PARA sa mas epektibong primary care services sa buong bansa, sisiguruhin ng pamahalaan ang sapat na bilang ng healthcare professionals sa pamamagitan ng iprinisentang National Human Resources Master Plan 2020-2040 ng Department of Health (DoH).
Sa sectoral meeting na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., iniulat ng Commission on Higher Education(CHEd) na mula sa walong state universities at colleges (SUCs) noong nakaraang administrasyon, nasa 21 na institusyon na ang mayroong magtatapos na medical students.
Katuwang din ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda) sa pagsasanay ng mas madaming healthcare workers upang mas mailapit ang serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan, lalo na sa mga nasa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas o GIDAs.
Samantala, nagkaroon ng press briefing ang Malacanang Press Corp (MPC) kasama si DoH Sec. Teodoro Herbosa kahapon, Mayo 22, 2024 sa pangunguna ni Press Briefer Daphne Oseña-Paez. Tinalakay ang mga aksyon para sa mas mabuting primary care na nakatuon sa kalusugan ng mga komunidad, epektibong acute care, at higit na serbisyong medikal para sa mga kababaihan.
Binigyang-diin ni DoH Sec. Herbosa ang mga iprinisenta nitong hakbang kay Pangulong Marcos Jr., tulad ng National Human Resources Master Plan 2020-2040, Bagong Urgent Care and Ambulatory Service (Bucas) centers, at Purok Kalusugan Program.
Pagtutuunan din ng pansin ang pagtatag ng healthcare centers sa Coron, El Nido, Siargao, Panglao at Boracay, na kasama sa listahan ng GIDAs sa bansa. Ulat at mga larawan mula sa Facebook page ng Presidential Communications Office