JUAN, anong balak mo sa Easter Sunday?
Oo nga, Uncle. Ang bilis ng panahon. Balak ko sanang pumunta sa probinsiya para maramdaman ko talaga ang Pasko ng Pagkabuhay.
Nakaranas na ko ng tinatawag nilang “Salubong” nung nagbakasyon kami noon sa Bataan. Maganda at dama mo talaga ang muling pagkabuhay ni Hesus pagkatapos ng matinding paghihirap Niya para lang mailigtas tayo sa ating mga kasalanan.
Naisip ko lang, Uncle. Kasi dun sa retreat na sinalihan ko nitong Holy Week, nagkaroon kami ng parang “cleansing” kung saan humingi kami ng kapatawaran sa aming mga nagawang kasalanan. At nangako kami kay Hesus na may babaguhin kami sa aming mga sarili katulad ng pagtalikod sa mga maling gawain. Para pagdating ng Easter Sunday, para na ring nag-resurrect kami at handa ng tahakin ang bagong simula ng aming buhay.
Mabuti naman at nakasali ka sa retreat na yan. Totoo yan, Juan. Alam mo ba na kahit sa lagi nating pinag-uusapang “financial freedom” ay may mapupulot tayong aral at inspirasyon sa kuwento ng Easter.
Ang Easter ay simbolo ng bagong umaga, bagong pag-asa at bagong pangarap. Kaya kung tayo ay may pinagdadaanan sa larangan ng pananalapi, ang Easter ay nagpapaalala na malaki ang posibilidad na puwede tayong bumangon sa ating mga problemang pinansyal at maranasan din natin ang kanya-kanya nating “financial resurrection”.
Pero ang “financial resurrection” ay nagsisimula sa pagpapatawad sa ating mga maling desisyon na nagawa noon, pagtanggap sa ating mga pagkukulang kung kaya’t hindi pa rin stable at sapat ang financial situation natin at ang pagbukas ng isip natin sa mga pagbabagong dapat na maipatupad.
Paano nga ba natin maiuugnay ang kuwento ng Easter sa ating “financial resurrection”?
May EASTER ka munang dapat gawin:
E-nd all bad habits. Tigilan ang pag-swipe ng credit card kung hindi naman talaga kailangan. Huwag magpadala o magpabudol sa mga materyal na bagay na puede namang ipagpaliban. Kung may mangungutang, matutong humindi at unahin ang mga priyoridad sa buhay. Kung walang ginagawa, huwag ugaliing mag-browse kaagad ng Lazada o Shopee para mag-add to cart ng mga hindi naman talaga makakatulong at itatambak mo lang din naman. Iwasan ang parating lumalabas kasama ang barkada lalo na kung ikaw pa ang magiging taya. Laging isipin na hindi natin hawak ang ating bukas. Kaya kung may pera ka ngayon, magtabi ka para sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng pagkakasakit o ang pagkawala ng trabaho.
A-im at mag-focus sa budget mo kada buwan. Tingnan mo ang gastos mo, lalo na yung mga fixed expenses, tulad ng bahay, kuryente, tubig, pagkain at utang sa bangko. Hindi mo maiiwasan yan Pero ang gastos sa mga luho, nasa mga kamay mo yan. Lagi kong sinasabi na ang formula para sa financial freedom ay Kita – Ipon = Gastos. Unahin ang ipon kesa gastos.
S-acrifice now and enjoy later. Sabi nga nila, “pay yourself first”. Ibig sabihin nito ay magtabi ka muna para sa sariling ipon at magsakripisyo muna bago magisip ng mga kung anu-anong pagkakagastusan na wala sa budget at sa priyoridad. Katulad ng pagbabayad sa insurance, yung tradisyonal na life insurance o yung investment-linked insurance, huwag manghinayang at pagtiyagaan mong tapusin. Ipon mo yan na babalik sa iyo kapag ikaw ay nangailangan habang nagbibigay pa Ito ng proteksyon sa iyong buhay. Kung gusto mong mag-retire ng mas maaga, kailangan mong magsakripisyo para makaipon ng madami sa mas mabilis na panahon.
T- rust the process. Huwag mainip o magmadali. Ang pagyaman o ang pagkakaroon ng mas maginhawang buhay ay isang mahabang proseso na kailangan ng pasensya, pagpupursige, pagtratrabaho ng mabuti at pagsisinop sa kinikita. Walang overnight success ika nga. Kaya lumaban lang sa lahat ng hamon sa buhay at magkakaroon din ng magandang bunga ang lahat.
E-stablish a financial plan. Pag wala kang plano, wala kang patutunguhan. Kailangan meron kang financial goals o minimitjing matupad. Doon mo itutuon ang stratehiya at ang mga gagawin para maabot ang pangarap mo. Mahalagang may malinaw na mapa na susundan para hindi maligaw at makita kung may progreso ka ba sa mga desisyon mo.
R-umesbak sa mga maling desisyon mo noon na nagdala sa hindi magandang financial situation mo ngayon, Suriin mo ang mga leksyon na natutunan at huwag ng ulitin pang muli. Gumawa na ng tama at umiwas sa mga tukso, tulad ng sugal at iba pang bisyo, na sisira sa financial freedom na inaasam. Bago mag-invest sa kahit anong bagay, financial, stock market o real estate assets, mag-research, magtanong o humingi ng financial advice sa mga experto. Ang mga financial scams ngayon ay laganap at yan ang lilimas ng lahat ng pinaghirapan mo.
Sa Easter na parating, hanapin natin ang inspirasyon at motivation para sa ating pagbabago mula kay Hesus na nagbibigay sa atin ng bagong panimula at pag-asa na mabigyan ng lunas ang lahat ng ating problemang pinansyal patungo sa mas maayos at makabuluhang pamumuhay.
Posible ang “financial resurrection”’kung katulad ni Hesus, tayo ay magsasakripisyo at paghihirapan natin ang pagbabagong nararapat na magdadala sa atin ng bagong buhay.
Juan, Happy Easter sa yo. Patuloy nating ipagdasal ang financial resurrection na hinahangad ng ating mga kababayan.