30.3 C
Manila
Miyerkules, Abril 30, 2025

DBM, naglabas ng Budget Circular sa paggamit ng GPC para sa mabilis, madali, at may seguridad na pag-gastos ng gobyerno

- Advertisement -
- Advertisement -

ALINSUNOD sa pagsusulong ng administrasyon sa pag-digitize ng mahahalagang proseso ng gobyerno, inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah “Mina” F. Pangandaman ang pagpapalabas ng Budget Circular No. 2025 – 1, na nagtatakda ng guidelines sa paggamit ng Government Purchase Card (GPC) para sa ilang mga gastusin ng gobyerno.

Ang GPC ay isang alternatibong paraan ng pagbabayad para sa goods at services na naglalayong pahusayin ang procurement process sa pamamagitan ng pag-limita sa cash advances at pagbabawas ng administrative work na may kinalaman sa procurement at accounting processes. Sa madaling sabi, ang GPC ay nagsisilbi bilang isang credit card na magagamit lamang sa pagbili ng mga pre-identified items sa loob ng monthly limits at merchant category groups na napagkasunduan ng ahensya kasama ang Servicing Bank.

Itinatakda ng Circular ang guidelines para sa malawakang paggamit ng GPC sa gobyerno, kabilang ang listahan ng eligible expenditure types kada program code o privilege type at angkop na monthly purchase limit para sa bawat Authorized Cardholder. Bukod pa rito, naka-specify ang documentary requirements na kailangan upang maisagawa ang settlement ng lahat ng transaksyon gamit ang GPC.

“Through this circular, we are encouraging all government agencies to avail of the fast, convenient, and more secure process of purchasing of goods and services through the use of GPC. Malaking pakinabang po ito lalo na sa pagpapadali at pagpapahusay ng proseso ng ilang transakson ng gobyerno — isang paraan ng pagsulong natin ng efficiency at transparency sa pamamagitan ng digitalization initiative,” ani Secretary Mina Pangandaman.

Saklaw ng Circular na ito ang lahat ng departamento, ahensya, at instrumentalidad ng Executive Branch, kabilang ang State Universities and Colleges (SUCs) at Government-Owned or -Controlled Corporations (GOCCs) na hindi sakop ng Republic Act (RA) No. 10149, simula Fiscal Year 2025.

Samantala, hinihikayat din ang Legislature, Judiciary, mga Constitutional Commissions/Offices na may fiscal autonomy, at local government units (LGUs), at mga GOCCs na sakop ng RA No. 10149 na ipatupad ang guidelines sa Circular na ito.

Ayon sa Circular, ang GPC ay dapat lang gamitin para sa mga sumusunod na karapat-dapat na uri ng paggasta: travel expenses (airfare, car rental, ferry/cruise, toll fee, atbp.), alinsunod sa naayong batas at mga panuntunan; miscellaneous small-value purchases; computer software, services, at digital content; hotel/lodging; representation expenses; at gasolina, lubricant, langis, automotive parts, at services.

Panghuli, nagbibigay ang Circular ng operational guidelines kung paano ipatupad ang mga prescribed policies para sa pagpatupad at paggamit ng GPC. Kasama rin dito ang isang probisyon na nagpapahintulot sa mga ahensyang magpatupad ng partikular na tungkulin at responsibilidad sa kanilang internal guidelines upang gamitin ang GPC, batay sa kanilang mandato at mga tungkulin. Nagbibigay din ito ng mga limitasyon at grounds kung saan ang mga cardholder privileges ay maaaring masuspinde o mabawi.

Ang Circular ay agad na magkakabisa matapos mailathala sa Official Gazette o sa newspaper na may pangkalahatang sirkulasyon.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -