MAHALAGA ang pagbuo ng policy brief upang makapaglatag ng mga alternatibong policy option at makapag-ambag sa pagpapataas ng panlipunang kamalayan ng mga mamamayan. Ayon sa Food and Agriculture Organization (FAO), ang policy brief ay maaring sa porma ng advocacy brief o objective brief. Ang advocacy brief ay nagsusulong ng isang partikular na alternative policy recommendation o best course of action. Samantalang ang objective brief ay naglalatag ng hanay ng policy options na maaaring mapagpilian. Ang kapwa policy briefs na nabanggit ay maaaring magsilbing batayan ng policy review, policy adoption at policy development para sa ikabubuti ng sambayanan. Ang mga sumusunod ay ilang mga alituntunin at paalala sa pagbalangkas at pagbuo ng policy brief.
· Gawing espesipiko ang pinapapaksa ng policy brief. Mainam na ito ay issue-specific, problem-specific, at policy-specific. Naipapaloob din dapat ang partikular na panahon, industriya at sektor bilang mahahalagang konsiderasyon.
· Linawin ang sentral na layunin ng policy brief sa simula pa lamang. Dito dapat naka-angkla ang pagbuo ng dokumentong ito. Kaugnay nito ay dapat laging tukuyin kung para kanino at para saan ang policy document na ito.
· Tumbukin ang problema at ang pangangailangan para sa dagliang tugon. Ang policy brief ay kapwa problem-based at solution-driven. Higit sa lahat, ang policy brief ay development-oriented.
· Isaad at bigyang-diin sa policy brief ang kagyat (urgent) na pangangailangang matugunan ang mga problemang panlipunan. Layunin ng policy brief na itampok ang usapin sa pambansang kamalayan upang maging bahagi ng public dialogue at media discourse.
· Kilalanin ang implikasyon ng mga policy recommendation sa iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na yaong pinakabulnerable. Tandaan na magkakaiba ang epekto ng patakaran sa bawat sektor o grupo.
· Tiyakin na nakapook o nakakonteksto ang mga problemang panlipunang itinatampok sa binubuong policy brief. Ang mga isyung pambansa at pangkomunidad ay naapektuhan ng sanga-sanga at nagtatalabang salik (factor) sa lipunan.
· Linawan ang level of analysis na ginagamit sa pagbuo ng policy brief. Ito ay maaring local, regional, national, international o global.
· Unawain ang problemang panlipunan sa konteksto ng mas malawak na larangan upang hindi maging makitid at mababaw ang pagsusuri.
· Bigyang-diin ang policy change na nais landasin ng policy brief. Malinaw dapat na ang layunin ng policy review ay hamunin ang nananaig na balangkas, iwasto ang mga pagkakamali at maglatag ng alternatibo.
· Talakayin ang tampok na development at policy issue na tinutugunan. Kasama rito ng ugat, kasaysayan, at lala ng problema.
· Linawin sa policy brief ang superordinate (root causes) at subordinate factors (symptoms) ng problema gamit ang problematique technique. Halimbawa, dapat unawain na ang kahirapan ay sintomas lamang ng mga istruktural na kondisyong panlipunan.
· Tandaan na ang policy brief ay isang porma ng malayuning komunikasyon (persuasive communication). Hangad ng sinumang bumubuo ng policy brief na impluwensiyahan ang mga kinauukulan at ang publiko alinsunod sa kanilang isinusulong na policy at development agenda.
· Alamin ang posisyonalidad (positionality) ng bumubuo ng policy brief dahil naiimpluwensiyahan nito ang nilalaman at hubog ng binubuong dokumento. Ang posisyonalidad ay maaaring tumukoy sa edad, kasarian, ideolohiya, partido politikal, pananampalataya, lokalidad, at uring panlipunan (social class) na kinabibilangan ng indibidwal o grupo.
· Isaisip na ang policy brief ay dapat nakabatay sa pananaliksik upang maging evidence-based.
· Tiyaking maalam tayo sa substantive area/focus ng binubuong policy brief. Mahalaga ito para maging matibay na sandigan ang naturang policy document.
· Alamin kung sino ang inaasahang babasa at gagamit ng policy brief. Ito kadalasan ay binubuo para sa mga non-technical specialist upang mas maging kapaki-pakinabang at madaling maunawaan. Samakatwid, nagsisilbi ring knowledge broker ang bumubuo ng policy brief sa pagitan ng mga sektor.
· Kilalanin ang inaasang mga mambabasa at gagagamit ng dokumento sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang demographic, sociographic, at psychographic profile.
· Iwasang gumamit ng mga teknikal na termino hangga’t maaari. Maghanap ng angkop na panumbas o kaya ay bigyan ang termino ng malinaw na depinisyon. Kadalasan ay masyadong legalistic at academic ang pagsusulat ng mga dokumento kaya hindi nagiging epektibo ang pagpapaabot ng mensahe sa nakararami.
· Tandaan na ang policy brief ay aplikasyon ng policy communication kung saan dapat ikonsidera ang mga sumusunod na elemento ng komunikasyon: producer, message, channel o medium, barrier o interference, receiver, at ang pangkalahatang konteksto. Isaisip ang mga mahahalagang elementong ito sa pagbuo ng policy brief upang maging epektibo.
· Iwasan mag-aksaya ng espasyo sa pamamagitan ng pagtatampok lamang ng mahahalagang bahagi ng binubuong draft.
· Mag-isip ng angkop na titulo na sasapul sa buod ng policy context, policy issue, at policy recommendation.
· Maglagay ng pagbubuod sa pambungad na bahagi ng policy brief (‘brief about the brief,’ ika nga) upang magsilbing gabay ng mambabasa at gagamit nito. Ito ay maaaring sa porma ng executive summary. Maaari rin itong tambalan ng bullet entries bilang paglalagom ng bawat seksyon ng policy brief.
· Tandaan na kasing halaga ng nilalamang mensahe ang istruktura ng policy brief (form and content).
· Ilatag ng lohikal at sistematiko ang mga datos upang magsilbing sandigan ng policy decision.
· Itampok ang key results ng isinagawang pag-aaral upang maging sanggunian (reference) at salalayan (foundation) ng ilalatag na policy recommendations.
· Ipaloob ang statistics (quantitative) at stories (qualitative) bilang datos para sa pagbabatibay ng mga argumentong susuhay sa policy advice.
· Tambalan ang mga isinagawang pananaliksik ng kaukulang policy brief upang mas maging kapaki-pakinabang sa publiko ang naturang pag-aaral. Maraming policy research ang hindi napapakinabangan nang lubos dahil hindi ito pinaghahalawan ng kaalaman para makabuo ng policy brief. Sa katunayan, ang policy brief ay maaari ring tambalan ng audio-visual production para mas maging epektibo at pukaw atensyon.
· Gawing malalim at matalas ang pagsusuri upang maging matibay na batayan ng policy advice.
· Gawing tuwiran at hindi paligoy-ligoy ang paraan ng pagsusulat ng policy brief. Hindi kailangang maging mahaba ang binubuong dokumento.
· Bigyang diin ang bentahe ng inihahapag at isinusulong na best course of policy action kung ito ay isang advocacy brief.
· Ilatag ang hanay ng mga policy option na pagpipilian kung ito naman ay isang objective brief.
· Lagyan ng long-term, medium-term, at short-term na dimensyon ang rekomendasyon.
· Ipaloob lahat ng konsiderasyon sa pagbuo ng policy recommendation. Maaaring heograpikal, ekonomiko, politikal, kultural, etikal o pangkasarian ang mga konsiderasyong ito.
· Gawing malinaw ang direksyong nais tahakin sa policy recommendation.
· Tandaan na kritikal ang papel ng pagbuo ng policy recommendation sa mga kasunod na yugto ng policy formulation at policy implementation.
· Sanayin ang sarili sa pagsusulat ng policy brief at matuto mula sa karanasan ng iba.
· Magtipon ng mga policy brief ukol sa iba’t ibang isyu at mula sa iba’t ibang institusyon upang maging batayan ng pagkukumpara.
· Tiyakin na sumailalim sa masinsin na editing ang policy brief sa usapin ng nilalaman, balarila (grammar), at istruktura.
· Lagyan ng angkop na section headings at subheadings para sa mas epektibong komunikasyon.
· Tiyakin na maayos at lohikal ang daloy ng bawat bahagi ng policy brief.
· Gumamit ng angkop na color scheme, larawan at iba pang ilustrasyon na tatambal sa tema at paksa.
Bilang pagbubuod, tandaan na ang layunin ng policy brief ay palaganapin ang social awareness at magsulong ng policy change. Bilang instrumento ng pagpapalalim ng panlipunang kamalayan, epektibong paraan ang policy brief upang humawan ng altenatibong landas tungo sa kaunlaran.
Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay sa pamamagitan nito: [email protected]