29.4 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 10, 2026

Bam Aquino iimbestigahan ang mabagal na pagpapatupad ng P67-bilyong pondo para sa pagpapatayo ng classroom

- Advertisement -
- Advertisement -

SA kanyang pagbabalik bilang chairperson ng Senate Committee on Basic Education, inilatag ni Senador Bam Aquino ang mga pangunahing repormang nais niyang isulong upang makatulong sa pagtugon sa krisis sa edukasyon sa bansa, kabilang ang classroom backlog na aabot sa 166,000.

Kasabay nito, nanawagan si Aquino sa gobyerno na madaliin ang paglabas ng pondo para sa pagsasaayos ng mga silid-aralan sa mga lugar na napinsala ng Magnitude 7.8 earthquake sa Mindanao.

“Ayon sa DepEd, mahigit 1,000 classrooms ang nasira ng lindol sa Mindanao. Dapat bilisan ang paglalabas ng pondo upang maisaayos ang mga ito sa lalong madaling panahon,” wika niya.

Ayon kay Aquino, isa sa kanyang mga pangunahing prayoridad ang imbestigahan ang mabagal na pagpapatupad ng P67-bilyong pondo na kanyang isinulong na maisama sa 2026 para sa pagpapatayo ng 25,000 silid-aralan.

Sa kabila ng malaking pondong inilaan sa ilalim ng makasaysayang P1.34-trilyong budget para sa edukasyon, sinabi ng Senador na hindi pa rin nagsisimula ang pagtatayo ng silid-aralan kahit papalapit na ang tag-ulan, na nagdudulot ng pangamba sa posibleng pagkaantala ng pagpapatupad ng proyekto.

“Tututukan natin iyong krisis sa edukasyon. Unang-una, iimbestigahan natin ang P67 billion na nakalaan para sa classrooms,” wika ni Aquino, na muling nahirang bilang pinuno ng Basic Education Committee matapos ang pagbabago sa liderato ng Senado sa ilalim ng acting Senate President na si Sherwin Gatchalian.

“Alam nating napakabagal ng pag-deploy nito at nais nating malaman kung paano ito papabilisan ngayon na umuulan na ulit at mas mahirap nang gumawa ng classroom,” dagdag niya.

Nangako rin si Aquino na isusulong ang pagpasa ng isang National Feeding Program na magtitiyak ng libre at masustansiyang pagkain para sa lahat ng mag-aaral mula kindergarten hanggang Grade 3.

“Pangalawa, ipapasa natin iyong reporma sa ating nutrition program kasi mahalaga po na may pagkain ang ating kabataan at dito sa repormang ito, masisigurado natin na Kinder to Grade 3 mayroong masustansiyang pagkain,” ani Aquino, na nakatakdang i-sponsor sa Hulyo ng panukalang batas na magpapalawak sa National Feeding Program ng bansa.

Tinukoy rin ng senador ang iba pang prayoridad na reporma, kabilang ang pagpasa ng School Safety Act upang labanan ang bullying at ang School-to-Employment Program upang makatulong na matiyak na magkakaroon ng trabaho ang K-to-12 graduates.

Nagpahayag si Aquino ng pag-asa na magkakaisa ang Senado sa pagsuporta sa mga hakbang na tutugon sa mga hamon sa edukasyon ng bansa.

“Napakarami pa pong kailangang tugunan at sana po magkaisa tayo para tugunan ang mga problemang ito, mabigyan ng tutok natin ang mga problema ng kabataan at ng kinabukasan ng ating bansa,” wika niya

Kasabay nito, muling iginiit ni Aquino ang panawagan para sa pagpasa ng kanyang panukalang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA)-Blockchain the Budget Bill, na naglalayong palakasin ang transparency at pananagutan sa paggasta ng pamahalaan.

“Marami pa rin pong mga issue sa korapsyon na hindi pa nareresolba at mahalaga na ma-blockchain na iyong budget para alam ng taumbayan kung saan napupunta iyong pera nila. Makakatulong din ito para masigurado na iyong pondo para sa edukasyon, na siyang pinakamataas sa kasaysayan ng Pilipinas, ay magagamit nang tama,” paliwanag niya.

Ang Senate Bill No. 1506, na naaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa sa botong 17-0, ay nag-aatas sa lahat ng ahensya ng gobyerno na mag-upload at magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa badyet—kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bill of materials, at procurement records—sa isang Digital Budget Platform.

Dinisenyo ang sistemang ito upang matiyak na ang lahat ng dokumento ay bukas sa publiko, hindi madaling mabago, madaling masubaybayan, open-source, at mabeberipika, upang mas mabantayan ng mga mamamayan kung paano ginagastos ang pondo ng bayan.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -