NAGLAAN ng ₱1 bilyon na pondo ang Department of Agriculture (DA) sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) para sa pagpapalago pa ng seaweeds industry ng bansa.
Ito ang inanunsiyo ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa harap ng mga dumalo sa Philippine Seaweed Congress na isinagawa sa lungsod ng Puerto Princesa kamakailan, kung saan siya ay naging panauhing pandangal.
”Ang gagawin po natin next year ay one of the biggest investments sa seaweed industry, nag-allot tayo sa DA, sa BFAR ng ₱1 billion. ‘Yong ₱1 bilyon na ito mag-tatayo tayo ng mga dryers, magbibigay ng mga gamit para mag-expand ng seaweed farms at tsaka for seaweed warehouses,” pahayag ni Laurel.
Sinabi naman ni BFAR National Director Isidro Velayo Jr. na ngayon lamang nagkaroon ng ganito kalaking pondo ang BFAR para sa seaweeds development program.
“During the presidency of president Ferdinand Marcos, Jr. at Sec. Francisco Laurel, Jr. ngayon lang po namin na-achieve ‘yong malaking budget for the seaweeds development program for next year,” saad ni Velayo.
Ayon pa kay Velayo, maliban sa tuna, ang seaweeds ang pangalawa sa major marine products na ini-export ng bansa.
Sinabi pa ni Velayo na ang seaweeds ay maraming gamit, tulad sa pagkain at pwede din sa non-food applications. Ginagamit din ito sa industrial, pharmaceuticals, cosmetics at marami pang iba.
“Record, I think, we are producing about 1.5 million metric tons annually, 1.5 million annually. ‘Yong ating production, pinakamalaki ‘yan sa aquaculture sector ang seaweeds production share,” pahayag pa ni Velayo.
Ilan sa paglalaanan ng pondo para sa taong 2025 ay ang pagtatayo ng mga seaweeds nursery sa buong bansa, dryers, bodega, pagsasanay ng mga seaweed farmers, at iba pang proyekto na makatutulong sa mga ito na mapalago ang kanilang produksiyon.
Binisita naman ni Laurel ang congress exhibit, kung saan tampok dito ang mga produktong gawa sa seaweeds ng iba’t ibang rehiyon.
Ang 4th Philippine National Seaweed Congress ay ginanap noong Nobyembre 7-8, 2024 na may temang “Maganda ang Presyo, Kung ang Kalidad ng Gulaman ay Husto.” (OCJ/PIA MIMAROPA-Palawan)