27.3 C
Manila
Biyernes, Marso 28, 2025

Ano ba talaga ang AI?

- Advertisement -
- Advertisement -

MULA ng pumatok ang ChatGPT sa mga social media platforms kagaya ng Facebook at YouTube, kumalat na rin ang katagang “AI” na bansag sa kategoryang “Artificial Intelligence.”

Larawan mula sa The Manila Times

Matagal na rin itong nakilala dahil sa mga pelikulang science fiction kagaya ng “AI” film (2001) ni Steven Spielberg na naka-base sa isang short story ni Brian Aldiss (“Supertoys Last All Summer Long”). May sumunod din na pelikulang “i, ROBOT” (2004) na pinagsama ang artificial intelligence bilang utak ng mga humanoid (hugis-tao) na robots, pero sa likod pala ng mga krimen ay isang sentrong AI computer (“VIKI”) na gustong mag-kontrol ng lipunan ng mga tao.

Ang “AI” ay nakatutok sa kakayahan ng mga modernong computer systems at networks na gayahin ang mga gawain ng tao na mag-aral at matuto, mangatwiran, pumansin, umunawa, maglutas ng problema, at gumawa ng desisyon.

Ang isang pinagkakaguluhan ngayon ay ang aspeto na “generative AI” kung saan ginagamit ang mga paraan ng pagdisenyo upang makalikha ang AI ng panibagong mga nilagda, manuskrito, sanaysay, guhit, larawan, imahe, video, at anumang uri ng data na kayang manipulahin ng computer.

Halimbawa nito maliban sa ChatGPT ay mga chatbots na Copilot, DeepSeek, Gemini, at LLAMA; text-to-image AI image-generators tulad ng Stable Diffusion, Midjourney, at DALL-E; at text-to-video AI video generators tulad ng Sora.


Nag-umpisa ito mula sa “deep neural networks,” isang paraan na nagtuturo sa mga computer na matuto kagaya sa isang utak ng tao, at binibigyan ang mga ito ng pagkakataon na gumala sa mga LLMs o “Large Language Models” upang matuto ng isang wika o lengguwahe na ginagamit ng maraming tao.

Ang iba sa mga ito ay pinapagkaloob ng libre at walang bayad tulad ng DeepSeek upang unang makakuha ng maraming gumagamit at madagdagan pa nito ang LLM database sa iba’t-ibang wika. Karamihan sa mga trabaho ng mga AI ay humalungkat sa buong Internet ng mga sagot sa tanong ng mga manunulat tulad ng “Isulat mo ako ng kwento tungkol sa mahiwagang espada na gamit ng isang bayani upang talunin ang isang halimaw.”

Mula ng lumabas ang ChatGPT, napadali ang trabaho ng mga ordinaryong tao at estudyante na lumikha ng mga homework assignment dahil uutusan lang nila ang AI software na sumulat ng sanaysay para sa kanila.

Hindi na nila kailangan pang gumawa ng sariling pananaliksik o pag-isipan ng malalim ang gawain sapagkat kaya na ng mga AI chatbot na lumarga sa lahat ng computer sa buong mundo upang halungkatin ang mga nakatagong impormasyon, at pagkatapos naman ay kaya na ring ipagdugtong-dugtong ng generative AI ang mga detalye sa isang makabuluhang salaysay.

- Advertisement -

Maaari na rin utusan ang generative AI na gumuhit ng mga larawan tulad ng magagandang babae upang mapanood sa cellphone ng sinuman. Nakita na rin ba ninyo ang mga advertisement tungkol sa “download your AI girlfriend”?

Pero para sa mga matatalinong tao, mag-aaral silang gumamit ng AI upang lutasin ang mga makabuluhan o mahalagang suliranin ng ating lipunan. Sa umpisa ay mag-aaral muna sila kung paano gumamit ng mga pangkaraniwang kasangkapan at kagamitan ng AI, pero sa susunod ay kakayanin na rin nila ang lumikha ng sarili nilang sistema at proseso ng malalim at matinding pagdisenyo gamit ang AI.

Hindi alam ng karamihan pero kumalat na ang panghimasok at pagsalin ng AI sa halos lahat ng computer tools tulad ng search engines (tulad ng Google at Bing), sa pagturo at pag-aral ng bagong wika, sa pagguhit ng mga sasakyan o planta, sa pagbantay sa mga pabrika at paggawaan, at marami pang iba. Umpisa pa lang ito.

Sabi nga ng iba ay baka daw mapalitan na ang trabaho ng mga call-center agents sa pagbigkas ng Ingles o ibang wika sa mga tumatawag na kliyente o mamimili.

Sa ngayon ay bago pa lang ang pagsulong ng AI kaya parang paslit at bagito pa lang ito. May lugar at panahon pa para maka-maniobra pa ang mga Pinoy na sanay gumamit ng computers at magsalita ng Ingles upang hindi sila mawalan ng trabaho.

Ngunit hindi dapat matulog at pabayaan lang sumugod ang AI sa ating lipunan ng hindi ito inaaral o binabantayan. Baka kasi dumating ang panahon na magkaroon na rin ng sariling isip at diwa ang mga AI personalities tapos magugulat na lang tayo.

- Advertisement -

Kailangang mag-ingat, maghanda, at maging sanay sa paggamit nitong panibagong kakayahan ng mga kasangkapan na ating inaasahan sa pang-araw-araw na hanap-buhay. Gusto ba nating tayo ang mag-uutos sa AI, o tayo ang uutusan?

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -