PINANGUNAHAN ng Department of the Interior and Local Government (DILG) IV-A ang KALINISAN (Kalinga at Inisyatibo para sa Malinis na Bayan) Clean up Program na ginanap sa Bukluran, Darasa, Tanauan City noong ika-4 ng Mayo.
Binigyang-diin ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Felicito Valmocina ang kahalagahan ng Unity, Service at Teamwork upang maisakatuparan ang pagsusulong ng kalinisan sa barangay.
Ayon kay Tanauan City Mayor Sonny Collantes, dapat magsimula sa sariling tahanan ang paglilinis at pangangalaga sa kapaligiran upang mas madaling ipatupad sa barangay.
“Kapag nagawa nating sanayin ang bawat miyembro ng pamilya na maglinis at isaayos ang mga kalat at basura sa tahanan hindi mahirap na mapagtagumpayan natin ang pagsusulong ng kalinisan hindi lamang sa barangay, bayan, lungsod o lalawigan. Kapag ito ay naging kaugalian, malaki ang impact nito sa ating kampanya kaugnay ng kalinisan”, ani Collantes.
Bago ang isinagawang paglilinis, isang oryentasyon ukol sa road clearing operations ng pamahalaan ang isinagawa. Ipinaliwanag dito ang mga panuntunan ng pagsunod at ipinaalala sa mga dumalo ang batas na nagtatakda nito gayundin ang mga batayan upang tukuyin kung ang isang istruktura ay maituturing na obstruction sa daan o kalsada.
Lumahok sa Kalinisan Program ang mga kawani ng Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Department of Environment and Natural Resources, Philippine Information Agency, Pamahalaang Lungsod ng Tanauan, ERPAT Tanauan officers and members at mga miyembro ng iba pang organisasyon sa Tanauan City.
Mahigit sa 800 kilo ng iba’t-ibang uri ng basura kabilang ang plastic, bakal, balat ng sitsirya, lumang kahoy, diapers at iba pa ang nakolekta sa naging sama-samang paglilinis.
Sa panayam kay Conchita Villa, isang residente ng Bukluran, sinabi nito na maganda ang ganitong inisyatibo dahil naiipaalala sa mga mamamayan ang kanilang tungkulin na maglinis hindi lamang sa loob ng kanilang bahay kundi maging sa kanilang kapaligiran. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas)