26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Mga maiinit na pahayag ni VP Sara at ang pagbaba ng kanyang approval rating  

- Advertisement -
- Advertisement -

MULING bumaba ang approval rating ni Vice President Sara Duterte sa ikatlong quarter ng 2024 na isinagawa ng OCTA Research.

Sa Tugon ng Masa survey na isinagawa nitong September 4-7, 2024, bumaba ang trust ratings ni VP Sara ng anim na porsiyento mula sa 65 porsiyento sa ikalawang quarter sa 59 porsiyento, samantalang ang kanyang performance rating ay bumaba ng walong porsiyento mula sa 60 porsiyento sa kaparahong quarter sa 52 porsiyento.

Bumaba ang trust ratings ni VP Sara sa lahat ng rehiyon at socioeconomic classes maliban sa Class E, na tumaas mula 68 porsiyento sa 73 porsiyento, at sa kanyang balwarte sa Mindanao, na nananatili sa 95 porsiyento.

Ang survey period ay kasabay sa budget hearings ng Office of the Vice President (OVP, kung saan hindi dumalo si VP Sara sa hearing kung saan pag-uusapan ang confidential at intelligence funds. Dahil sa hindi niya pagdalo ay ipinagpaliban ang proposed budget ng OVP na P2 bilyon.


Subalit, ibinaba ng Mababang Kapulungan ang kanyang budget sa P733 milyon, kapareho noong 2022.

‘Drag me to hell’ conference ni VP Sara

Isang  press conference ang ginanap sa Office of the Vice President nitong Oktubre 18, 2024 kung saan sinagot ni Bise President Sara Duterte ang mga katanungan ng mga mamamahayag at naglabas siya ng kanyang saloobin tungkol sa ilang mga pangyayari na kanyang nakita at mga isyung kanyang kinakaharap.

Umani ang mga naging pahayag ni Duterte ng samu’t saring reaksyon dahil na rin sa mga nakagugulat niyang mga pahayag.

- Advertisement -

Nagsimula ang presscon sa pagbabalik-tanaw ni Duterte mula noong 2021 dahil aniya sinasabi ng mga tao na “we are on this road to perdition” dahil sa hindi nya pakikinig sa tatay nya na tumakbo syang presidente.

Pinabulaanan niyang sinabihan sya ng kanyang ama na si dating Pangulo Rodrigo Duterte na kumandidato. Katunayan, aniya, sinabihan siya nitong huwag tumakbo, dahil sa naranasan nito at naaawa ito sa kanya kung mararanasan niya ang mga ito.

Narinig na rin daw nya ang pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.  (PBBM) patungkol sa “deception.”

“Hindi ko na sana siya sasagutin kasi naman hindi naman siya mahalaga sa bayan pakialam natin sa kung anong nararamdaman ng Presidente tsaka Vice President di ba? I am a subject of megamillions PR attack I’m a subject of a house committee hearing pero hindi na importante yung nararamdaman ko diyan ang mahalaga matuloy namin sa Office of the Vice President kung ano yung sinabi namin gagawin namin ‘di ba I don’t understand why we’re talking about feelings, so, hindi ko na siya sasagutin and then sabi ng mga taga Davao, nandoon ako sa Davao nung nilabas niya yang deception na yan. Iba-iba na yung reaction ng mga taga-Davao, I was deceived. So, I thought, well, I will not talk for myself, but I will talk for all the Filipinos na nararamdaman nila ay hindi nabalik ang justice ng boto nila, so yan yung context,” paliwanang ng Bise Presidente sa konteksto ng kanyang pa-presscon.

Noong Oktubre 2021 nag-file siya ng kandidatura para tumakbong alkalde ng Lungsod ng Davao. Ngunit , aniya, naging masakit sa kaniya na may mga taong disappointed sa kaniya dahil sa hindi niya pagtakbong presidente.

Pagkatapos ng deadling ng filing of candidacy, tumawag, umano sa kaniya si Senadora Imee Marcos, kapatid ni PBBM at inalok siyang maging running mate nito dahil ayon umano sa senadora matatalo si Marcos ni Leni sa Visayas at Mindanao kung hindi papayag si Sara Duterte na maging Vice President ni PBBM .

- Advertisement -

Iminungkahi na lamang niya na kuning running mate sina Senador Rolando “Bato” Dela Rosa, Bong Go o Manny Pacquaio.

