NAGBIGAY ng privilege speech si Senador Robin Padilla hinggil sa importansya ng mass media. Narito ang kabuuan ng kanyang speech.
“Mahal na Ginoong Pangulo, ang mass media ang pinakamalakas na impluwensya sa lahat ng klase ng tao. Maging bata o matanda, ang radyo, TV, cable, online, lahat na po ng media platform tunay na malakas ang impluwensya. Tunay na ang mass media ang nag-iisang kapangyarihan, pinakamakapangyarihan pagdating sa public information and public opinion.
“Ang paulit-ulit na pagsasahimpapawid ng kanilang mga papuri o ganda ng kanilang produkto, maging tao man o programa, kahit hindi kagandahan, ay nababago ang tingin dahil sa propaganda.
“Sa katotohanan, anumang isyu ng bawa’t mass media network na nais nilang palakihin ay tumatatak sa isip at pag-iisip ng mga taong tumatangkilik nito. Ganoon din pag may isyu naman na nais nilang takpan o huwag mapagusapan. Nagagawa po nila itong patayin o patahimikin lalo’t kontrobersyal ang issue na lumalaganap at makakaapekto sa mass media network. Nasa kanilang kapangyarihan para gawing hindi makatotohanan ang paglalahad ng isyu dahil nauuwi ito sa pag-sensationalize ng issue, hindi sa paghahanap ng katotohanan.
“Sinasadyang maligaw na ang tunay na isyu at mapalitan ng kabakyaan.
“The truth is always a casualty of PR campaign. Lalo na kapag damage control.
“Hindi magaan para sa isang mass media network ang masabit sa iskandalo. Lalo’t may kinalaman sa paglabag sa karapatan ng tao. Ang isyu na kinasangkutan ng ating hinahangaan at sinasaluduhan at atin pong mother studio, ang network ng GMA-7, ay kinakailangan pong nila malinawan kung ano po itong iskandalo na kanilang kinabibilangan. Hindi maaaring mamatay ang isyu na kinasasangkutan ng walang malinaw na pagpapaliwanag sa komite ng mass media. Dahil ito po ay obligasyon ng bawa’t mass media network bilang sila ang pinagkakatiwalaan ng marami nating kababayan.
“Hindi po natin sinasabi na may sabit dito ang GMA-7. Hindi po. Ang sinasabi po natin dito kailangan magkaroon ng malinaw, malinaw na pagpapaliwanag sa komite ng mass media ang naganap na ito sapagka’t ito po ay public information. Maraming salamat po G. Pangulo.”