30.3 C
Manila
Biyernes, Mayo 2, 2025

Cayetano: Sapat na sahod, makataong lipunan

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGBIGAY ng pahayag si Senador Peter Allan Cayetano tungkol sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa.

Malinaw na nakasaad sa preamble ng ating Saligang Batas ang uri ng lipunang hinahangad natin. Ang pagbuo ng isang makatarungan at makataong lipunan ay magsisimula kapag hindi na lang tayo nakatuon sa pagbibigay ng minimum wage, kundi sa pagbibigay ng living wage o sahod na sapat para mabuhay ang bawat Pilipino.

Maraming aspeto ang kailangang ayusin para makamit ito, kabilang ang peace and order, reliable service para sa kuryente at tubig, at libreng serbisyong pangkalusugan. Pero paulit-ulit pa rin ang usapin tungkol sa sahod.

Ayon sa mga negosyante, baka magsara ang maliliit na negosyo kapag tinaasan ang minimum wage. Sa mga lalawigan naman, nagtatanong ang mga manggagawa kung bakit mas mababa ang sahod nila kumpara sa mga nasa siyudad.

Marami ring mga magulang ang napipilitang mamili kung mananatili ba sila sa piling ng kanilang pamilya o mangibang-bansa para mabigyan sila ng magandang buhay. At milyon-milyong magsasaka ang naiiwan sa probinsya, umaasa pa rin sa ani mula sa lupa, pero naaakit nang lumuwas ng Maynila dahil sa pangakong mas tiyak na kita.

Habang nagpapatuloy ang walang katapusang diskusyon ng mga policy makers, ang mga ordinaryong Pilipino ang patuloy na naghihirap, naghihintay ng makatarungan at pangmatagalang solusyon sa problema sa sahod at trabaho.

Base sa aming karanasan nina Senator Pia at Senate President Chiz, ganito rin ang naging hamon noon sa sektor ng edukasyon. Pero sa pamamagitan ng EDCOM 1 at 2, napagsama-sama namin ang mga pangunahing sektor at nakabuo ng mga kongkreto at epektibong rekomendasyon para tugunan ang learning crisis.

Sa darating na Lunes, magsusumite ako ng panukala para lumikha ng isang Executive-Legislative Labor Commission. Dito, magsasama-sama ang mga kinatawan mula sa Kongreso, executive department, maliliit na negosyo, at sektor ng manggagawa upang pag-usapan at hanapan ng pangmatagalang solusyon ang isyu ng living wage.

Pag-aaralan din dito kung ano ang tunay na kailangang sahod batay sa aktwal na gastusin ng isang pamilya–tulad ng sa edukasyon, kalusugan, at iba pa.

Hindi lang nito tayo ilalapit sa pangarap nating makataong lipunan, kundi makakatulong din itong pigilan ang patuloy na pag-alis ng mga kababayan natin para lamang makahanap ng mas magandang kita sa ibang bansa.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -