UNCLE, mukhang sunod-sunod ang namamatay ngayon.
Oo nga, Juan, sinimulan ng mga artista, ngayon naman ay si Pope Francis.
At lahat sila ay may sari-saring kuwento sa kanilang naging buhay. Masaya, malungkot. Marami ring aral o leksyon ang puwedeng mong mapulot sa kanilang mga naging karanasan nung sila ay nabubuhay pa.
Totoo yan, Juan. Mga aral tungkol sa pag-alaga sa ating mga sarili. Pagpapahalaga sa mga relasyon. Pagpupursige, pagpapasensya, at ang pagtitiwala sa Panginoon. Kahit kay Santo Papa ay may matutunan ka tungkol sa pananalapi at kung paano huwag gawing sentro ng buhay mo ang pera.
Talaga, Uncle? Akala ko kay Santo Papa ay puro tungkol lang sa pananampalataya o relihiyon o sa ating spiritualidad ang ating makukuha sa kanya.
Naku, hindi lang yan, Juan. Ang Santo Papa ay namuhay ng napakasimple at payak. Alam mo ba na si Santo Papa ay namatay ng may 100 euros lang ang laman ng bulsa. At sa buong 13 na taon nyang paninilbihan sa Simbahang Katoliko ay ni isang kusing ng kanyang suweldo ay hindi nya kinuha at imbes ay pinagpatayo ng palikuran at tulugan malapit sa Vatican para sa mga mahihirap ng Roma?
Maraming values tungkol sa pagiging simple at payak ang binahagi ng Santo Papa at paano ito magagawa sa ating pangaraw-araw na buhay.
Una, ang mga bertud ng pagiging simple at ang pagsasakripisyo. Ayon kay Santo Papa, hindi kailangan ang maging sobrang attached sa mga materyal na bagay. Ang mga taong simple lang ang pamumuhay at hindi iniidolo ang pera ay mas may panahon ng magbigay ng atensyon sa kanilang spiritualidad at maging mas generous sa ibang tao.
Pangalawa, mahalaga kay Santo Papa ang financial literacy. Gusto niya na mas matuto ang tao na maging responsable sa pinansyal na aspeto ng kanilang buhay, partikular na sa pangungutang para sa mga hindi kailangang mga bagay katulad ng mga luxury items.
Pangatlo, hindi sang-ayon si Santo Papa sa mga nagsasamantala ng kapwa sa pananalapi katulad ng pagpataw ng labis na interest sa mga pangungutang o iyong mga financial scams o panloloko na nakakasira sa buhay ng tao.
Pang-apat, hinihikayat ni Santo Papa na gamitin, lalo na ng mga nakakaangat sa buhay, ang kanilang mga resources para sa benepisyo ng ibang tao. Ang pagsisilbi sa iba at ang pagiging responsable sa pananalapi ay dapat bigyan ng pansin para sa paglawig ng social justice, charity at compassion.
Panglima, ang pagiging humble at hindi mayabang ay dapat isapuso para mas magkaroon ng halaga ang buhay at iprioritize ang mga talagang kailangan para mabuhay sa mundo.
Pang-anim, seryoso din ang Santo Papa tungkol sa environmental sustainability. Lagi nyang sinasabi sa mga negosyante na isaalang-alang nila ang epekto ng kanilang mga investments sa kapaligiran at sa hinaharap ng makabagong henerasyon.
Pangpito, ang pera ay dapat magsilbi para sa ikabubuti ng lahat at hindi para magaway-away o maging sanhi ng problema kesa suwerte sa tao. Ayon kay Santo Papa, ang pera ay grasya galing sa Panginoon at kailangan gamitin sa tama katulad ng pag-angat sa kalagayan ng nakakaraming mahirap. Hindi dapat maging sanhi ang pera mg mga maling paggastos na walang katuturan, ang pagkakaroon ng mataas na social status o di kaya’y pagdami ng puedeng utangin na magbibigay sa atin ng sakit ng ulo.
At pangwalo, nais ni Santo Papa na magkaroon tayo ng kultura ng pagbabayad ng utang natin sa oras, mangutang lang kung may paggagamitan ng tama at magkaroon tayo ng abilidad na magamit ang pera hindi lamang para suportahan ang ating mga pangangailangan nguni’t pati pagtulong sa iba.
Hindi imposible ang mga sinabi ni Santo Papa. Nasa sa ating mga desisyon kung paano nating gagawing mabuting kaibigan ang salapi at iwasang ipatotoo ang kasabihan na “ money is the root of all evil!
O, Juan, masuwerte talaga tayo sa legacy na iniwan ni Pope Francis. Sana magawa natin lahat ng kanyang tinuro.