TUMINDIG at hindi nagpapatinag.
Ganito ang ipinahayag ng mga kabataang Isko at Iska ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) nitong Biyernes sa PUP campus sa Maynila, na, sa gitna ng mga naghahampasang alon at tumitinding tensyon sa West Philippine Sea (WPS), sila ay nagpakita ng kanilang paninindigan.
Hindi sila nagpatinag sa harap ng mga hamon, at ginamit ang kanilang kaalaman bilang sandata laban sa mga pekeng impormasyon at baluktot na balita na naglalason sa isipan ng publiko.
Laban sa disimpormasyon: Sandata ng kabataan
Alam natin na ang mga kabataan ay ang pangunahing gumagamit ng social media, kung saan madalas kumalat ang mga maling impormasyon. Kaya naman, ang pagtuturo ng tamang impormasyon tungkol sa West Philippine Sea ay naging pangunahing layunin ng mga nag-organisa ng event–ang Philippine Coast Guard, National Youth Commission, PUP, at ang Philippine Information Agency-National Capital Region.
Ayon kay Criscia, isang mag-aaral ng Political Science sa PUP, mahalaga na ang mga kabataan ay maging maalab at mausisa sa mga nangyayari sa bansa. “Kinakailangan maalab tayo at sa gamit ng social media na ginagamit ng lahat, maipapalaganap natin ang mensahe ng katotohanan. Nawa ay gamitin natin ang social media sa pagpapalaganap ng totoo,” ani Criscia.
Idinagdag naman ni Radjah, isa ring estudyante, “Tayo ay nananawagan na patuloy na bumuo ng mapayapang resolusyon habang naninindigan sa tagumpay ng bansa mula sa international arbitral ruling ng UNCLOS noong 2016. Atin ang West Philippine Sea ang panawagan ng mga kabataan.”
National Youth Commission: Pagtindig at pagkilos
Nangunguna ang National Youth Commission sa mga kabataan sa pag-iikot sa mga unibersidad at mga barangay upang gisingin ang diwa ng pakikipag-ugnayan at labanan ang disimpormasyon tungkol sa West Philippine Sea.
“In terms sa engagement sa ating Sangguniang Kabataan, mayroon tayong training na ico-conduct for their awareness on West Philippine Sea. Ang sangguniang kabataan po ang magiging forefront sa campaign na ‘to,” sabi ni Commissioner-at-Large Karl Josef Legazpi ng NYC.
Ang mga aktibidad na isinasagawa ay kinabibilangan ng leadership training, financial management, at event planning. Ngunit ang pinakamahalaga, ang pagpapalaganap ng tamang impormasyon tungkol sa sitwasyon sa West Philippine Sea at ang mga pang-aabuso ng mga Tsino sa mga Pilipinong mangingisda.
Pagpupugay sa mga tagapagtanggol ng karagatan
Ang Philippine Coast Guard na may mandato hinggil sa maritime safety, maritime security, at marine environmental protection ay, ayon sa mga iskolar ng bayan, nararapat lamang na purihin. “Bukod sa karapatan natin ito, napakatapang nilang humarap sa isang malaking bansa habang tinututukan ka ng armas, maituturing nga natin silang mga bayani,” sabi ni Criscia.
Ang mga kabataang Pilipino ay hindi lamang nanonood sa nangyayari. Sila ay aktibong nakikilahok sa pagtatanggol ng ating karagatan. Gamit ang kanilang boses at kaalaman, sila ay nagiging tagapagtanggol ng katotohanan at tagapagtaguyod ng soberanya ng Pilipinas.
Ang kinabukasan ay nasa mga kamay natin
Sa patuloy na pag-igting ng sitwasyon sa West Philippine Sea, ang pakikiisa ng mga kabataan ay mahalaga. Ang kanilang determinasyon na labanan ang disimpormasyon at ipagtanggol ang ating karapatan ay nagbibigay ng pag-asa sa kinabukasan ng ating bansa. (JCO/PIA-NCR)
(Mga larawan kuha nina Gelaine Louise Gutierrez at Kervin Valerio/PIA-NCR)