SA umaalmang balitaan at balitaktakan tungkol sa pagmahal ng bigas, dala ng epekto ng panahong El Nino sa ani ng palay, sinabi ni Kalihim Alfredo Pascual ng Kagawaran ng Kalakal at Industriya (DTI sa Ingles), salin mula sa wikang Ingles: “Maaaring ibahin ang kinakain natin. Sinauna pa ang pagkain natin. Sanay tayong magkanin sa almusal. Ang hirap magbago.”

Mangyari, noong isang linggo umabot sa 38 hanggang 60 piso kada kilo ang presyo ng bigas sa Kalakhang Maynila, ayon sa Kagawaran ng Pagsasaka (DA sa Ingles). Kahit sa mga tindahang Kadiwa ng pamahalaan, kung saan dapat mas mura ang pagkain at iba pang pangunahing bilihin, umabot na rin ng P47 ang bigas.
Sumisipa rin ito sa pangdaigdigang merkado dahil ipinagbawal ng India ang pagluluwas o eksport ng bigas, maliban sa basmati. Kaya naisip tuloy ni Kalihim Alfredo Pascual na makatitipid ang tao at mapipigil ang pagtaas ng presyo kung bawasan ang kain ng kanin.
Hindi agad mumura ang bigas
Kailangan ang bigas para sa enerhiya o lakas ng katawan, sapagkat madali itong maging glucose o asukal sa dugong pinagkukunan sa enerhiya. Pero maaari ring pagkunan nitong glucose ang kamote, mais, tinapay at iba pang pagkaing maaaring mas mura sa ngayon hanggang anihan sa Oktubre, kung kailan inaasahang bababa ang presyo ng bigas.
Pero kahit tag-ani baka umabot pa rin ng P50 kada kilo ang bigas, sa tinatayang bentahan ng palay na P23 kung basa at P28 kung tuyo. Samantala, umaabot na rin ng P50 o mahigit maging ang imported mula sa Vietnam at Thailand.
May balak ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na siya ring Kalihim ng Pagsasaka, na umangkat ng bigas mula sa India sa direktang pagbili sa gobyerno nito. Subalit hindi ito darating sa ilang linggo lamang.
Nag-utos din siyang siyasatin at kasuhan ang nagtatago diumano ng bigas at labis na nagpapatubo, gaya ng karaniwang nangyayari kung inaasahang magkakakulangan ng produkto sa merkado.
Isa pang dahilan malamang ng spekulasyon ng mga negosyante ang mababang imbentaryo ng Pambansang Pangasiwaan sa Pagkain o National Food Authority (NFA).
Noong Hulyo, sinabi ng mataas na opisyal ng DA na dalawang araw na lamang ng pambansang pangangailangan o consumption ng bigas ang hawak ng NFA. Sa gayon, hindi ito makalalaban sa mga hoarder na nagtatago ng bigas upang pataasin ang presyo at kita. Hindi dapat isiniwalat ang imbentaryo ng NFA.
May iba pang sablay ang DA, gaya ng iniulat ng Komisyon ng Awdit (COA sa Ingles) na mahigit 855,000 sako ng binhing palay ang hindi naipamahagi sa programang RCEP upang tulungan ang mga magsasakang tapatan ang dayuhang bigas. Ilang milyong sako sana ng palay ang naidagdag sa ani kung hindi pumalpak ang DA.
At nabanggit na rin natin ang patuloy na direktong pamumuno ni Pangulong Marcos sa DA. Sadyang hindi niya matututukan sa araw-araw ang palakad ng kagawaran, lalo na ang mabilis na pagkilos upang masawata ang pangingikil sa presyo o biglang pagkukulang ng mga produkto dahil sa bagyo at iba pang biglaang pangyayari.
Matipid at malusog din
Sa madaling salita, hindi agad magmumura ang bigas, at baka lalo pang tumaas kung magkulang ang ani dahil sa paghina ng ulan sa labis-labis na init ng panahon nitong Hulyo at Agosto, dala ng El Nino. Kaya naman naisip ni Kalihim Pascual baguhin ng pagkain.
Bukod sa katipiran, kalusugan din ang isa pang dahilan upang magbawas sa kanin. Maraming siyentipikong pag-aaral ang nag-uulat na nagbubunsod ng diabetes o pagtaas ng asukal sa dugo ang labis na pagkain ng kanin, lalo na ang puting bigas.
Ayon sa pagsasaliksik ng mga pantas sa nutrisyon sa Pamantasang Harvard, mas malamang nang isa’t kalahating beses ang nagkakanin nang tatlo o apat na beses maghapon kompara sa pinakamababang pagkain ng bigas. Kitang-kita ito sa Asya, kung saan karaniwan sa araw-araw ang tatlo o apat na takal ng puting kanin.
Ayon din sa pagsusuring Prospective Urban Rural Epidemiological Study (PURE) na nagsiyasat ng mahigit 130,000 katao sa buong mundo, sadyang nakadaragdag sa tsansa ng diabetes ang pagkain ng puting bigas, at pinakamalakas ang epektong ito sa ating rehiyon ng Timog-Silangang Asya.
Samantala, makatutulong ding umiwas sa diabetes ang pagkain ng brown rice o bigas na di-gaanong pinakinis at pinaputi. Mas mababa ang tsansa nang 16 na porsiyento, ayon sa pagsusuri. At mas mura pa ang brown rice kaysa sa puti dahil hindi dumaan sa puspusang pagpapakinis. Matipid na, malusog pa.
Siyempre, hindi agad mababago ang pagkain ng bansa, kaya umasa tayong magigipit ang maraming Pilipino sa pagtalon ng bigas. Lalong pabigat ang pagbagal ng ekonomiya Abril hanggang Hunyo, dala ng pagtaas ng interes at pagbaba ng paggastos ng gobyerno. At kung lalong magmahal ang bigas, patuloy na magiging pabigat ang interes sa ekonomiya.
Kailangan talaga ng Kalihim ng Pagsasakang nakatutok araw-araw upang labanan ang paulit-ulit na talon ng bigas, bawang, asukal at iba pang pagkain. Magtalaga nawa ang Pangulo ng kapalit niya sa DA.