NAKATAKDANG isagawa ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang huling bahagi ng “PCUP Bayanihan para sa Bawat Maralita (PBBM) Caravan: Tuloy-tuloy na Serbisyo para sa Maralitang Pilipino” ngayong Agosto. Ang inisyatibong ito ay naglalayong magbigay ng patuloy na suporta at mahahalagang serbisyo sa komunidad ng mga maralitang tagalungsod sa buong bansa.
Magsasagawa ang PCUP ng tatlong caravan sa mga piling lokasyon ngayong Agosto. Ang una ay gaganapin sa Agosto 16 sa Tubigon Cultural Center sa Tubigon, Bohol. Sa Municipal Stadium (JFD) sa Brgy. Guitnang Bayan I, San Mateo, Rizal naman sa Agosto 27 at magtatapos sa Dipolog City Sports Complex sa Dipolog City, Zamboanga del Norte sa Agosto 29.
Ang PBBM Caravan ay bahagi ng mas malawak na pangako ng PCUP sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson at CEO, Undersecretary Elpidio Jordan Jr., na ilapit ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga marginalized sector at tiyakin na ang bawat mamamayan ay may akses sa suportang kanilang kailangan.
Bawat caravan na magaganap ay magtatampok ng iba’t ibang programa, kabilang ang mga serbisyong pangkalusugan, pagsasanay sa kabuhayan, at legal na tulong, na dinisenyo upang bigyang kapangyarihan ang mga komunidad at mapabuti ang kalidad ng kanilang buhay.
“We are dedicated to fulfilling our mandate of reaching out to urban poor communities across the country. This PBBM Caravan is a testament to the commitment of the Marcos administration to providing consistent and accessible services,” sabi ni Usec. Jordan.
Hinihikayat ng PCUP ang lahat ng miyembro ng komunidad sa mga lugar na ito na makibahagi sa caravan at samantalahin ang mga oportunidad na hatid nito.