33.2 C
Manila
Linggo, Mayo 18, 2025

Tapos na ang halalan. Paano ang bangayan?

ANG LIWANAG

- Advertisement -
- Advertisement -

NGAYONG tapos na ang halalan, dagdag ba o bawas sa bangayan?

Ito marahil ang tanong ng marami, lalo na ang mga nagdarasal ng “Oratio Imperata para sa Bayan” sa mga Misa mula Marso.

Sa katunayan, dalawang Oratio ang panalangin ng Simbahang Katoliko mula pa noong isang taon.

Una ang Oratio Imperata para sa Kapayapaan upang iadya ang bansa sa digmaan sa gitna ng tumitinding girian ng Amerika at Tsina sa Asya. Sa taong ito naman, itinakda sa Arkidiyosesis ng Maynila ang kasalukuyang Oratio para sa kapayapaan dahil sa bangayan ng mga kampong Marcos at Duterte.

Agenda ng Amerika


Bakit nga ba nagkainitan ang China at Pilipinas at ang mga pamilya at pangkat nina Presidente Ferdinand Marcos Jr. at Bise-Presidente o VP Sara Duterte? Noong mahalal silang dalawa tatlong taong nakararaan, maigting ang alyansiya nilang Uniteam at maayos din ang relasyon natin sa China, gaya noong pangulo si Rodrigo Duterte mula 2016 hanggang 2022.

Pero ngayon, nagsampa ng impeachment laban kay VP Sara ang kampo ng magpinsang Marcos at Speaker Martin Romualdez. Nagbanta si Sara na may kinontratang pumatay sa dalawang pinuno at sa Unang Ginang Lisa Araneta-Marcos kung mapatay ang VP. Inaresto naman at isinuko sa International Criminal Court (ICC) ang dating pangulong Duterte.

Samantala, mula 2023, bumagsik ang kiskisan ng mga barkong Chino at Pilipino sa West Philippine Sea (WPS), ang karagatang saklaw ng ating exclusive economic zone (EEZ) sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (Unclos). Iyon ang pandaigdigang kasunduan patungkol sa patakaran at karapatang ekonomiya sa dagat.

Anyare at sumiklab ang mga sigalot?

- Advertisement -

Sagot: Amerika.

Komplikado ito pero totoo, kaya tutok lang hanggang dulo ng artikulo.

Mula 2016 sa ilalim ni Pangulong Duterte at noong unang termino ni Presidente Donald Trump ng Estados Unidos (US), di-hamak na mas maayos kaysa ngayon ang relasyon natin sa China. May mga insidente pa rin sa dagat, pero nareresolba nang walang sakitan. At di-malaon pag-upo ni Duterte noong Hunyo 2016, pinayagang mangisda ang mga Pilipino sa Panatag Shoal na inagaw ng China noong 2012 sa panguluhan ni Benigno Aquino III.

Nagpatuloy ang maayos na pakikitungo ng China sa ilalim ni Pangulong Marcos dahil na rin sa kanyang patakarang neutrality na walang kinakampihan sa magkaribal na Amerika at China.

Sa katunayan, noong Enero 2023, sa mga biyahe niya sa China at Europa, inulit ni Marcos ang bukangbibig niyang “friend to all, enemy to none” tungkol sa Pilipinas, at idinagdag pang hindi nais ng mga bansang Asyano ang kumampi sa US o China.

Pero noong Pebrero 2023, dumalaw si Kalihim Lloyd Austin ng tanggulang-bansa ng Amerika, at napilitang pumanig sa US si Marcos. Nakuha ni Austin ang pahintulot gamitin ang siyam na base militar natin sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

- Advertisement -

Sa gayon, babala ni dating pangulong Duterte, naging “platapormang pandigma” ng Amerika ang mga base ng ating Sandatahang Lakas, at
“pauulanan tayo ng missile” dahil sa mga baseng EDCA.

Gayon din ang ginawa ni Austin sa Ukraine noong Marso 2022. Hinto na sana ang digmaan kung papayag si Pangulong Volodymyr Zelenskyy na huwag lumahok sa alyansiyang North Atlantic Treaty Organization (NATO) na pinamumunuan ng US. Pero sa bunsod ni Kalihim Austin, ibinasura ni Zelenskyy ang kasunduang pangkapayapaan sa Rusya, at nagpatuloy ang digma nang tatlong taon hanggang ngayon.

Kaya ang suma total, para wakasan ang neutrality at ipasok ang puwersa ng Amerika sa Pilipinas at Ukraine, isinulong ng administrasyong Biden sa US ang tunggalian natin sa China at ng Ukraine sa Rusya.

Tandaan natin: bago ang 2023, mas maayos ang relasyon sa China. Pero pagkampi ni Marcos sa Amerika, sumiklab ang tunggalian. Gayon din nang nangyari sa Ukraine nang hinangad nitong sumapi sa NATO noong 2014 at muli nitong 2022.

Ito ang laging nangyayari sa kasaysayan: Kapag pinapasok ng isang bansa ang puwersang kalaban ng karatig-bansa nito, magkakainitan ang magkaratig-bansa.

Noong 1962, nag-alma ang Amerika nang muntik nang maglagay ang Rusya ng sandatang atomika sa Cuba, ang islang malapit sa US. Hanggang ngayon, may embargo pa ang Amerika laban sa Cuba — mahigit 60 taon.

At nang hinangad ni Heneral Douglas MacArthur ng US sakupin ang buong Korea sa digmaan doon noong 1950, lumusob ang 1 milyong tropa ng China, ang karatig-bansa ng Hilagang Korea, nang hindi magkaroon ng kalabang hukbo sa kabila lang ng border.

Ang Amerika ang nagpasama ng relasyon natin sa China nang pilitin si Marcos ihinto ang neutrality na minana niya kay Duterte at payagang gamitin ng US ang ating mga base militar, at ngayong 2025 magpuwesto rin ng mga missile na nakatutok sa China.

Ano naman ang kinalaman ng US sa pagkasira ng alyansiyang Marcos-Duterte?

Dahil kontra ang dating pangulong Duterte sa paggamit ng US sa ating mga base militar dala ng peligro sa taong bayan kung magkagera, kumilos laban kay Sara ang mga politiko at media na kaalyado ng US.

Isasalaysay natin ito sa susunod na linggo — pati na rin kung ano ang dapat gawin ng mga pinuno at mamamayang Pilipino upang magkakaroon ng kapayapaan sa ating bansa at sa Asya. Abangan!

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -