KASUNOD ng pagyanig na may lakas na 7.8 magnitude sa Sarangani coast, isinusulong ni Senate President Pro Tempore Win Gatchalian ang pagpapalakas sa papel ng mga local government units (LGU) upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng mga sakuna.
Iminungkahi ito ni Gatchalian sa ilalim ng 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 53) na naglalayong palawakin ang tungkulin ng mga Local School Board sa pagsusulong ng mga reporma at programang nakatutok sa kalidad ng edukasyon. Binibigyang kapangyarihan din ng panukalang batas ang mga Local School Board na magsagawa ng maagap, organisado, at lokal na mga hakbang upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon sa panahon ng mga sakuna at iba pang kalamidad.
Binigyang-diin ni Gatchalian na naaayon ito sa mandato ng mga LGU sa ilalim ng Republic Act No. 12199 o ang Early Childhood Care and Development (ECCD) System Act. Nakasaad sa Section 7(b)(12) ng batas na inaatasan ang mga LGU na bumuo at magpatupad ng komprehensibong mga programa na magtataguyod sa kapakanan ng mga bata tuwing may kalamidad at iba pang sakuna.
Sa kasalukuyan, sinabi ng Department of Education (DepEd) na umabot na sa 8,642 paaralan ang naapektuhan ng lindol.
“Ang mga LGU ang unang tumutugon tuwing nagkakaroon ng mga sakuna at kalamidad. Kaya mahalagang palawakin natin ang kanilang tungkulin at kakayahan upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon tuwing may sakuna,” ani Gatchalian.



