HUMINGI ng beripikasyon si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay ng pagkakakilanlan ng isang dating Philippine National Police Chief na ‘di umano’y nakakatanggap ng buwanang sweldo mula kay dating Bamban Mayor Alice Guo na nahaharap ngayon sa mga kaso ng ilegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
“Merong sinabi si General Villanueva na meron daw isang former Chief PNP receiving a monthly payroll from you. Pwede bang malaman kung sinong former Chief PNP?” tanong ni Dela Rosa kay Guo.
“Baka mamaya mayroong lalabas na script diyan na, ‘Si Bato ay tumatanggap ng pera galing sayo’…Klaruhin ko lang ito,” dagdag ng dating PNP chief.
Tinugon ito ni Guo na hindi pa niya nakakaharap ang senador kundi noong iniimbestigahan na siya sa pagkaka-link niya sa POGO. Pinatutuhanan din ito ng dating Armed Forces of the Philippines Intelligence Service commander at ngayon ay Pagcor Senior Vice President Raul Villanueva na hindi si Dela Rosa ang tinutukoy na dating PNP chief na tumutulong kay Guo.
“I don’t have any confirmation but I’m sure you’re not the one, I think so,” tugon ni Villanueva.
Naganap ang naturang diskusyon nitong Martes, Setyembre 17, 2024 sa pagdinig ng Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality sa pangunguna ni Senator Risa Hontiveros.
Bago matapos ang kanyang pagkakataong magtanong, nag-iwan din ng mensahe si Sen. Bato kay Alice Guo.
“You cannot remove the fact na ikaw ay involved sa POGO. Whether you deny it or not, kaming lahat dito naniniwala talaga na involved ka sa POGO. Kung mag-insist ka, you can tell that to the marines [but] not to the policeman,” sabi ni Dela Rosa.