UPANG paigtingin ang kahandaan ng mga senior high school graduates sa trabaho, patuloy na isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagsasabatas ng Batang Magaling Act (Senate Bill No. 2367), isang panukala na magpapatatag sa work immersion program para sa mga mag-aaral ng senior high school (SHS).
Kasunod ito ng paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at Private Sector Advisory Council upang paigtingin at patatagin ang work immersion program, kabilang ang pag-ugnay sa curriculum sa kasalukuyang pamantayan ng mga industriya. Sampung mga paaralan ang nakatakdang makilahok sa pilot program.
Para kay Gatchalian, hakbang sa tamang direksyon ang paglagda sa kasunduan lalo na’t akma ito sa mga layunin ng Batang Magaling Act na kanyang inihain. Maliban sa pagpapaigting sa kahandaan ng mga SHS graduates sa trabaho, layunin din ng naturang panukala na iugnay ang curriculum at work immersion component ng SHS sa pangangailan ng merkado na tinukoy ng pribadong sektor at ng pamahalaan. Layunin din ng naturang panukala na gawing institutionalized ang probisyon ng mga libreng national competency assessments para sa paggawad ng national certifications.
“Kung maisasabatas natin ang Batang Magaling Act, lalo nating mapapatatag ang ugnayan sa pagitan ng ating mga paaralan at ng pribadong sektor upang matiyak na handa sa trabaho ang ating mga senior high school graduates,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Layunin din ng panukalang batas na itatag ang National Batang Magaling Council na bubuuin ng DepEd, Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), Department of Labor and Employment (DoLE), tatlong national industry partners, isang national labor group, at ng Union of Local Authorities of the Philippines.
Imamandato rin ng Batang Magaling Act sa DepEd na tiyaking sumusunod sa quality assurance framework at training regulations ng Tesda ang SHS program.