PBBM, iginiit ang matatag na suporta sa kapakanan at modernisasyon ng Philippine Navy
MULING pinanindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang hindi matitinag na suporta ng kanyang administrasyon sa kapakanan at modernisasyon ng Philippine Navy, kasabay ng pagbibigay-diin sa pangangailangang mabigyan ang mga mandaragat na Pilipino ng sapat na kakayahan upang magawa ang kanilang tungkulin sa gitna ng nagbabagong hamon sa rehiyon at sa pangangalaga sa pambansang interes.
Sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Navy sa punong himpilan nito sa Roxas Boulevard, Maynila, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng hukbong-dagat sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa at sa pagprotekta sa mamamayang Pilipino.
“For over a century, the Philippine Navy has stood watch over our waters, defending our sovereignty and protecting our people. It continues to do so amidst evolving security challenges that require even greater vigilance,” giit ng Pangulo.
(Sa loob ng mahigit isang siglo, patuloy na nagbabantay ang Philippine Navy sa ating karagatan, ipinagtatanggol ang ating soberanya at pinoprotektahan ang ating mamamayan. Patuloy nila itong ginagawa sa harap ng mga nagbabagong hamon sa seguridad na nangangailangan ng higit na pagbabantay.)
“Strengthening the Philippine Navy’s capabilities remains essential to protecting our interests in the West Philippine Sea in light of the broader realities of our time,” dagdag ng Pangulo.
(Mahalaga ang patuloy na pagpapalakas sa kakayahan ng Philippine Navy upang maprotektahan ang ating mga interes sa West Philippine Sea at matugunan ang mas malawak na mga hamon ng ating panahon.)
Ayon sa Pangulo, binago ng mabilis na paglago sa ekonomiya at politika sa ika-21 siglo ang pandaigdigang kaayusan, kung saan naging sentro ng geopolitics at ekonomiya ang Indo-Pacific.
Kasabay nito, ang mga karagatang nakapaligid sa rehiyon ay naging lugar ng tumitinding kompetisyon at tunggalian dahil sa pagtaas ng tensyon sa karagatan, pagbabago ng mga alyansa, at paglitaw ng mga bagong banta. Dahil dito, mahalagang mapanatili ang isang matatag at matibay na depensang pandagat.
“In this environment, a credible Philippine Navy is indispensable to regional peace,” ani Pangulong Marcos.
(Sa ganitong kalagayan, napakahalaga ng isang kapani-paniwala at mahusay na Philippine Navy para sa kapayapaan sa rehiyon.)
Muli ring tiniyak ng Pangulo ang suporta ng pamahalaan sa kapakanan ng mga tauhan ng hukbong-dagat.
“Be assured that your government remains committed to supporting your welfare and ensuring that you are equipped to carry out your mission,” ani Pangulong Marcos.
(Makakaasa kayo na nananatiling nakatuon ang inyong pamahalaan sa pagsuporta sa inyong kapakanan at sa pagtiyak na taglay ninyo ang mga kagamitang kailangan upang maisakatuparan ang inyong misyon)
Inatasan din ng Pangulo ang Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines (DND-AFP) na higit pang palawakin at patatagin ang pakikipag-ugnayan, palitan ng kaalaman, at pakikipagtulungan sa mga kaalyado at kaibigang bansa.
Ayon sa Pangulo, mahalagang bahagi ng modernisasyon ng hukbong-dagat ang pagprotekta sa mahahalagang daluyan ng ekonomiya ng bansa, pangangalaga sa mamamayan, at pagpapalakas ng ambag ng Pilipinas sa seguridad at kooperasyon sa rehiyon.
Sinabi pa ng Pangulo na ang patuloy na pagsasagawa ng mga pagsasanay upang matiyak na ang mga mandaragat na Pilipino ay may sapat na kasanayan, impormasyon, at proteksiyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Itinampok din ng Pangulo ang pagkomisyon sa BRP Rajah Lakandula, na inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng Philippine Navy sa maritime security at territorial defense operations upang mapangalagaan ang likas-yaman ng bansa at mapagtibay ang soberanya nito.
Ipinangalan ang barko kay Rajah Lakandula, isa sa mga pinuno ng sinaunang Maynila, bilang pagkilala sa kanyang pamana ng katapangan, pamumuno, at pagmamahal sa bayan.
“It is my honor to lead the commissioning of the BRP Rajah Lakandula,” ani Pangulong Marcos.
(Isang karangalan para sa akin na pangunahan ang pagkomisyon sa BRP Rajah Lakandula.)
“Truly, this is a pivotal step towards realizing the Navy’s vision of a modern and self-reliant force,” ayon sa Pangulo.
(Tunay na isa itong mahalagang hakbang tungo sa katuparan ng hangarin ng Hukbong-Dagat para sa isang moderno at may sariling kakayahang puwersa.)
Hinimok din ng Pangulo ang mga tripulante ng barko na ipaglayag ito nang may pagmamalaki at ipakita sa buong mundo na ang diwang Pilipino ay hindi kailanman magpapasindak.
Pinarangalan din ng Commander-in-Chief ang mga kalalakihan at kababaihan ng Philippine Navy para sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa paglilingkod sa bayan at sa patuloy na pagtaas ng bandila ng Pilipinas kahit sa gitna ng mabibigat na pagsubok.
“For your unwavering loyalty in the face of the storm, I say this: Bravo Zulu. Job well done to you all,” papuri sa kanila ng Pangulo.
(Para sa inyong hindi matatawarang katapatan sa gitna ng unos, ito ang masasabi ko: Bravo Zulu. Napakahusay ng inyong paglilingkod.)
“Sa inyong pagbabantay sa ating karagatan, tangan ninyo hindi lamang ang watawat ng Pilipinas, kundi pati na rin ang tiwala at pag-asa ng sambayanang Pilipino,” ayon sa Pangulo.
Binati rin ni Pangulong Marcos ang mga pinarangalan at ginawaran sa nasabing programa. | PND



