NOONG itinayo ang United Nations noong 1944 pagkatapos ng World War II, kasamang itinayo ang mga tinatawag na Bretton Woods institutions na gaya ng World Bank (WB) o International Bank for Reconstruction and Development (IBRD) at ang International Monetary Fund (IMF). Ang Bretton Woods ay isang bayan sa New Hampshire sa Estados Unidos kung saan nagpulong ang mga delegado ng 44 na bansa para aprubahan ang paglikha ng dalawang MFIs na ito.
Pagkatapos ng ilang taon, inilunsad ang limang UN regional economic and social commission sa buong mundo. Isa rito ang ngayoý tinatawag na UN Economic and Social Commission for East Asia and the Pacific (UNESCAP). Noong 1963, nagpasya ang UNESCAP na magtayo ng isang regional multilateral development bank na magpalago sa mga ekonomiya sa Asya at magbawas ng kahirapan. Ito ang Asian Development Bank (ADB) na inilunsad noong 1966 at ang headquarters nito ay itinayo sa Manila.
Ang WB ay nilikha para una, itayo muli ang mga ekonomiya sa Europa na pinadapa ng World War II at ikalawa, isulong ang pag-unlad sa ekonomiya ng Timog (South) na noong panahon na iyon, marami ay nasa ilalim ng colonial rulers. Noong 1946, ang paid-in capitalization nito ay $571.5 milyon at ang mga miyembro nito ay 27 bansa lamang kasama ang Pilipinas. Ngunit ngayon, sa pagdami ng miyembro sa 189 at pagtaas ng mga financing requirements ng pag-unlad, ang subscribed capital ay lumago sa $ 318 bilyon kung saan ang $22 bilyon ay paid-in, ang lending portfolio ay umaabot sa $60 bilyon at ang cash flows nito ay $7 trilyon bawat taon. Dahil naayos na ang mga ekonomiya sa Europa, lahat ng pautang nito ay naka-focus na sa emerging and low-income economies.
Nagtayo ang WB ng subsidiaries dahil sa paglawak ng mga pangangailangan ng mga bansa. Ang mga ito ay ang International Development Association (IDA) na nagbibigay ng grants at loans para sa mga low-income countries; ang International Finance Corporation (IFC) na nagbibigay ng investment, advisory, at asset-management services para mapalago ang private-sector development sa less developed countries; ang Multilateral Investment Guarantee Agency (MIGA) na nagbibigay ng financial guarantees para sa proyekto sa mga developing countries; at ang International Center for the Settlement of Investment Disputes (ICSID), isang international arbitration institution para sa legal dispute resolution and conciliation sa mga international investors at mga bansa. Ang WB, kasama ang mga subsidiaries nito, ay tinatawag na the World Bank Group (WBG).
Base sa Annual Report ng WB noong 2023, ang mga pautang ng WBG ay umaabot sa $266.8 bilyon. Kasama sa mga pautang ang $13.04 bilyon na utang ng Pilipinas.
Ang IMF ay nilikha kasabay ng pagtayo ng WB. Ito ay may tatlong kritikal na misyon—ang pagpapalago ng kooperasyon ng mga bansa tungkol sa monetary issues; pagpapalawak ng kalakalan at pag-unlad; at pag-aalis ng mga palisiyang nakakasira sa pagkamit ng kasaganaan. Mula sa paid-in capital na $737 libo at membership na 29 na bansa noong Hunyo 1946, lumaki ang subscribed capital ng IMF sa SDR 982 bilyon (o $1.3 trilyon) at ang mga miyembro nito ay lumobo sa 190. Ang mga pautang nito na naka-focus sa mga bansang may problema sa balance-of-payments (BOP) ay umaabot sa halos $113 bilyon ngunit maaari siyang magpautang hanggang $1.0 trilyon. Dahil sa malakas na BoP posisyon ng Pilipinas; wala nang utang ang Pilipinas sa IMF at ang huling utang nito ay naitalaga noong 1998; bagkus, ang Pilipinas ay nagpapautang sa mga programa ng IMF–ng SDR 0.68 bilyon (o US$0.98 bilyon) sa New Agreement to Borrow (NAB) at US$0.43 bilyon sa isa pang programa, ang Bilateral Borrowing Agreements (BBA). Ngunit mula 1962 hanggang 1998, ang Pilipinas ay isa sa mga masugid na kliyente ng IMF dahil walang puknat ang mga problema ng Pilipinas sa BOP hanggang sa maayos nito ang mga macroeconomic fundamentals. Kaya noong 1999, nang gumawa ng IMF ng pag-aaral kung bakit may mga prolonged users ng IMF facilities, isa sa dalawang bansang kanilang pinag-aralan ay ang Pilipinas.
Noong mga unang taon ng pagtatayo ng IMF, naka-focus ang kanyang atensyon sa pangangasiwa sa fixed exchange rate arrangements ng mga bansa bago ang 1971 at pagsusuri ng mga economic policies ng mga bansa para maiwasan ang krisis pang-ekonomiya pagkatapos ng 1971; pagbibigay ng kapital para masugpo ang balance-of-payments crises at maiwasan ang paglawak nito sa ibang mga bansa; at pag-aayos ang international economy sa pamamagitan ng pagbibigay ng capital investments para sa kaunlaran ng mga miembro nito. Dahil sa papel nito sa economic surveillance at economic policy formulation, ang IMF ang naging tagasubaybay ng overall macroeconomic performance ng member-countries at tagabigay ng economic policy advise. Malaki ang papel nito sa pagsugpo sa tequila debt crisis noong early 1980s, Asian financial crisis noong late 1987-1988 at ng global financial crisis noong 2007-2008.
Ang ADB ay naitatag noong 1964 para pababain ang poverty, palaguin ang mga ekonomiya at payabungin ang standard of living ng mga tao sa Asya-Pacifico pamamagitan ng pagpapautang sa mga proyektong makapag-angat sa kabuhayan ng mga miyembrong bansa. Ang layunin ng ADB ay gawing masagana, ingklusibo, resilient, at sustainable ang rehiyon ng Asya-Pacifico, para tuloy-tuloy ang pagsisikap para malipol ang extreme poverty sa rehiyon. Nagbibigay ang ADB ng pautang, technical assistance, grants, at equity investments sa kanyang member-countries para maisulong ang social at economic development. Pinaigting nito ang impact ng kanyang assistance sa pamamagitan ng pagsasagawa ng policy dialogues, pagbibigay ng advisory services at pangangalap ng financial resources sa pamamagitan ng cofinancing operations kabilang ang ODAs, commercial at export credit sources.
Mula sa 27 miyembro at maliit na subscribed capital na $938 noong 1966, lumaki na ang membership nito sa 59 at lumobo ang assets nito sa $197.8.8 bilyon noong 2023. Ang loan portfolio nito ay umabot na sa $101.5 bilyon of which $15.6 bilyon ay ipinautang sa Pilipinas.
Ang mga pinakamalaking proyekto ng ADB sa Pilipinas ay ang South Commuter Railway Project ($4.25 bilyon); Manila-Clark Railway Project ($2.75 bilyon), Mindanao Road Project ($180 milyon); EDSA Greenways Project ($123 milyon); at Assistance for Reconstruction and Recovery of Marawi ($100 milyon).
Ang International Fund for Agricultural Development (IFAD) ay itinatag noong 1978 ng UN para ma-eradicate ang kahirapan at gutom sa mga rural areas ng developing countries. Ang mga proyekto nila ay may kinalaman sa pagpapabuti ng kita ng mga mahihirap sa rural areas, food production, edukasyon at health care. Ang IFAD ay nakapondo na ng proyektong nagkakahalaga ng $771.5 milyon sa 15 na proyektong pang-agrikultura na nagbebenepisyo ng 1.7 milyong tahanan sa Pilipinas. Ang ilang mga proyekto ay pag- secure ng access sa lupa ng ancestral domains para sa indigenous peoples, pagpabuti ng soil and water-management techniques, gaya ng paggamit ng micro-catchment techniques, at suporta sa fisher communities sa coastal resource management and environmental protection practices.
May iba pang MFIs na naitatag sa labas ng UN — ang Asia Infrastructure Investment Bank (AIIB), at OPEC Special Fund.
Ang Asia Infrastructure Investment Bank (AIIB) ay itinayo ng China noong 2016 kasama ang 57 founding members, na kinabibilangan ng Pilipinas, na ngayon ay dumami na sa 103. Ang layunin nito ay magbigay ng infrastructure finance para bawasan ang kakulangan ng pondo sa imprastruktura. Noong 2020, nagbigay ng AIIB ng $750 milyon Covid response loan sa Pilipinas. Nakatulong ito sa pagpapatuloy ng mga infrastructure projects habang lumaki ang pangangailangan ng health programs dahil sa pandemya ng Covi at lumagapak ang tax collections dahil sa lockdowns.
Itinayo noong1976 ng 12 oil exporters, ang OPEC Special Fund ay naka-focus sa pagpopondo ng mga proyektong makatutulong sa pagtugon sa mga basic needs gaya ng pagkain, enerhiya, mainis na tubig at sanitation, healthcare at edukasyon sa mga hindi miembro. Noong 1977, binigyan ang Pilipinas ng loan para magawa ang Cotabato-General Santos Road.
Ano ang benepisyo ng mga MFIs sa mga bansa? Ang mga MFIs ay nagbibigay ng pautang na mahaba ang maturity at grace periods. Medyo mas mataas lang nang bahagya ang interest rates ng mga ito. Ngunit ang mga financing na ito ay may kasamang policy advise at cofinancing ng iba pang development partners gaya ng Japan (sa kaso ng Manila-Calamba Railway) kung kailangan ng proyekto ng mas malaking halaga. Sa mga pautang na ito, nagkakaroon ng pagkakataong pataasin ang infrastructuring spending na siyang malaking salik sa pagpapabilis ng mga gulong ng ating ekonomiya.
Table 1. BORROWINGS OF THE PHILIPPINES FROM MULTILATERAL FINANCIAL INSTITUTIONS (MFIs) | ||
(Billion US$, end-March 2024) | % of Total | |
TOTAL | 34.808 | 100.00% |
ADB | 15.554 | 44.69% |
IBRD | 13.04 | 37.46% |
IMF | 3.702 | 10.64% |
AIIB | 2.242 | 6.44% |
IFC | 0.118 | 0.34% |
IFAD | 0.112 | 0.32% |
OPEC Special Fund | 0.019 | 0.05% |
IDA | 0.011 | 0.03% |
Others | 0.01 | 0.03% |
Source: Bangko Sentral ng Pilipinas |
Table 2. TERMS OF RECENT PHILIPPINE LOANS/BONDS | ||||
AMOUNT | MATURITY | INTEREST | ||
Maturity | Grace period | RATE | ||
ROP BONDS (AUGUST 2024) | US$500M | 5.5 | NONE | 4.38% |
US$1B | 10.5 | 4.75% | ||
US$900M | 25 | 5.18% | ||
ADB - Advertisement -
Malolos-Clark Railway |
US$2.75B | 30 | 7 | 5.39%*/ |
Improving Growth Corridors in Mindanao Roads Sector | US$380M | 30 | 7 | 5.39%*/ |
World Bank | ||||
First Sustainable Recovery Development Policy Loan | US$750M | 20 | 5-6 | 6.99%*/ |
First Digital Transformation DPF | us$600 | 20 | 5-6 | 6.99%*/ |
Sources: ADB, WB and BTR | ||||
*/ Variable rate, adjusted semi-annually |