IBINULGAR ni Sen. Idol Raffy Tulfo ang ilang kapabayaan na kanyang nasita sa Securities and Exchange Commission (SEC) partikular na sa pagreregulate nito sa mga financial at lending companies na nagpapatakbo ng kani-kanilang mga online lending applications (OLAs).
Maraming reklamo na kasi ang natanggap ng opisina ni Sen. Idol mula sa mga netizens na nangutang sa mga OLA at nagugulat na lamang sila dahil nakakarating sa ibang tao ang kanilang mga personal na impormasyon.
Kaya naman sa hearing ng Senate Subcommittee on Banks and Financial Institution kahapon, March 27, sinabi ni Sen. Tulfo na napagalaman niyang hinahayaan ng SEC ang lending companies na basta na lamang ipamahagi ang confidential information ng “borrowers” sa third party service providers na nakasaad sa Section 2 ng kanilang Circular No. 18 s. 2019.
Depensa ni Atty. Kenneth Joy Quimio, OIC Director ng Financing and Lending Companies Department ng SEC, partner naman daw ito ng mga OLA na nagsisilbing agents nila.
Tinutulan ito ni Sen. Idol at sinabing maliwanag na paglabag ito sa Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173) na pumoprotekta sa mga sensitibong impormasyon ng isang indibidwal. Dagdag pa ni Idol, magkaibang entity ang OLA at ang third party service provider na hindi dapat binibigyan ng ganitong mga sensitibong impormasyon.
Dahil dito, iminungkahi ni Sen. Tulfo na magtalaga o mismong mga collection units na dapat ng OLAs ang dapat kumolekta ng mga utang para may habol ang mga biktima sakaling sila ay i-harass. Inirekomenda rin ni Sen. Raffy ang tuluyang pagsibak sa naturang probisyon ng naturang SEC Circular at pagrepaso nito para makabuo ng bagong polisiya na siyang sinang-ayunan ni Atty. Quimio.
Sunod na pinuna ni Sen. Tulfo ang nakakalitong listahan ng SEC kung saan mayroon silang 117 registered financial at lending corporations na nagpapatakbo ng nasa mahigit 181 online lending platforms na inilabas lang noong March 18, 2025.
Ipinagtataka ni Sen. Idol na kung nagpatupad ng moratorium ang SEC noong November 2, 2021 para hindi na muling magkaroon ng online lending platforms ay bakit tila pinayagan makapag-register ng SEC at hinayaan pa itong madagdagan pa ng nasa 40 kumpanya ngayong 2025.
Paliwanag ni Quimio, may mga kumpanya raw kasing nag-ooverdeclare at nasasama ang kanilang website kahit na pang-marketing at advertisement lamang daw nila ang mga ito. Dagdag pa ni Quimio tuloy-tuloy naman daw ang pagmo-monitor nila sa mga OLA.
Hindi nakaligtas kay Sen. Tulfo ang palusot na ito ni Quimio dahil natuklasan ni Sen. Raffy na may isang kumpanyang nagngangalang Sun Prime Incorporated na hindi naman nag-apply ng aplikasyon para magkaroon ng OLA noong 2021 bago ang moratorium ngunit pinayagan ng SEC na mag-operate ng OLA bilang Salmon Finance ngayong 2025.
Dahil dito ay nangako si Quimio na i-checheck nila sa kanilang mga tanggapan kung paano ito nangyari at magsusumite agad kay Sen. Tulfo na official response report ukol dito.
Dahil dito, inirekomenda rin ni Sen. Idol na panahon na para aktibong linisin ng SEC ang listahan ng mga registered sa kanila na financial at lending companies nang sa gayon ay maayos na maimpormahan ang publiko kung sino ang matitino at accredited na mga kumpanyang nagpapautang at hindi na tangkilikin pa ang mga bogus at mapansamantalang mga online lending companies.