30.6 C
Manila
Miyerkules, Hunyo 17, 2026

Win nakakuha ng 13 boto para sa Senate presidency; Bam Aquino napiling chairperson ng Education, Trade, at SciTech committees

- Advertisement -
- Advertisement -

SA bisa ng 13 boto, pormal nang itinalaga si Senador Sherwin “Win” Gatchalian bilang Senate President, habang nakuha naman ni Senador Bam Aquino ang chairmanship ng Committee on Basic Education; Trade, Commerce and Entrepreneurship; at Science and Technology.

Nailuklok si Gatchalian sa pinakamataas na posisyon sa Senado matapos sumama si Senador Joel Villanueva sa mayorya sa isinagawang special session noong Miyerkules.

Samantala, napanatili ni Aquino ang kanyang pamumuno sa Committee on Basic Education at nakuha ang chairmanship ng Committee on Science and Technology at Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.

Bilang chairperson ng mga mahahalagang komiteng ito, nangako si Aquino na isusulong ang mga repormang tutugon sa krisis sa edukasyon, magpapalakas sa entrepreneurship at paglikha ng trabaho, magpapaganda sa kalagayan ng pagnenegosyo sa bansa, at magpapasigla sa pag-unlad ng agham at teknolohiya.

“Nabura na ang anumang pagdududa sa liderato ni Senate President Gatchalian sa tulong ng labintatlong boto. Subok na ang kanyang kakayahan, na lalo niyang pinagtibay nang pangunahan niya ang pagbuo ng 2026 national budget. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, siguradong magtatrabaho ang Senado para matugunan ang mga pangangailangan ng ating mga kababayan,” wika ng Senador.


“Itutuon natin ang buong atensyon sa paghahanap ng solusyon sa ating education crisis, pagpapabuti sa sektor ng micro, small and medium enterprises, paglikha ng trabaho, at sa pagpapalago ng agham at teknolohiya,” dagdag pa niya.

Sa unang 10 buwan ng 20th Congress, pinamunuan ni Aquino ang Committee on Basic Education at Science and Technology bago siya napabilang sa minorya kasunod ng pagbabago sa liderato ng Senado.

Sa panahong iyon, isinulong ni Aquino ang makasaysayang P1.34 trilyong pondo para sa edukasyon sa ilalim ng 2026 national budget—ang pinakamalaking badyet para sa edukasyon sa kasaysayan ng bansa.

Kabilang sa pondong ito ang P67.9 bilyon para sa pagtatayo ng 25,000 silid-aralan upang makatulong na mabawasan ang classroom backlog na 166,000 sa bansa, P37 bilyon para sa pagpapatupad ng Free College Law (RA 10931), at P25.7 bilyon para sa pinalawak na School-Based Feeding Program.

- Advertisement -

Si Aquino rin ang tumayong sponsor ng Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA) and Last Mile Schools Act at ng Curriculum Flexibility Act, na kapwa naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo upang maging ganap na batas.

Pinangunahan din niya ang pagpasa sa ikatlo at pinal na pagbasa ng Class-Building Acceleration Program Act at Basic Education Voucher Program Act.

Sa kabuuan, naghain si Aquino ng 12 panukalang batas na may kaugnayan sa edukasyon, naging may-akda at co-author ng 22 panukalang batas, at nagsponsor at co-sponsor ng siyam na panukala. Nagsagawa rin siya ng maraming pagpupulong, pagdinig, sesyon, at iba pang aktibidad bilang co-chairperson ng EDCOM II.

Sa kanyang unang termino sa Senado, nagsilbi si Aquino bilang chairperson ng Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship at naging pangunahing tagapagtaguyod ng mahahalagang batas pang-ekonomiya gaya ng Go Negosyo Act, Philippine Competition Act, Microfinance NGOs Act, at Youth Entrepreneurship Act.

Ang Go Negosyo Law ay nagbibigay sa mga MSME ng mas malaking access sa merkado at financing, naglalaan ng mga training at capacity-building programs, at nagpapadali sa proseso ng pagpaparehistro ng negosyo para sa mga negosyanteng nagsisimula o nagpapalawak ng kanilang mga negosyo

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -