26 C
Manila
Huwebes, Disyembre 12, 2024

Si Dr. Jose Rizal at ang mga bulaklak ng Heidelberg

PUWERA USOG PO

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGHAHANDA pa lamang ako papuntang Frankfurt, Germany nang makatanggap ako ng mensahe sa aking messenger account mula sa isang kaibigan. Nalaman niya kasi sa isang post na patungo ako sa Germany para dumalo sa Frankfurt Book Fair. Tinanong niya ako kung gusto kong pumunta sa Heidelberg, isang siyudad na kalapit lang ng Frankfurt.

Kasama ni Dr. Gatmaitan sina JC Vertido, Michelle at Augie Rivera sa pagtungo sa Heidelberg

Nang marinig ko ang Heidelberg, naisip ko agad ang ating pambansang bayani. Malaki ang papel ng lugar na iyon sa buhay niya. Naisip ko na doon tumira si Dr. Rizal habang nagpapakadalubhasa sa larang ng Optalmolohiya (pag-aaral sa mga kondisyon at sakit sa mata). Naalala ko ring may tulang sinulat si Rizal patungkol sa mga ‘bulaklak ng Heidelberg.’ Agad kong kinumbinsi ang mag-asawang Augie at Michelle Rivera (parehong manunulat), na kasa-kasama ko sa biyahe patungong Frankfurt, na puntahan agad namin ang Heidelberg hustong dumating kami sa Frankfurt. Siyempre pa, agad sumang-ayon ang dalawa dahil kagaya ko, nais din nilang bisitahin ang monumento ni Rizal sa naturang lugar.

Si Doc Luis at si Doc Pepe sa Jose Rizal Park sa Wilhelmsfeld, Heidelberg

Pebrero ng taong 1886 nang lumipat si Rizal ng Heidelberg upang doon manirahan. Doon daw niya binalak pumunta dahil nandoon ang mga magagaling na guro sa Optalmolohiya, na binabalak niyang gawing espesyalidad. Binanggit daw ng mga nakilala nitong university students ang Augenklinik (Eye Clinic) ni Otto Becker. Isa pa, nasa Heidelberg din ang itinuturing na pinakamatandang unibersidad sa Germany: ang University of Heidelberg, na itinatag noong 1386. Dito sa unibersidad na ito nakilala ni Dr. Rizal si Propesor Friedrich Ratzel (German historian) at Dr. Hans Meyer (kilalang German anthropologist). Kalaunan, isinalin ni Dr. Rizal sa wikang Tagalog ang nobelang Wilhelm Tell (na naging William Tell sa Tagalog version) ni Friedrich Schiller upang malaman ng mga Pilipino ang kuwento ng ‘Kampeon ng Kalayaan’ ng mga Swiso.

Kahit umuulan at sobrang lamig, nagpakuha ng larawan ang may akda kasama ang Pinay nurse na si JC Vertido

Kagaya ng ibang nangibayang-bayan, naranasan din ni Dr. Rizal na mangulila sa kaniyang pamilya sa Pilipinas, gayon din sa bayang sinilangan. Doon na siya naninirahan noon sa Heidelberg nang kaniyang nasulat ang tulang ‘A Las Flores de Heidelberg’ (To the Flowers of Heidelberg). Sa tulang ito, hiniling ni Dr. Rizal sa mga bulaklak ng Heidelberg na dalhin ang kanyang mensahe ng pagmamahal, kapayapaan, at pananampalataya sa bayang sinisinta — ang  Pilipinas. Lumutang sa tula ang pangungulila niya sa bayan. Inihalintulad niya ang sarili sa isang bulaklak na unti-unting nawawalan ng amoy habang nananatiling malayo sa tinubuang lupa.

Kumusta ka, Dr Jose Rizal?

Isinulat niya ang tulang ito noong Abril ng taong 1886 nang panahong nalusaw na ang niyebe at nagsisimula na ang Tagsibol (Spring). Maaaring nahalina si Dr. Rizal sa pamumukadkad ng mga bulaklak dito kung kaya’t lalong tumindi ang naramdaman niyang pangungulila sa Pilipinas. Sinasabing sinulat niya ang tula sa tabi ng Neckar River sa Heidelberg habang minamasdan ang mga bulaklak na sumisibol doon. Kung babalikan natin ang itinuro sa atin ng mga guro patungkol sa mga ‘figures of speech,’ ang ginamit dito ni Dr. Rizal ay ang ‘personification.’ Binigyan niya ng karakter ng isang tao ang mga bulaklak at ginawa niyang mensahero ng kaniyang pangungulila sa tinubuang-lupa.


May ‘City of Calamba’ sa Heidelberg!

“Nasaan ang mga bulaklak ng Heidelberg?” gayon ang tanong ko kay JC Magsino Vertido, ang kaibigan kong nurse na nagtatrabaho sa isang nursing home facility sa Germany, na siya ring nag-anyaya sa akin na dumalaw sa Heidelberg. Nabigla siya sa aking tanong. Ano raw bulaklak ang tinutukoy ko. Kuwento ko kay JC, may tulang isinulat si Rizal tungkol sa mga bulaklak ng Heidelberg habang nangungulila siya. Ano kaya ang hitsura ng mga bulaklak na ‘yun? Iginala ko ang aking paningin sa paligid ng monumento ni Rizal. Wala akong nakitang mga bulaklak. Wala ring maiturong bulaklak sa akin si JC. Nabigyan ko pa tuloy siya ng problema! Noon ko napagmunihan na hindi isang partikular na bulaklak ang tinutukoy ni Dr. Rizal sa kanyang tula kundi ang kalipunan ng mga bulaklak na tumutubo sa dakong iyon ng Alemanya. Hindi ito katulad ng bulaklak ng ‘edelweiss’ ng Austria at ng ‘sampaguita’ ng Pilipinas na tukoy ang mismong pangalan ng bulaklak.

Mahigit isang oras ang layo ng siyudad ng Frankfurt sa lungsod ng Heidelberg (via train)

Inabot ng mahigit isang oras ang aming paglalakbay patungo sa Heidelberg. Mula sa Hauptbahnhof Central Station, sumakay kami ng train bago lumipat sa isang bus patungong Wilhelmsfeld, kung saan matatagpuan ang monumento ni Dr. Rizal. Malapit na kaming bumaba sa bus nang magsimulang pumatak ang ulan. Nagkataon namang wala kaming dalang mga payong. Hayun, basang-basa kami ng ulan habang ginagaygay namin ang mga lansangan patungo sa lugar na tinirhan ni Dr. Rizal. Habang naglalakad at ayaw huminto ang pag-ulan, nagmumuni-muni ako. Sabi ko sa kanya (kay Dr. Rizal), pahintuin mo na ang ulan kasi’y gusto lang naman naming makita ang mismong lugar na nilakaran mo noong ikaw ay nasa Heidelberg.

Kasama ni Dr Gatmaitan sa harap ng monumento ni Rizal ang Lampara Books publisher na si Segundo Matias Jr.

Napansin kong malapit na kami sa kaniyang monumento nang makita ko ang ilang street sign na may nakasulat na ‘City of Calamba.’ Tapos, may isang kanto kaming namataan na may nakapaskil na ‘Jose Rizal Park.’ Makikita rin ang isang kalye na may nakasulat na Jose Rizal Strase (Street). Sa wakas, narating din namin ang monumento ni Dr. Rizal upang magbigay-pugay sa kanya. Sakto rin na ang dahilan nang pagtungo namin sa Germany ay ang pagdalo bilang opisyal na delegado sa pinakamalaki at pinakamatandang book fair sa daigdig. Alam kong ikakatuwa ito ng ating bayani. Marami nang manunulat at book authors ang ating bansa ngayon. Bitbit namin ang aming mga inakdang libro upang itampok sa Frankfurt Book Fair. Matatandaang dito rin sa Germany (sa siyudad ng Berlin) naisulat ni Dr. Rizal ang kaniyang nobelang Noli me Tangere.

 

- Advertisement -

Nandoon nga ang malaking monumento ni Rizal na nasa aktong waring nag-iisip habang hawak niya ang kanyang pluma. Sa ilalim na bahagi ng monumento ay nandoon ang isang QR code na magbibigay ng dagdag ng impormasyon sa bayaning Pilipinong nanirahan sa Heidelberg. Siyempre pa, bawat isa sa amin ay nagpakuha ng larawan sa kanya. E, ano kung patuloy pa rin ang pag-ulan at sobrang lamig sa paligid. Ang makita ang monumento ni Rizal sa Heidelberg ay isang karangalan. Kay sarap sa pakiramdam na kinikilala rin siya ng bansang Alemanya! Naisip ko, kailan ba ako huling dumalaw sa Luneta at nagpakuha ng larawan sa harap ng kaniyang monumento rito? Sa Heidelberg ay di namin sinanto ang ulan upang masilayan lang siya.

Historyador na si Ambeth Ocampo

Nalaman ko na may nakatakdang ‘walking tour’ pala ang historyador at Jose Rizal expert na si Ambeth Ocampo sa Heidelberg ilang araw matapos kaming dumalaw doon. Ang ganda sanang pagkakataon nito na mapakinggan si Ambeth habang nagkukuwento ng pamamalagi ni Dr. Rizal sa Heidelberg. Ngunit hindi na namin ito nadaluhan sa dahilang nakabalik na kami ng bansa sa naitakdang iskedyul. Nakita ko na lang ang mga larawan ng naturang ‘walking tour’ ni Ocampo sa mga FB posts ni Neni Sta. Romana-Cruz, ang dating chairman ng National Book Development Board. Ang nasabing tour ay bilang paghahanda na rin ng Pilipinas sa pagiging Guest of Honor sa Frankfurt Book Fair sa susunod na taon (2025). May maikling programa rin silang idinaos doon.

Masaya pa rin ang grupo ng mga book lovers kahit basang-basa sa ulan.

Medyo madilim na nang lisanin namin ang parkeng kinalalagyan ng monumento ni Dr. Rizal. Minarapat naming magpasundo na lamang sa Uber taxi sapagkat may kalayuan pa ang aming lalakarin bago makabalik sa mismong ruta ng mga bus. Habang daan ay naiisip ko na sa mga lansangang din iyon naglakad ang ating bayani. Kay laking biyaya na napuntahan namin ang lugar na sumaksi sa paninirahan ni Dr. Rizal sa Alemanya.

At tungkol naman sa mga bulaklak ng Heideberg, napagwari ko na panahon nga pala ng Taglagas (Autumn) nang magtungo ako sa Heidelberg. Susundan pa ito ng Taglamig bago muling dumating ang Tagsibol. Noon pa lamang muling sisibol at mamumukadkad ang mga bulaklak ng Heidelberg, ang mga bulaklak na tinulaan ng ating pambansang bayani sa gitna ng kaniyang pangungulila sa bayan.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -