27.8 C
Manila
Biyernes, Setyembre 13, 2024

Nananatiling hindi sapat ang internet access kahit na 30 taon na ang internet connectivity sa Pilipinas —Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

HABANG  ginugunita ng bansa ang Marso 29, 1994 bilang araw na unang nakakonekta ang Pilipinas sa internet, sinabi ni Senador Win Gatchalian na nananatiling hindi sapat ang internet access sa bansa, na posibleng makahadlang sa pag-unlad ng ekonomiya kung hindi matutugunan.

Gamit ang datos mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT) batay sa 2022 Women and ICT Development Index (WIDI) Survey at 2019 National ICT Household Survey (NICTHS), nagkaroon ng malaking pagtaas sa access sa internet ng sambahayan mula 17.7% noong 2019 hanggang 76.90% noong 2022. Gayunpaman, ang malaking bahagi ng populasyon ng bansa na hindi kasama sa mga teknolohiyang nakabatay sa internet ay maaaring makahadlang sa mahahalagang pagsulong ng ekonomiya, partikular na sa probinsiya.

“Walang duda na ang internet ang nagbigay ng mga teknolohiya na patuloy na binabago ang paraan ng pamumuhay natin. Nakalulungkot na kahit na pagkalipas ng 30 taon ng pagkakaroon ng internet sa bansa, isang malaking bahagi ng ating populasyon ang patuloy na hindi nakakatamasa sa mga benepisyo nito,” hinaing ni Gatchalian.

“Ang internet ay naging isang pangangailangan na sa larangan ng edukasyon, pananaliksik at pagpapaunlad, promosyon at pagbabago ng negosyo, komunikasyon, at pamamahala sa pananalapi, at marami pang iba. Upang maisakatuparan ang inclusive economic development, partikular sa mga mahihirap na lugar sa bansa, kailangang doblehin ng gobyerno ang programa nito na magbigay ng internet access sa lahat, pagbibigay-diin niya.

Sinabi ng senador na upang makatulong sa pagpapasigla ng internet connectivity sa bansa, dapat hikayatin at isulong ang paggamit at pagpapaunlad ng mga satellite-based na teknolohiya. Pinaalala ni Gatchalian na mayroon siyang inihaing Senate Bill No. 814 o ang Satellite-based Technologies for Internet Connectivity Act. Ang panukalang batas ay naglalayong tiyakin ang pandaigdigang access sa internet, lalo na sa mga kritikal na lugar tulad ng e-government at paghahatid ng mga pangunahing serbisyo, edukasyon, kalusugan, kalakalan, pananalapi, paghahanda sa kalamidad, at kaligtasan ng publiko.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na ang satellite-based internet technology ay gumagamit ng satellite para makakuha ng internet signal mula sa Internet Service Provider (ISP) sa user. Nagpapadala ang ISP ng fiber internet signal sa isang satellite sa kalawakan. Ang satellite dish ay konektado sa modem ng user, na pagkatapos ay kumokonekta sa user sa internet.

Samantala, inihayag kamakailan ng DICT ang planong doblehin ang bilang ng mga libreng WI-FI sites sa bansa na may layuning masugpo ang digital divide.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -