SA kabila ng nagbabagong ekolohiya ng pagkatuto at pagtuturo ay nananatiling mahalaga ang papel na ginagampanan ng textbook bilang isa sa mga balangkas, sanggunian, tipunan, lunsaran at batis ng kaalaman. Ang mga sumusunod na tala ay ilan sa mga gabay, paalala at panuntunan ukol sa pagkokonseptuwalisa, pagsusulat at paglalathala ng textbook bilang isang instructional material.
- Bumuo ng textbook proposal alinsunod sa curriculum guide (CG) ng Kagawaran ng Edukasyon, internal na panuntunan ng publishing house at konsiderasyon mo/ninyo bilang (mga) awtor.
- Tandaan na ang pagsusulat ng batayang aklat bilang isang masalimuot na proseso kagaya ng pananaliksik ay mayroon ding personal (micro), institusyonal (meso) at panlipunang konsiderasyon (macro).
- Tukuyin kung sino ang magiging mambabasa ng iyong/inyong akda. Kasama rito ang malalim na pag-unawa sa kanilang demographic, sociographic at psychographic profile.
- Saliksikin at unawain ang learning style o learning preference ng kasalukuyang mga mag-aaral at gamitin ito bilang isa sa mga konsiderasyon sa pagsusulat ng batayang aklat.
- Tiyaking tumutugon ang batayang akda sa pangangailangan ng mga mag-aaral, guro, institusyon, komunidad at ng mas malawak na development ecology. Sa kontekstong ito ay napakalaking ambag ng socio-ecological model (SEM) ni Urie Bronfenbrenner.
- Alamin din ang kakulangan at kahinaan ng kasalukuyang sistema ng edukasyon at sikaping mag-ambag na punan ang mga ito sa pamamagitan ng iyong/inyong bubuoing batayang aklat (maliban sa iba mo/ninyo pang isinusulong na kaugnay na adhikain at adbokasiya).
- Lagyan ng kaukulang introduksyon ang batayang aklat na nagtataglay ng pangkalahatang nilalaman at istruktura ng akda, paraan ng epektibong paggamit at maging ang mga natatanging karakter nito bilang instructional material sa larangan.
- Alamin din ang prior knowledge ng mga mambabasa batay sa mga dating asignaturang kanilang kinuha at inaral.
- Ilinya ang lalamanin ng textbook alinsunod sa larangan at asignatura kung saan ito nakapaloob o nakabalangkas.
- Alamin, linawin at pagdesisyonan kung disciplinal o interdisciplinal ang magiging dulog (approach) sa binubuong akda.
- Makipagbahaginan ng kaalaman at kuro-kuro sa mga kamanunulat sa larangan at/o kapwa may-akda ng batayang aklat para sa pagtatakda ng gampanin, panuntunan, kaisahan at ekspektasyon.
- I-angkop ang antas at wika sa inaasahang gagamit ng batayang aklat. Mahalaga ito para sa mabisang komunikasyon at edukasyon.
- Simulan sa pamamagitan ng pagbuo ng balangkas para sa bawat kabanata o banghay-aralin.
- Tiyaking lohikal ang daloy ng bawat komponiyente, yunit, kabanata, talata at pangungusap. Mahalaga ito para maging organisado at epektibo ang proseso ng pagkatuto.
- Gawing conversational ang ilang bahagi ng akda upang maging engaging o mapanghamig ito sa mga mambabasa. Maaari silang paminsan-minsang tanungin bilang bahagi ng kanilang introspeksyon o repleksyon.
- Piliin ang mga pinakamahahalagang bahagi ng aralin bilang konsiderasyon sa limitadong oras na mayroon sa loob ng isang semestre o panuruang-taon.
- Palawigin ang mga ideya pero ikonsidera rin ang limitasyon ng espasyo.
- Maglahad ng halimbawa at ilustrasyon para mas maipaliwanag at maikonteksto ang mga teorya at konsepto.
- Gumamit ng table, Venn diagram, matrix, graph at bullet entry upang lagumin ang mga piling ideya sa akda. Lagyan din ng kaukulang heading ang mga ito bilang titulo at pagsasalarawan.
- Magmungkahi rin sa layout team ng mga itatambal na larawan sa mga teksto. Alalahanin na may malakas na biswal na katangian ang pagtuturo at pagkatuto. May pagpapalagay na ang mismong pagtuturo ay tumutukoy at may kinalaman sa aktwal na pagturo sa isang bagay (pointing at an object) na sa katotohanan ay isang biswal na gawain at karanasan. Binibigyang diin din nito ang kahalagahan ng visual aid sa edukasyon.
- Hatiin ang textbook sa mga yunit at ang bawat yunit sa mga kabanata (chapter) o aralin (lesson). Ang bawat aralin naman ay nakabalangkas at binubuo rin ng iba’t ibang bahagi o components.
- Isaisip ang ugnayan ng mga yunit at kabanata/aralin sa isa’t isa upang maging buo at ganap ang pagkakalatag, pagkakasunod-sunod at pagtatambalan.
- Bumuo ng balangkas na susundin upang magtambal ang nilalaman ng bawat kabanata/aralin alinsunod sa napagkaisahan.
- Gamitin at palutangin ang iyong/inyong malalim na balon ng kaalaman, kasanayan at karanasan upang bigyang katuturan, buhay at aplikasyon ang bawat aralin. Ang iyong/inyong posisyonalidad sa usapin ng edukasyon, ideolohiya, kasarian, uring panlipunan at heograpiya ay may malaking impluwensiya sa pagbuo at paghubog sa akda.
- Ilangkap sa akda ang iyong/inyong adyendang sektoral at mga kaugnay na adbokasiya para sa isang malaya, maunlad at makatarungang lipunan sa mismong aralin at student assessment.
- Tambalan ang textbook ng teacher’s manual (TM) para magsilbing gabay ng mga guro. May mga pagkakataon din na tinatamblan ang batayang aklat ng workbook o worksheets.
- Tiyaking may natatangi sa inaakdang batayang aklat na magsisilbing unique value proposition (o unique selling proposition) nito. Sa dinami-rami ng textbook sa parehong larangan, ano ang magiging dakilang ambag ng iyong/inyong akda sa instructional reform.
Sa kontekstong ito, dapat masagot ang katanungang “Bakit batayang aklat mo/ninyo ang dapat gamitin?” - Bigyang depinisyon at kontekstwal na aplikasyon ang mga teorya at konseptong saklaw ng aralin.
- Tipunin din ang mga termino at depinisyon nito para maging bahagi ng glosaryo.
- Langkapan ng pampananaliksik, pampatakarang at praktikal na aplikasyon ang mga aralin sa batayang aklat.
- Tambalan ang mga aralin ng talakayan ukol sa mga napapanahong usaping pangkaunlaran upang maging makabuluhan ang bawat kabanata.
- Tiyaking may tambalan lagi ng teknikal na kaalaman at panlipunang usapin ang mga talakayan at talastasan.
- Lagyang ng kaukulang scaffolding ang batayang aklat upang mapagtibay ang proseso ng pagkatuto. Ang edukasyon ay dapat may kaukulang istruktura at mekanismo na susuporta at susuhay sa mga mag-aaral upang maging proficient at independent learner kinalaunan at dapat ito taglayin ng bawat bahagi ng instructional material.
- Tiyaking nagtatambal ang format at structure ng bawat bahagi lalo na kung ito ay isang pangkatang proyekto at lalo na kung may iba’t ibang nakatakdang manunulat kada kabanata.
- Lagyan ng paglalagom (summary) ang bawat kabanata/aralin.
- Tambalan ng online resources (open educational resources sa partikular) ang mga takdang-aralin. Maaari ring magbahagi ng links ng research repositories, online glossaries at webinar lectures.
- Magbigay ng mga dagdag na takdang babasahin, papakingggan at papanoorin ang mga mag-aaral sa bawat kabanata upang makapagpalawig at makapagpalalim ng aralin (recommended reading, listening and viewing tasks).
- Tiyakin din na aktibo o gumagana ang mga link na ibibigay sa mga mag-aaral.
- Gawing multimodal ang student assessments o student tasks upang masanay sila sa aplikasyon ng aralin gamit ang iba’t ibang paraan at plataporma.
- Sumangguni sa ibang textbook para magkaroon ng batayan ng pagkukumpara at pagpapaunlad ng bersyon ng inyong akda.
- Alamin ang kakulangan at kahinaan ng mga dating akda at sikaping tugunan ang mga ito sa pamamagitan ng iyong/inyong bagong publikasyon.
- Tipunin ang mga ginamit na sanggunian para sa tamang atribusyon at maitala sa bibliography section ng akda.
- Aktibong makipag-ugnayan sa administrative coordinator at textbook editor mula sa publishing house.
- Gawing bukas ang proseso ng komunikasyon sa bawat panig.
- Tiyakin na ang akda ay theoretically informed, empirically grounded, culturally appropriate, politically correct at gender-sensitive.
- Sinupin, organisahin at linangin ang istilo ng pagsusulat at pagrerebisa.
- Siguraduhin din na hindi lumulutang sa alapaap ang akda sa pamamagitan ng pagpopook (o pagkokonteksto) dito sa lipunan at komunidad.
- Ikonsidera ang napakaisahang timeline upang mapagsumikapang maipasa sa takdang panahon ang manuscript.
- Magtakda ng oras at panahon sa pagsusulat at gawin itong regular.
- Patuloy na paunlarin at irebisa ang working draft upang maging pulido bago ipasa ang final manuscript sa publishing house para sa kanilang ebalwasyon, pagpoproseso at pag-eedit.
- Maging bukas sa ideya na magkaroon ng e-book counterpart ang hard copy format ng iyong/akda dahil mas mapalalawak nito ang saklaw ng maaabot ng akda.
- Ihanda ang sarili sa inaasahang rebisyon ng akda kada tatlo o limang taon upang mas maging napapanahon ang batayang aklat.
- Isaisip at isapuso na sa mga pangkatang proyekto kagaya ng pagsusulat ng batayang aklat ay nakasalalay sa pagkakaisa ang lakas.
Bilang pagbubuo(d), mahalagang maikonteksto ang akda sa mas malawak na lipunan at sa nagbabagong socio-economic, socio-political, socio-historical, socio-educational, at socio-technological landscape. Samakatuwid, ang textbook ay salimbayan, tambalan at talaban ng teksto at konteksto. Sa pamamagitan din ng pagpopook na ito magkakaroon ng kaganapan ang materiality, spatiality at temporality ng batayang aklat at ang pagbuo nito bilang isang cultural artifact at communicative act.
Para sa inyong reaksyon, maaari ring umugnay rito: [email protected]