MULING pinagtibay ni Senator Loren Legarda ang kanyang dedikasyon sa edukasyon sa pamamagitan ng pag-anunsyo na lahat ng mag-aaral sa kolehiyo sa kanyang lalawigan ng Antique ay magkakaroon ng pagkakataong makatanggap ng P10,000 tulong pang-edukasyon mula sa Educational Assistance Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Ang ating kabataan ay may karapatang mangarap at makamit ang mas magandang kinabukasan. Sa pakikipagtulungan natin kay Congressman AA Legarda at sa DSWD, tayo ay nakapaglaan ng pondo upang matiyak na lahat ng batang mag-aaral na kolehiyo sa ating probinsya ay hindi mapagkakaitan ng karapatang ito,” saad ni Legarda.
“Ako at ang aking bugto na si Cong. AA Legarda ay naniniwala na ang edukasyon ang pinakamahalagang pamana na maibibigay natin sa ating mga kabataan. Sa pamamagitan ng mga programang para sa edukasyon, napupunan natin ang kanilang pangangailangan upang maitaguyod ang mas maunlad na kinabukasan, maging huwarang mamamayan, at patuloy na mag-ambag sa pag-unlad ng ating bayan,” dagdag pa ng Senadora
Sinimulan ang pamamahagi ng tulong pang-edukasyon noong Huwebes, Pebrero 13, sa Paghi-UsA Hall sa loob ng University of Antique main campus sa Sibalom. Samantala, ang mga mag-aaral na nag-aaral sa labas ng Antique ay kailangang maghintay ng karagdagang anunsyo.
Tiniyak ni Legarda na ang tulong na ito ay magiging abot-kamay ng bawat estudyanteng Antiqueño, mayroon o wala man silang kasalukuyang iskolarship mula kay Legarda.
Ang dedikasyon ni Legarda sa paghubog ng kinabukasan ng edukasyon sa Pilipinas ay nagpapakita ng kanyang adbokasiya na gawing prayoridad ang edukasyon hindi lamang sa lokal na antas kundi pati sa pambansang antas. Ang kanyang pagsusumikap sa pagpasa ng mga batas tulad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931), No Permit, No Exam Prohibition Act (RA 11984), at Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Act (RA 10687) ay nag-ambag sa pagpapabuti ng sistema ng edukasyon sa bansa at nagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga estudyanteng makapagpatuloy ng kanilang pag-aaral nang walang pasanin sa gastusin.
Ang dedikasyon ng senador sa pagtiyak ng kalidad ng edukasyon para sa lahat ng mga Pilipino ay nagbigay sa kanya ng isang mahalagang posisyon bilang Commissioner ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM2).
“Ang edukasyon ay hindi lamang isang pangarap kundi isang puhunan para sa isang magandang kinabukasan kaya hindi natin hahayaang maging hadlang ang kahirapan sa pag-abot nito. Patuloy tayong magbibigay ng suporta upang tiyakin na ang bawat bata ay may pagkakataong makapag-aral at magkaroon ng mas maliwanag at maunlad na kinabukasan,” ani Legarda.
“Ito ay sa pagpapatuloy ng aming adhikain na maiangat ang kalidad ng buhay ng aming mga kasimanwa, lalo na ang mga kapos sa buhay,” dagdag pa niya.