Sa isang meeting sa Cebu sinabihan niya si Marcos na hindi pa niya nakikita ang mga numero niya kung kaya nagpagawa ng mabilisang survey si Marcos kung saan ayon sa resulta nito “okay naman sabi ng survey huwag lang kayong maghihiwalay.”

Sa huli, nagdesisyon si Duterte na tanggapin ang alok na maka-tandem si PBBM upang, aniya, makabawas man lamang sa disappointment ng mga tao sa kanya. “I think maiintindihan na nila. Ito na lang yung i-offer ko sa kanila ang mag vice president ako, number 2.”

Dalawang kahilingan

Sa pagtanggap niyang ito, dalawa lamang umano ang kanyang naging kahilingan. Una, yung magiging trabaho niya at pangalawa, ang suportahan ang kanyang air travel upang makauwi agad siya sa kaniyang mga anak. Pareho, aniya, itong pinayagan ni Marcos.

Una niyang hiniling na maging kalihim ng Department of National Defense (DND) dahil naniniwala siya na naiintindihan niya ito lalo pa’t karamihan ng insurgency at terrorism ay nasa Mindanao. “Kinaklahan ko yan, naiintindihan ko siya. In fact, nung bumaba ako insurgency-free ang Davao City,” ani Duterte.

Ngunit, binago niya ito ng manalo na sila. Pinili nya na hawakan ang Department of Education (DepEd) dahil na-realize nya pag-aawayin sila ni Marcos ng mga tao lalo na umano ng mga Liberal upang sirain ang kanilang partnership. Kung nasa DND sya araw-araw umano siyang pagdudadahan na nagpaplano siyang patalsikin ang gobyerno at ayaw niya umanong magtrabaho ng ganoong sitwasyon.

Di na natupad ang pangalawa niyang kahilingan. Pangalawa sa kanyang kahilingan ang suportahan siya sa kanyang air travel “Sabi ko pwede ba sabihan mo yung 250 kasi ang priority hindi ikaw kasi yan yung sasakyan natin kasi naiintindihan mo ‘di ba na meron akong maliliit na sinabi niya do I have to tell them from British accent of course kasi presidente ka, ikaw magsabi. And then one time ah walang problema yan maliit na bagay lang ‘yan. Okay, so that was the personal sa aming dalawa.”

Ang 250th Presidential Airlift Wing (PAW) ng Air Force of the Philippines ang tinutukoy na 250 ni VP Sara sa kanyang pahayag na ito.  Base sa mandato ng  PAW, ginagamit ang mga helicopter ng 250  para sakyan ng Presidente, Unang Pamilya, mga bumibisitang Pangulo ng ibang bansa at mga lokal at dayuhang VIPs (very important person).

 ‘Drag me to hell’

Pabirong sinabi ni VP Duterte na “drag me to hell” na ang bagong tagline ng Office of the Vice President (OVP).

Kasalukuyang humaharap ang OVP sa imbestigasyon ng Kamara kaugnay ng budget nito at confidential funds. Nitong Oktubre 17, ipinatawag ng komite ang anim na kawani ng tanggapan ng Pangalawang Pangulo para sa isinasagawa nitong imbestigasyon.

Ito, matapos ang pagdinig din ng Kamara sa panukalang budget ng DepEd at ng OVP para sa taong 2025 kung saan kinuwestyon ng mga mambabatas ang umano’y iregularidad sa paggasta ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Duterte.

Pangungunahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability na pamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua ang imbestigasyon kaugnay ng hindi naisagawang distribusyon ng mga laptop at e-learning equipment ng kagawaran.

Isinasagawa rin ang imbestigasyon ng Kamara tungkol  sa hindi nagamit na P9 billion sa P11.36 bilyong budget nito para sa information and communication equipment para sa taong 2023 na nagresulta ng low utilization rate nitong 19.22%.

Sabi ni Duterte: “Gusto nila impeachment. So, ang ginagawa nila nagfi-fishing sila, hanap sila ng hanap. Bago ako naupo, impeachable official ako, binasa ko yan lahat.

Si BBM, sabihin ko sa inyo may listahan ako ng limang bagay ng impeachable offense nya. Sa tingin nyo papasa dyan sa House (of Representatives), syempre hindi.”

Pinsan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.(PBBM) ang kasalukuyang Speaker of the House na si Congressman Martin Romualdez.

Sa kabila nito, hindi umano niya pinagsisisihan ang desisyon na tumakbong Bise Presidente.  “Meron akong realization niyan because ang nagsabi sa akin niyan si former Senate President Manny Villlar. Sabi niya wala kang kawala diyan, saan ka man magtago, saan ka man pupunta hahabulin ka nila kasi tinitingnan nila ang 2028…Kasi imagine niyo kung mayor ako tapos hinahabol nila ako ngayon, napakadali ako isuspend, napakadali nila akong kasuhan, napakadali nila ako tanggalin sa pwesto if mayor, ngayon di nila ako matanggal. They can drag me to hell. Pagdating nila doon ako pa rin yung presidente ng impyerno,” sabi ng anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Toxic relationship

Sa press conference, tinanong si VP Duterte ng isang mamamahayag kung nakalimutan na ba ng nakaupo ngayon na ang kanyang ama — si  dating Pangulong Duterte, ang gumawa ng hakbang na labag sa kalooban ng mga Pilipino nang payagan nitong mailibing sa Libingan ng mga Bayani si Marcos Sr.

“Hindi ko alam pero isang beses sinabihan ko talaga si senator, sabi ko sa kanya pag hindi kayo tumigil huhukayin ko yang tatay ninyo, itatapon ko siya sa West Philippine Sea. Sinabihan ko si Senator Imee. One of these days pupunta ako doon kukunin ko ‘yang katawan ng tatay niyo itatapon ko yan sa West Philippine Sea,” sagot ng Bise Presidente.

Ayon  kay Duterte, sinabi niya ito sa group chat nila kung saan “banat sila ng banat.”

Naging toxic na, aniya, ang relasyon nila ni PBBM na na-realize niya lamang sa isang graduation ceremony kung saan na-imagine niyang putulan ng ulo ang Pangulo at ang dalawang katabi niya na tinawanan ang isang graduate na humiling na iregalo sa kaniya ng Pangulo ang relo nito na dahil hindi alam umano ang isasagot sa biglaang kahilingan ng bata, ipinaulit pa nito ang sinabi nito at sinagot umano ng Pangulo ng: ”‘Why would I give you my watch?’”

“Gusto ko tanggalin ang ulo nya ba. I realized toxic na yung relationship. It did not help itong dalawang katabi ko tumawa pa. I saw the humiliation sa face ng bata. Ito  na lang relo ko, kaso baka lalong mapahiya. Imagine myself cutting his head, ganon din gusto kong gawin sa mga katabi, so na-realize ko toxic na ito.  Gusto kong sabihin sa kanya, bago ko tanggalin ang ulo mo, yang bata na yan nag-aral ng apat  na taon, walang tulog, nag-training, yang batang yan ang mapuputulan ng daliri dyan sa fiasco nyo sa West Philippine Sea, and then, I’ll cut his head. Na-realize ko toxic na di ba? Ganyan na imagination mo, sinasakal mo na yung tao, so this is over. Tapos na,” ani Duterte.

Nasundan pa ito nang lusubin ang compound ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC sa Tamuyong, Davao City kung saan may mga sibilyang kasapi ng naturang simbahan ang pinukpok at ginamitan ng tear gas nitong nakaraang Agosto 25, 2024.

”Anong purpose ng i-teargas mo yung tao? For expressing his desperation,  his frustration, his anger, na in the end pano nag-surrender? Kinausap. Wala sanang napukpok, walang na-teargas, walang nasaktan. Kailangan nya talaga ganonin mga tao?  Then i said, it’s all over. Sabi ko sa sarili ko, ok, let’s go to hell,”  ani Duterte.

Ang KOJC ay ang simbahan na pinamumunuan ng spiritual adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy. May warrant of arrest para sa kaniya dahil sa kanyang mga kaso sa US na kinabibilangan ng sex trafficking, fraud, coercion at money laundering.

Nag-sorry umano siya sa KOJC dahil noong kampanya, hiniling niya sa mga ito na iboto si PBBM.

Dahilan ng kanyang pagbibitiw

Nang magbitiw sa tungkulin si VP Sara noong Hunyo 19, 2024 bilang kalihim ng DepEd at vice chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) wala siyang sinabing dahilan kung bakit siya nagbitiw.

