SA pinakahuling datos mula sa SeaLight program ng Stanford University na inilabas noong Mayo 2025, lumalabas na lalo pang pinatindi ng China ang pagkontrol nito sa Panatag Shoal o Bajo de Masinloc — na kilala rin bilang Scarborough Shoal — sa nakalipas na taon.

Batay sa satellite imagery at automatic identification system (AIS) data mula Mayo 2023 hanggang Abril 2025, umabot sa 1.57 milyong AIS signals ang ipinadala ng 78 sasakyang pandagat ng China Coast Guard (CCG) at maritime militia. Ito ay mahigit doble sa 724,000 signals na naitala mula sa 57 barko noong nakaraang taon.
Ang SeaLight ay isang programang pang-pananaliksik na ginagamit ang satellite data, kasama na ang mga imahe at impormasyon mula sa Automatic Identification System (AIS), para subaybayan ang mga galaw ng mga barko sa dagat.
Samantala, ang Automatic Identification System (AIS) ay teknolohiyang ginagamit upang matukoy ang kinaroroonan, direksyon, at bilis ng mga barko gamit ang satellite o radar.
Ayon kay Ray Powell, direktor ng SeaLight program at dating opisyal ng US Air Force, “Ipinapakita ng mga kilos na ito ang intensyon ng China na magtatag ng de facto blockade.”
Pagpapalawak ng ‘Exclusion Zone’
Sa bagong datos, makikita rin ang paglawak ng saklaw ng mga patrol ng China, patungong silangan, mas malapit sa mismong mainland ng Pilipinas. Dahil dito, hindi makalapit ang mga barkong Pilipino sa loob ng 25 nautical miles mula sa shoal.
Ang ‘Exclusion Zone’ ay lugar sa dagat kung saan ipinagbabawal ang paglapit ng anumang barko, lalo na ng gobyerno ng ibang bansa.
Mula pa noong unang bahagi ng 2024, hindi na nakalalapit ang mga barkong Pilipino sa lugar. Ayon sa mananaliksik ng SeaLight na si Anna van Amerongen, kitang-kita sa mga datos ang lumalalang pagkamapanganib ng mga kilos ng China, kabilang ang mapanganib na manobra laban sa mga barkong Pilipino at sasakyang panghimpapawid.
Tugon ng Pilipinas: Limitado ngunit aktibo
Habang hindi matapatan ng Pilipinas ang dami ng mga barko ng China, sinikap pa rin ng Philippine Coast Guard (PCG) at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)na panatilihin ang presensya sa lugar. Mula Mayo 2024 hanggang Abril 2025, umabot sa 217,000 AIS signals ang naitala mula sa kanilang mga barko — halos apat na beses na mas marami kumpara sa 55,000 signals mula sa pitong barko noong nakaraang taon.
Ayon kay Powell, “Ginagawa ng Pilipinas ang makakaya nito, pero maliwanag na ito ay isang mahaba at mahirap na laban.”
Paninindigan ng Beijing
Bukod sa pisikal na presensya, pinapatibay rin ng China ang kanilang pag-aangkin sa pamamagitan ng legal na hakbang, kabilang ang pagpapakilala ng bagong “baselines” sa South China Sea.
Ang baseline ay mga linya sa mapa ng karagatan na nagsisilbing panimulang punto ng mga territorial claims ng isang bansa.
Ito ay bahagi umano ng estratehiyang tinatawag na “incremental encroachment”, o dahan-dahang pag-agaw ng kontrol sa mga pinag-aagawang teritoryo, ayon sa mga tagamasid. Mula pa noong 2012 ay hawak na ng China ang Panatag Shoal.
Ayon sa Pandaigdigang Batas
Bagaman nasa loob ng 200-nautical mile Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang shoal, halos ganap na itong hindi na maaabot ng mga Pilipino.
Noong 2016, naglabas ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague ng desisyon na nagsasabing walang legal na batayan ang pag-angkin ng China. Tumanggi ang Beijing na kilalanin ito.
Insidente noong Hunyo 20, 2025
Nag-init muli ang tensyon noong Hunyo 20, 2025, matapos ihayag ng Pilipinas ang insidente ng pananakot ng China sa mga barko ng BFAR na nagsu-supply ng gasolina at tulong sa mga mangingisdang Pilipino.
Ayon sa PCG, apat na barko ng BFAR ang naka-engkuwentro ng anim na barko ng CCG, dalawang People’s Liberation Army Navy warships, at ilang maritime militia.
Bandang alas-10 ng umaga, binomba ng water cannon ang BRP Datu Taradapit ng CCG-4203 habang ito ay 15.6 nautical miles sa timog-kanluran ng Bajo de Masinloc. Lumapit ang barko ng China sa layo na 600 yarda. Napilitang umiwas ang barko ng Pilipinas.
Makalipas ang 30 minuto, tinarget din ang BRP Datu Tamblot ng CCG-3105 na nasa 18.1 nautical miles sa timog-silangan ng shoal. Hindi naman ito tinamaan.
Sa kabila ng insidente, matagumpay pa ring naipamahagi ng BFAR ang fuel subsidy sa mahigit 20 bangkang pangisda.
Pag-aalala ng pandaigdigang komunidad
Maraming bansa ang nagpahayag ng pagkabahala sa insidente. Noong nakaraang linggo, sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni Australian Ambassador HK Yu: “Ibinahagi ng Australia ang pagkabahala ng Pilipinas sa paggamit ng water cannon ng China Coast Guard laban sa mga barkong Pilipino malapit sa Scarborough Shoal… Ang Arbitral Award ay binding sa lahat ng partido at dapat maresolba ang mga sigalot nang mapayapa alinsunod sa batas-internasyonal, partikular ang UNCLOS.”
Ang UNCLOS o United Nations Convention on the Law of the Sea, ay internasyonal na kasunduan na nagbibigay ng legal na batayan sa mga karagatan ng bawat bansa, kabilang na ang EEZ.
Nagpahayag rin ng pagkabahala ang New Zealand, South Korea, at European Union.
Ayon sa New Zealand Embassy: “Muling nagpahayag ng pag-aalala ang New Zealand sa mapanganib na maniobra at paggamit ng water cannon laban sa mga barko ng BFAR sa South China Sea… Dapat maresolba ito sa paraang naaayon sa UNCLOS.”
Ganito rin ang naging pahayag ng South Korean Embassy: “Nababahala ang Embahada ng Republika ng Korea sa Pilipinas sa paggamit ng water cannon at mapanganib na kilos laban sa mga barkong Pilipino malapit sa Scarborough Shoal.”
Naglabas din ng magkakahiwalay na pahayag ang United States, United Kingdom, at Canada, na nananawagan ng respeto sa internasyonal na batas.
Ang Panatag Shoal, isang hugis-triyanggulong coral reef na napapaligiran ng lagoon, ay mahalaga hindi lamang bilang bahagi ng teritoryo kundi bilang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino. Matatagpuan ito 124 nautical miles mula sa bayan ng Masinloc, Zambales.
Habang patuloy na sinusubukang panindigan ng Pilipinas ang karapatan nito sa lugar, lumalaki naman ang hamon na dulot ng patuloy na presyur mula sa China — mula sa mga patrol, legal na hakbang, hanggang sa mga aktuwal na insidente ng agresyon. Dagdag na impormasyon halaw sa The Manila Times