MAGAGAMIT na ng mga tsikiting sa Barangay Lubang Weste sa bayan ng Cajidiocan, Romblon ang inayos na Early Childhood Care and Development Center sa barangay.
Ipinaayos ito sa tulong ng Kapit Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive Delivery of Social Services o Kalahi CIDDS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa isang press release ng DSWD Mimaropa, ang pagsasaayos sa center ay pinondohan ng P490,475.59 mula sa Philippine Multisectoral Nutrition Program (PMNP) at sa tulong rin ng pondo ng lokal na pamahalaan.
Tumulong din umano ang mga residente ng barangay at nagbayanihan para matapos ang proyekto.
Inaasahang may 888 na kabahayan sa barangay ang makikinabang sa center lalo na ang mga may kabataan na papasok sa center.
May malaking space na ngayon ang center para mas makapag-aral ng maayos ang mga bata para sa kanilang paglaki at pag-develop ng kanilang sarili.
Ang PMNP ay isang proyektong pinangunahan ng Department of Health (DOH) at DSWD na layuning ipatupad ang isang maayos na multi-sektoral na pamamaraan upang makamit ang mga nutrition-specific at nutrition-sensitive interventions sa iba’t ibang local government units. (PJF/PIA Mimaropa – Romblon)