Sa press conference nitong Oktubre 18, sinabi niya ang dahilan: “Kaya nga umalis ako ‘di ba sa administration hindi ko na gusto ‘yung mga naririnig ko dun, hindi ko na gusto mga nakikita ko dun. Kayo kung gusto nyo ng pera, natatakot kayo, kayo na lang. Huwag nyo na akong isali.”

Dagdag pa niya: “Sa DepEd, bakit ako umalis? Alam nyo na yun. Sinabi ko na yun. Dalawang tao lang nagkokontrol- si Zaldy Co, si Martin Romualdez. Kita natin yan. Tingnan nyo NEP (National Expenditure Program), GAB (General Appropriations Bill), GAA (General Appropriations Act), makikita nyo ang galawan dyan. Di na siya kailangan ng expert. Sundan nyo lang kung ano ang nagbabago. Isa pa, na prove ko dyan yung AKAP (Ayuda para sa Kapos ang Kita Program), di ba nagtalo sila sa AKAP? Sinasabi ng mga senador di naman namin nakita yan noon. Sabi ni Zaldy Co, ‘di ba pinirmahan nyo, digital signature nyo pinirmahan nyo ‘yan.’ Wala ng bicam na nangyayari. “

Bicameral Conference Committee ang bicam na tinutukoy dito ni Duterte  na siyang nag-aapruba ng GAB na kapag naaprubahan ay tinatawag na GAA.

Ang GAA ang isa sa mga pinakamahalagang batas na kinakailangang ipasa ng Kongreso taun-taon dahil naglalaman ito ng taunang expenditure program ng pamahalaan.

Dagdag pa niya, nasa road to perdition ang Pilipinas dahil hindi marunong maging Presidente si BBM.

Pina-rank ng isang mamamahayag si PBBM kay Duterte mula isa hanggang 10 kung saan 10 ang pinakamataas. “I tell you the highest: one,” sagot ni Duterte.

“Maraming naiiwan ngayon,” dagdag pa niya.

Wala rin umano siyang naririnig mula sa Pangulo na plataporma nito para solusyonan ang mga problema ng bansa.

“I don’t ever remember may platform siya na sinabi kung anong gagawin niya para sa bansang ito. Di niya sinabi ano gagawin natin sa food security, wala siyang sinabi kung ano gagawin natin sa inflation na darating, alam naman natin na darating kasi napo-forecast na sya,I don’t ever remember may plataporma siya,” sabi pa nito sa press conference.

‘Hindi kami magkaibigan’

Nitong Oktubre 12, sumagot si PBBM sa katanungang hinihingi ang kanyang reaksyon sa pahayag ni VP Duterte na hindi sila magkaibigan.

“I am a little dismayed to hear that she doesn’t think of me as a friend. I always thought that we were but maybe I was deceived,” pahayag ni Marcos.

Muli itong inulit ni Duterte sa presscon. “Hindi talaga kami magkaibigan. Nagkasama lang kami unang-una sa eleksyon . Pangalawa sa trabaho. Noong tumatakbo pa meron kaming group chat andun siya, yun lang yung some sort of communication namin. Hindi siya masyado nagsasalita dun, bihira. After nun nawala na sya sa group chat. Wala akong number nya. I’m sure may number sya ng akin pero wala kaming some sort of communication, nothing at all. Except nung magkasama kami para mangampanya. Sa labas nyan wala na. Nagkakausap lang kami dahil sa trabaho and hindi naman lahat ng katrabaho natin kaibigan natin,” ani Duterte.

May pagkakataon umano na naimbitahan siya sa bahay pangulo sa Malakanyang. “Pero I was just tolerated kasi may gamit naman ako, I’m useful to them. Alam ko naman yun. So as long as I can do my job sa DepEd at sa OVP, mabigay ko lang promise ko sa bayan, para sa education, walang problema, yun can tolerate me all you want. Lisa Marcos is another story. Wag nila banggitin ang pangalan ko. I will call bullshit as it comes. Iyan ang magagawa ko para sa inyo,” ayon pa kay Duterte.

Speaker Martin Romualdez

Bukod sa umano’y pagmamanipula ng budget ng pamahalaan, isa umanong malaking kahihiyan ng Pilipinas si Speaker Romualdez sa buong mundo dahil sa pagtanggap nito ng suhol.

“Martin is an embarassment to the Philippines in the global stage. Nakakahiya!” sabi ni Duterte.

Hindi na nagbigay pa ng karagdagang impormasyon si Duterte tungkol dito bagama’t nangako ito na sa pagbubukas na lamang ng House of Representatives ang detalye.

Reaksyon sa kanyang mga pahayag

Sa panayam ni Karen Davila sa programang Headstart sa ANC, sinabi ng political analyst na si Ronald Llamas ang kanyang opinyon sa mga pahayag ni VP Duterte.

“Makikita mo yung height of entitlement, di ba yung ganon? Kaya hindi bago yung mga sinabi niya, ang bago rito ay yung lumampas ka na sa limit ng what is proper or even improper. Yung sinasabi mo na huhukayin mo yung bangkay at itatapon mo sa West Philippine Sea, yung sasabihin mo na ikaw ay sinisipon lamang pero hindi ka nag-cocaine, two, three times, tapos yung  sabi mo B-S, B-S, B-S five times, tapos yung mamumugot ka ng ulo. Actually,  Karen, in my 40 years in politics ngayon lang ako  nakakita ng ganitong klaseng… Hindi lang siya toxic eh, it’s morbid,” aniya.

Bilang reaksyon sa “shocking” at “disturbing” na mga pahayag ni Duterte, sa isang ulat ng Philippine News Agency (PNA), sinabi naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pinag-aaralan na ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na sampahan ng kaso ang Pangalawang Pangulo.

“How can we entrust our youth to such a person who can utter such words and reflect such thoughts that are against human decency and good behavior? I think it’s just shocking, and we’ll just leave it at that and I think we all know the score, of what kind of vice president we have… how seemingly unstable her mind can be… and this country does not deserve a future with the kind of person like this,” saad ni Remulla sa ulat ng PNA.

Pahayag naman ni Senate President Chiz Escudero, “”Unbecoming ang mga ganyang uri ng pahayag lalo na sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa.”

Ayon kay Minority Leader Senator Koko PImentel: “Akala ko AI (artificial intelligence), pina-double check ko muna. I think she needs to talk to some professionals and maybe some close friends and family. Mahirap kasi yung nasa isip at damdamin nya. Mahirap yung di mo i-share.”

Ilan sa mga tinaguriang “Young Guns” ng Kamara rin ang nagbigay ng kanilang pahayag. Isa na rito si House Assistant Majority Leader Jay Khonghun. Aniya: “Kailangang magkaroon ng masusing psychological assessment upang matiyak kung siya  ay karapat-dapat pang maglingkod sa bayan sa ganitong kritikal na posisyon.”

Sa panayam ng mga mamamahayag sa sidelines ng 50th Philippine Business Conference and Expo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) na ginanap nitong Oktubre 22, nagbigay ng kanyang reaksyon ang Bise Presidente sa mga naging reaksyon sa kanyang mga pahayag.

“Unang una, ipagdasal natin ang Pilipinas dahil mayroon tayong Secretary ng Department of Justice na hindi alam ang batas. There is a big difference between talking about desecration of a body and actually desecrating a body. Im talking about desecration of a body is not desecration of the dead. Sana as a lawyer dapat maintindihan nya yun agad but apparently, sabi nga ng iba, pag mabilis ka, meron talagang mabagal ang pick up,” ani Duterte bilang reaksyon sa pahayag ni Remulla.

At sa panawagan na siya ay sumailalim sa neuropsychiatric test, aniya: “Wala akong problema dun. I will call that. Pero let us make this an election issue. Iyong ‘Young Guns’, I am sure kasi young sila magpapare-elect pa iyan. They are running as re-electionists. So, gagawin natin dalawang tests sa akin. Kasi sinasabi nila unstable ako. Eh paningin ko naman sa kanila eh unstable din sila ‘di ba? Kasi bakit? Aatake sila, pag sumagot iyong ina-atake nila, nagagalit sila. Tinatawag nilang unstable. Eh para sa akin unstable din kayo. Bakit niyo ako inaatake, ‘di ba? So, I will do two tests-neuropsychiatric exam and drug test pero dapat lahat ng mga Young Guns, lahat ng congressional candidates ay dapat magpa-drug test.”

May dagdag na ulat si Lea Manto-Beltran

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -