NAPAKAHALAGA sa komunikasyon ang tamang bigkas ng mga salita. Alam iyan ng ating mga ninuno, kaya alam nila kung paanong maghatid ng angkop na impormasyon sa pamamagitan lamang ng maliit na pagbabago sa bigkas ng salita, o sa pag-uulit lamang ng isang pantig. May malaki nang pagbabago itong maihahatid sa kahulugan ng isang salita.
Kaya, kayong mga tagapagbalita sa radyo at telebisyon, mag-ingat sa pagbigkas ng mga salita. Baka hindi sinasadyang makapaghatid kayo ng maling impormasyon kapag nagkamali ng bigkas.
Magtagò o magtagô?
Ang pinakamagandang halimbawa nito ay ang salitang magtagÒ. Mabagal ang bigkas at may impit na tunog sa dulo. Halimbawa ito ng salitang malumì. Pero kapag binigkas na ito nang mabilis at may impit na tunog sa dulo, ibang-iba na ang kahulugan. May nakatagong dagdag na kahulugan sa maliit na pagbabago sa bigkas – kapag naging magtagÔ na.
Ano ba ang itinatago natin? Siyempre, lihim o secret na ayaw nating ipaalam sa iba. Nagtatago rin tayo ng pera para may magastos sa sandali ng pangangailangan. Nagtatago rin tayo ng mahahalagang bagay, tulad ng alahas, paboritong libro, mga liham mula sa itinatanging mga kaibigan. At noong mga bata pa tayo (at least, kami noon, noong ang mga bata ay naglalaro pa ng habulan, piko, luksong lubid, batong preso (tumbang preso ang tawag ng iba), noong wala pang mga gadget ang mga bata’t matanda – isa sa mga paboritong laro ng mga bata ay taguan. Naranasan mo bang magtago sa loob ng baul o tampipi, o sa likod ng lalagyan ng mga unan, o sa likod ng poste ng bahay, o umakyat sa puno, para hindi makita ng taya? Simpleng nagtagÒ ang tawag doon.
Pero ang isang dating human rights lawyer na inimbestagahan ng mga kongresista noon, at biglang nawala at hindi na nagpakita uli at hindi na malaman kung nasaan, ay nagtagÔ na pala.
Mabilis at may impit na tunog sa dulo, ang salitang malumi ay naging maragsa na. At dahil sa munting pagbabagong ito sa bigkas ng salita, isang bagong mundo ng kahulugan ang nadagdag sa salita. Hindi na simpleng pagkukubli lamang ang ipinapahayag ng salita. May dagdag nang kahulugan ng pag-iwas sa pananagutan, ng pagtakas sa katotohanan, ng pag-ayaw na harapin ang kasalanan. Kung alam ng mga tagapagbalita sa TV at radyo ang malaking kaibahang ito, makapagtitipid sila ng mga salita sa kanilang pagbabalita. Sabihin lang na NAGTATAGÔ ang abogado ay alam na ang ibig ipahiwatig.
Kung sakali namang saglit lang nawala sa paningin ng marami upang makapag-recharge ngunit wala namang balak na tumakas sa pananagutan, at ibinalita nang “Nagtatagô ang abogado,”ay baka demanda na ang kaharapin ninyo. Samantala, hindi naman accurate kung hindi ang tamang bigkas ng salita ang magamit ninyo.
Pagdaragdag ng pantig: Magbili, magbibili
Bukod sa pagbabago sa bigkas ng salita, ang pagdaragdag ng pantig sa salita ay makapagpapabago rin ng kahulugan. Isang halimbawa ang MAGBILI at MAGBIBILI.
Naipaliwanag na natin ito sa isang naunang kolum, ang pagkakaiba ng BUMILI sa MAGBILI. Kapag ikaw ang bumili, ikaw ang pinagbentahan. BUY sa Ingles. Samantala, kapag MAGBILI naman, ikaw ang nagbebenta, SELL sa Ingles. Pero kapag nagkaroon ng reduplikasyon, o pag-uulit ng pantig – MAGBIBILI – hindi na ikaw na ang nagbebenta. Ikaw na ang bumibili. At hindi lamang iyan, may intensification na sa kilos ng pandiwa. May pagpapasidhi. Paulit-ulit at marubdob na pagsasagawa ng kilos. Halimbawa: “Noong pandemya, dahil nakakulong lang sa bahay (Bawal lumabas, di ba?), naging libangan ng marami ang MAGBIBILI ng kung ano-ano sa Shopee at Lazada.” Paulit-ulit na pagbili ng kung ano-anong bagay. Siyempre, hindi naman lahat, nagawa iyan. Iyon lamang may mga pambili.
Pero ipinapakita ng halimbawang ito na sa simpleng pag-uulit ng pantig ay nabago na ang kahulugan ng isang salita.
Iba pang halimbawa: (1) MÁNGINGISDÂ at (2) MANGíNGISDÂ. Ang #1 ay pangngalan, isang tao na ang trabaho ay manghuli ng isda para ipagbili. Ang #2 naman ay pandiwa, ang gagawin ng isang tao na manghuhuli ng isda para ipagbili. Panghinaharap na anyo ng pandiwa para sa kilos na isasagawa pa lamang. Samakatwid, iba ang kahulugan ng #1 MÁNGINGISDÂ ang aking ama sa #2 MANGÍNGISDÂ ang aking ama. Kapag isinalin sa Ingles, ang #1 ay “My father is a fisherman” samantalang ang #2 ay “My father will catch fish.”
Pansinin ang accent mark sa itaas ng patinig na binibigyang diin sa pagbigkas. Sa #1, sa unang pantig ang diin. Sa #2, sa unang NGI ang diin.
Búkas at bukás, búhay at buháy
Maraming nagkakamali sa bigkas ng mga salitang bukas at buhay. Ang BU-kas (sa unang pantig ang diin) ay nangangahulugang “sa susunod na araw” o “tomorrow” sa Ingles. Ang buKAS (sa huling pantig ang diin) ay nangangahulugang “hindi sarado” o “open” sa Ingles. Samantala, ang BU-hay (unang pantig ang diin) ay nangangahulugang “life” sa Ingles at ang bu-HAY (pangalawang pantig ang diin) ay nangangahulugang “hindi patay” o “alive” sa Ingles. Ang maling bigkas ay maghahatid ng kalituhan sa mga tagapakinig.
Mga halimbawa:
- BuKAS (hindi BU-kas) na ang timpalak para sa mga gustong sumali.
- BU-kas (hindi buKAS) na ang huling araw ng paglahok sa timpalak.
- BuHAY (hindi BU-hay) pa ang mga biktima nang dumating ang saklolo kaya agad silang naisugod sa ospital.
- Mahiwaga ang BU-hay (hindi buHAY) ng tao.
Sa kalaunan, matutukoy rin naman ng mga tagapakinig ang tamang mensahe. Gayon man, sa simula’y maghahatid muna ng maling idea ang maling bigkas.
Kaya, pag-aralan ang mga tamang bigkas upang ang tamang mensahe ang makarating sa mga tagapakinig.