29.4 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 10, 2026

Varayti ng wika sa lupaing walang lupa

WIKA NGA

- Advertisement -
- Advertisement -

ANO ba Ang varayti ng wika? Ito ay ibang anyo ng isang wika, na maaaring naiiba sa bigkas, pagkakabuo ng salita, o maging sa paghahanay ng mga salita para makabuo ng pangungusap. Nagkakaintindihan sa wikang Tagalog/Filipino ang mga taga-Cavite at Batangas at ang mga taga-Nueva Ecija at Bulacan, kahit nagkakaiba ang mga ito sa bigkas at bokabularyo. Pero makikilala natin ang lugar na pinagmulan ng isang Tagalog kapag ibinuka na niya ang bibig para magsalita – lalabas na ang mga katangian ng kanyang lugar sa pagbigkas, pagbubuo ng salita, pagbubuo ng pangungusap.

Sinasabi na kapag namatay ang isang wika, o kahit ang isang diyalekto ng wikang ito, kasama nitong nalilibing ang kulturang tanging angkin nito. Pero ngayon, hindi na maiiwasan ang paisa-isang pagkamatay ng wika dahil sa mabilisang komunikasyon, paglalakbay, at pandarayuhan. May tendensi kasi na impluwensiyahan, kundi man lamunin ng wikang mas gamitin, ang wikang mas kakaunti ang nagsasalita. Mahalaga, kung gayon, ang pagtatala ng mga varayti ng wika bago ito tuluyang maglaho sa daigdig.

Buong giliw kong tinatawag na “lupaing walang lupa” ang aking bayang Malabon, dahil noong mga panahong hindi pa uso ang flood control scam, kapag nabanggit ang baha, laging Malabon ang unang pumapasok sa isip ng marami. Minsang may malakas na bagyo, may nagbalita sa radyo: “Malabon is now 60% underwater.” Excuse me. Malabon is 60% water.  Walang bahay sa Malabon na hindi malapit sa palaisdaan, ilog, sapa, kanal, at iba pang katubigan. Gayon man, wala akong nabalitaan minsan man, na nalunod sa baha sa Malabon.

Malapit lamang sa Maynila ang Malabon. Kaya maiisip na ang wika rito ay tulad din lamang ng wikang gamit sa Maynila. Pero may mga salita sa Malabon na uniko sa bayang ito.

Bigkas ng mga salita


Simulan natin sa pagbigkas. Alam ba ninyo na kahit kilala ang Malabon sa palaisdaan at patis, noong bata ako ay walang isDa sa Malabon? Ito ay dahil isTa ang tawag namin noon. Ista at iklog. Sabi ng titser ko noong greyd wan, mali raw ang isTa at iKlog. IsDa at iTlog daw ang tama. Siyempre, dahil ganoon ang nakasaad sa libro, kaming magkakaklase ay madali namang napasunod. Kapag naiiba ang bigkas mo, ikaw na ang kusang magwawasto sa sarili. Kaya ang isTa ay naging estandardisadong isDa at ang iklog ay naging itlog. Pati mga magulang namin ay nasuheto ang mga dilang pasaway. Ngayon, wala ka nang maririnig na ISTA at IKLOG sa Malabon.

Iba pang mga salita. Sabi ng isang kaibigan ko, mali ang tawag sa longganisang Lucban at longganisang Vigan dahil maikli ang mga ito (hindi long, o mahaba). Dapat daw ay SHORTganisa. Sa Malabon, hindi problema mahaba man o maikli iyan dahil ang tawag sa amin ay LANGGUNESA. Ngayon, siguro, bilang pakikiisa sa tawag ng iba, langgonisa na ang naririnig kong bigkas, maging sa aming pamilya.

Minsan, nang umuwi ako at mamili sa Bisita (walang talipapa sa Malabon. Bisita ang tawag naming mga taal na taga-Malabon sa maliit na palengke sa tapat ng Simbahan ng Concepcion), pagbilhan kako ng isang kilong HARINA. Matalim ang tingin sa akin ng nagtitinda, bago sinabihan ang katulong niya: “HarEna daw dito, harEna, harEna.” Naramdaman kong iwinawasto niya ako, isang tubong Malabon, pero nagsasalitang parang dayuhan sa sariling bayan.  Kaya pabulong na lang akong sumagot, “Ay, harEna nga pala.”

Nasa ibaba ang ilan pang halimbawa ng malamyang bigkas ng salita sa Malabon:

- Advertisement -

1.     PAKELENG. Pakiling sa iba, tinatawag ding isis. Ito ang tawag sa puno at sa dahon nito na ginagamit noong pangkiskis ng hagdan at pasamano ng mga bintana para paputiin. Noong bata ako, may puno kami ng pakeleng sa tabi ng bakod, kaya naging isa sa mga libangan ko ang pagpapaputi ng aming mga pasamano at hagdan, gamit ang pakeleng, habang nag-iisip ng isusulat na kuwento o sanaysay.

2.     KESAME. Kisame sa iba.

3.     MOSIKO. Ito iyong tumutugtog sa mga banda. Musiko o musikero sa iba. Kapag malapit na ang piyesta at sa mismong mga araw ng piyesta (Disyembre 8-10 ang pagdiriwang namin noon), nananapatan ang mga mosiko sa mga bahay-bahay, katumbas ng caroling ngayon pag magpapasko.

4.     BOTSE. Mabagal ang bigkas. Butsí sa iba. Ito ay kakaning gawa sa galapong na pinalamanan ng minatamis na munggo. Kapag ang ibig tukuyin ay sikmura ng manok at iba pang hayop, butsé (mabilis) naman ang bigkas. Halimbawa: Ano ba’ng ipinagpuputok ng butsé mo?

5.     SETAW. Sitaw sa iba.

Mga ngalan ng pagkain

- Advertisement -

Sino ang hindi mahiig sa TURON, na pambansang himagas daw, sabi ng iba. Sa Maynila at iba pang lugar, ito ay saging na saba na ibinalot sa balat ng lumpiya saka ipinrito. Binubudburan pa ito ng asukal para lalong sumarap dahil ang nag-arnibal na asukal ay nagdadagdag ng lutong sa turon.

Pero sa Malabon, hindi saging kundi minatamis na munggo (violet o pula, hindi berde o dilaw) ang palaman ng turon. Ilalaga muna ang munggo at pag malambot na ay pakukuluan sa asukal hanggang medyo matuyo. Saka ito ibabalot sa balat ng lumpiya at ipiprito.

BALENSIYA ang tawag namin sa turon.  Hindi ko alam kung ito ang tamang baybay. Hindi ko kasi ito nakitang nakasulat. Magkasamang inilalako ang balensiya at turon, pero madaling makilala ang pagkakaiba ng dalawa: maliit at bilog ang pagkakabilot ng turon (parang lumpiyang shanghai), mas malaki naman at kadalasa’y lapad ang balensiya.

Iba pang ngalan ng pagkain. Ayon sa yumaong food guru na si Doreen Fernandez, sa Malabon lamang makakabili ng lukbâ. Tapang kabayo ito, hiniwang manipis, at tinimplahan. Ayon sa mga kuwento noon, mga kabayong natalo sa karera ang ginagawang lukba. Pero parang unti-unti nang naglalaho ang tawag na ito. Minsang naghanap ako ng lukba, isang kabataang tindera (mukhang bagong salta) ang nagsabing wala siyang alam na lukba. Pero mayroon daw silang tindang “tapang kabayo.”

Sa mga kainan sa Maynila at iba pang lugar, may dalawang klase ng lumpiya: fresh o sariwa at prito o fried. Sa Malabon, kapag sinabi mong lumpiya, iisa lang ang kahulugan: sariwa, hindi prito. Kapag prito, SUMPIYA ang tawag.

Iba’t ibang klase ang ginatan. Ginatang munggo, ginatang mais, ginatang halo-halo. Sa Malabon, ang ginatang halo-halo ay tinatawag na alpahor. Alpahol sa ibang lugar.  Ang palitaw naman ay tinatawag na dila-dila.

Mga pang-uri

May mga salitang naririnig ko sa matatanda noong bata pa ako, na ngayon ay hindi na yata ginagamit. Sino pa ang nakakaalam sa mga salitang ito:

1.     SAKRE (sakri daw sa Cavite, ayon sa gurong taga-Cavite na si Joel Malabanan, hindi na rin halos ginagamit sa kanila)—nangangahulugan itong ganid, suwapang.

2.     BANAL BANAYOD – nagpapanggap lamang na banal

3.     DUWAKANG – nuno ng duwag, sobrang duwag, mas duwag pa sa duwag.

Ngayon, alam na ninyo kung anong pang-uri ang ikakapit sa isang kilala na natin na sobrang duwag, o sa isang nagbabanal-banalan.

Pagsunod sa standard    

Gaya ng nasabi na, itinuturing na mali ka kapag naiiba sa itinuturing na standard ang iyong bigkas o pagpili ng salita. Kaya nakakalungkot na unti-unti nang nawawala ang mga salitang nabanggit ko, dahil parang nakakahiya kapag hindi ka sumunod sa wasto. Sa gayon ay namamatay na ang mga varayti at ang natitira na lamang ay ang standard variety. Hindi na kilala ng mga millenial ang pang-isis na dahon ng pakeleng dahil hindi na iniisis ang mga pasamano at hagdan ngayon. Pero minsan, naiisip ko ring mas masarap yata ang adobong sEtaw ng nanay ko kaysa sa adobong sItaw ko ngayon. Gayon man, nakasilip ako ng pag-asa, na hindi pa naman lubusang namamatay ang varayti ng wika sa lupaing walang lupa nang marinig ko kamakailan lamang ang mga salitang IYELO, IYERO at IBUBONG (mga salita ito na naririnig ko noong bata ako).

Sulong at lusong

Pabiro ngunit kung minsa’y totoo: sa Malabon ang salitang  SULONG ay binibigkas na LUSONG.

Ang totoo, magkaugnay ang sulong at lusong dahil kapwa bahagi ng isang proseso. Alin ang dapat mauna, sulong o lusong?

LUSONG, siyempre, na nangangahulugang (mula sa Diksyunaryo ng Wikang Filipino, 1998, ng Komisyon sa Wikang Filipino):

1.     Pagbaba buhat sa kinalalagyan

2.     Pagpasok sa gawain o sa anumang hanapbuhay

3.     Pagpasok at pagpapasimula ng paggumon sa anumang bisyo o sa masamang hilig ng katawan

4.     Pagbaba o paglawit ng mga bunga ng mga halamang palapa

Samantala ang SULONG ay:

1.     Lakad, takbo, o anumang kilos na ang tungo ay sa unahan

2.     Pagpapatuloy ng anumang ginagawa

Samakatuwid, kailangan munang lumusong bago sumulong.

Mahalagang maitala ang mga salitang ito na nagpapakita ng unikong katangian ng isang varayti ng wika upang hindi lubusang maglaho sa paglipas ng panahon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -