap na membership forms ng mga PDAO ay ipadadala kada batch sa PhilHealth, na ipoproseso naman ng tanggapan at muling ibabalik sa PDAO para makuha ng mga PWD ang kopya ng kanilang rekord.

Kaniyang binigyang diin na kasama rin sa mga maaaring magpasa ng form sa mga PDAO ay ang mga kasalukuyang miyembro ng PhilHealth na nakarehistro sa kategoryang financially incapable (FI), na direkta nang magpapatala sa ilalim ng kategoryang PWD.

Aniya, ang mga PWD na pansamantalang nakarehistro sa ilalim ng FI category ay kailangan magpasa ulit ng registration form para maiproseso ang pagbabago ng kategorya.

Paglilinaw ni Creencia, ang mga nakarehistro sa ilalim ng FI category ay may isang taon lamang na coverage mula sa exemption o libreng paghuhulog ng premium contribution, na maaaring aplayan kada taon batay sa rekomendasyon ng Local Social Welfare and Development Office.

Samantala, ang mga nakarehistro sa ilalim ng PWD category ay may lifetime membership at libreng coverage sa PhilHealth.

Ang kailangan lamang ipasa ay ang nasagutang form, photocopy ng PWD card, at mga supporting document para sa mga dependent tulad ng kopya ng marriage certificate para sa legal spouse at birth certificate ng mga anak na may edad 20 pababa.

Ayon pa kay Creencia, walang dapat na ikabahala ang mga PWD na hindi pa nakatala ang pangalan sa Philippine Registry for Persons with Disability system ng Department of Health, dahil sila ay tatanggapin pa rin ng PhilHealth para masama sa kategoryang PWD upang makatanggap ng mga benepisyong kanilang kailangan.

Kaugnay pa rin nito ay kaniyang ibinalita na nagsasagawa ang PhilHealth ng mobile registration system sa iba’t ibang lugar sa lalawigan upang mailapit ang pagpaparehistro hindi lamang sa sektor ng PWD kundi sa lahat ng mga mamamayan.

“Bukas ang aming tanggapan sa mga paanyaya ng mga lokal na pamahalaan at iba pang tanggapan para magsagawa ng mobile registration system at gawing madali ang pagpaparehistro bilang miyembro sa PhilHealth,” Paliwanag ni Creencia.

Maliban sa mga ginagawang mobile registration ng PhilHealth ay maaari pa rin magtungo ang mga nais magpatalang miyembro saanmang branch ng tanggapan sa lungsod ng Cabanatuan o Gapan. (CLJD/CCN, PIA Region 3-Nueva Ecija

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -