NAGBIGAY ng kanyang pahayag si Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero tungkol sa Election 2025.
Ngayong ika-12 ng Mayo, gamitin po natin ang karapatang bumoto bilang patunay na tayo’y malayang mamamayan, bilang paggalang sa ating mga bayani na ipinaglaban ito.
Sa araw lang ng halalan tunay na nagkaka-pantay ang bawat Pilipino, kung saan mayaman man o mahirap, makapangyarihan o karaniwang mamamayan, nakapag-aral o hindi, ano man ang kasarian o hitsura, ang boto ng bawat isa sa atin ay tig-isa lamang, magkatumbas lang.
Gamitin natin ang ating karapatan na pumili ng nais nating iboto dahil walang sinumang tao ang pwede magsabi na mas alam nila kung sino ang mga karapat-dapat na manalo dahil lamang mayaman, makapangyarihan o mas nakapag-aral sila.
Ito ang pundasyon ng isang demokrasya. Ang tanging nasusunod ay ang boses ng mas nakararami kaya’t bumoto po tayo para sa kinabukasan ng ating mga anak at sa kapakanan ng ating bayan.
Sa darating na Lunes, isusulat natin sa balota ang isang bagong kabanata ng kasaysayan ng ating bansa at nasa ating mga kamay ang landas na tatahakin ng ating Lipunan.
Sa ating mga kandidato na humaharap sa dambana ng balota, mapayapang bigyang galang natin ang halalan at ang boses ng taumbayan.
Nawa’y maging mapayapa ang ating halalan at tanggapin nating lahat ang pasiya ng sambayanan anuman ito at kanino mang panig sila nakahanay.