HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na harapin at ikonsidera ang cyber security ng bansa bilang national security concern para mapigilan ang cyber-attacks laban sa mga pangunahing imprastraktura.
“Isipin natin na ang cybersecurity ay isang national security concern dahil wala pang batas tungkol dito. Dapat magkaroon tayo ng sense of urgency dahil habang mas nagiging konektado ang mundo, mas nagiging vulnerable tayo sa cyberattacks. Dapat tayong mag-ingat sa ganitong uri ng aspeto ng bansa,” sabi ni Gatchalian sa mga opisyal ng DICT sa katatapos na pagdinig ng Senado sa panukalang 2025 budget ng departamento.
Ayon sa kanya, kailangang tiyakin ng gobyerno na ang kakayahan ng cybersecurity ng mga kritikal na imprastraktura tulad ng mga electric transmission lines ng bansa, mga paliparan, at water distribution, bukod sa iba pa, ay maayos na nagagawan ng audit. “Dahil ang mga imprastraktura na ito ay pribado na pinamamahalaan, ang gobyerno ay walang kapangyarihan na i-audit ang kanilang kakayahan pagdating sa cybersecurity. Nakakatakot ‘yun,” ani Gatchalian.
Sa kaso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), halimbawa, napag-uusapan ang posibilidad na makompromiso ang transmission backbone ng bansa sa posibleng cyberattacks.
Binigyang-diin ni Gatchalian na kailangang tiyakin ng gobyerno na ang mga critical information infrastructures ay may sapat na proteksyon sa mga tuntunin ng cybersecurity. “Hangga’t wala tayong cybersecurity audit, ang bansa ay maaaring maging vulnerable at hindi natin masisiguro sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang bahagi nito sa pagprotekta sa mga kritikal na imprastraktura, lalo na sa mga oras ng geo-political uncertainties. Kailangan nating tiyakin sa mga tao na kontrolado natin ang sitwasyon,” aniya.
Matatandaang naghain si Gatchalian ng Critical Information Infrastructure Protection Act of 2022 para magtatag ng mas secure na cyberspace at data protection regime na sumusunod sa international standards, at tiyakin ang libreng daloy ng impormasyon.