34.8 C
Manila
Miyerkules, Abril 30, 2025

Villar pinangunahan ang inagurasyon ng bagong gusali ng ospital at daan, pinalakas ang serserbisyong pangkalusugan sa Las Piñas

- Advertisement -
- Advertisement -

PINANGUNAHAN ni Senator Cynthia Villar nitong Lunes (Marso 17, 2025), ang inagurasyon ng bagong gusali ng Las Piñas General Hospital & Satellite Trauma Center (LPGHSTC), kasabay ng pagbubukas ng isang bagong kalye, na magbibigay daan para sa higit na pagpapabuti sa mga serbisyong pangkalusugan sa lungsod.

Ang 12-palapag na gusali ay magdadagdag ng kapasidad ng LPGH&STC mula 200 hanggang 500 kama. Ang pagtatayo nito ay ayon sa Republic Act No. 11497, isang batas na isinulong ni Rep. Camille Villar sa Kongreso at ni Senador Cynthia Villar sa Senado.

Ang batas ay nag-a-upgrade din ng mga propesyonal na serbisyong pangkalusugan at nagpapalawak ng workforce, kabilang ang mga doktor, nars, at mga kawani. Ayon sa senadora, ang pagpapalawak ng ospital ay hindi lamang magsisilbi sa mga residente ng Las Piñas, kundi pati na rin sa mga pasyente mula sa Timog ng Maynila at mga kalapit na lungsod at munisipalidad ng Cavite.

Kasama ng proyektong ito ang pagbubukas ng 220-metrong daan sa kahabaan ng river drive na magbibigay ng permanenteng akses sa mga pasilidad pangkalusugan sa lungsod. Ang daan ay unang ginamit upang makarating sa modular hospital noong panahon ng pandemya ng Covid.

Ipinahayag ni Villar, na tumatakbo bilang kinatawan ng Las Piñas, ang kanyang kasiyahan sa pagkakatapos ng mga proyektong ito bilang pagtatapos ng kanyang dalawang termino bilang senador. Sinabi niyang patuloy niyang isusulong ang mga makabuluhang proyekto sakaling mabigyan ng pagkakataong magsilbi muli bilang kinatawan ng Las Piñas.

“Ang pandemya ng Covid ay nagturo sa atin na muling pag-isipan ang ating mga prayoridad sa gobyerno, lalo na ang kagyat na pangangailangan na palawakin at i-upgrade ang mga pampublikong ospital at pasilidad pangkalusugan. Ang pagpapalawak ng kapasidad ng mga kama sa ospital ay magtitiyak na ang regular na mga serbisyong pangkalusugan ay hindi maaantala sakaling magka-pandemya o anumang krisis pangkalusugan sa hinaharap,” pahayag ni Villar.

Noong si Villar pa ang kinatawan ng Las Piñas, pinangunahan niya ang modernisasyon ng Las Piñas District Hospital. Siya ang may-akda ng Republic Act 9240 noong 2004 na nag-convert dito bilang LPGH&STC at nagpalawak ng kapasidad ng ospital mula 50 hanggang 200 kama. Ang ospital ay patuloy na nagkaroon ng mga upgrade, kaya’t isa ito sa mga nangungunang pasilidad medikal sa Metro Manila.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -