INILARAWAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang korapsyon bilang nakakasirang impluwensya na nagpapahina sa mga institusyon at humahadlang sa kakayahan ng pamahalaan na maihatid ang mahahalagang serbisyo sa mamamayan.

Sa isinagawang joint press conference kasama si German Federal President Frank-Walter Steinmeier, sinabi ni Pangulong Marcos na matatag ang paninindigan ng kaniyang administrasyon na labanan ang katiwalian dahil isa ito sa nananatiling pinakamalalaking hamon na kinakaharap ng pamahalaan.
“Every entity, every business entity, every government feels the corrosive influence of corruption,” the President said. “This completely changes the way government can work. And it limits governments to such an extent that many of the things that are…necessary for services to the people, the government is unable to deliver,” ayon sa Pangulo.
(Ang bawat institusyon, bawat pamahalaan, at maging ang bawat negosyo ay naaapektuhan ng nakasisirang impluwensya ng korapsyon,” ani ng Pangulo. “Lubos nitong binabago ang paraan ng pagpapatakbo ng pamahalaan. Nililimitahan nito ang kakayahan ng gobyerno na maihatid ang marami sa mga serbisyong kinakailangan ng taumbayan.”)
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng kampanya laban sa korapsyon.
“And that’s how important that is (fight against corruption)…and that’s why in this anti-corruption drive that we have started, there was no way to do it easy or painlessly,” ayon pa sa Pangulo.
(“Ganito kahalaga ang laban kontra korapsyon. Kaya naman sa kampanyang inilunsad natin laban dito, walang madali o hindi masakit na paraan upang maisakatuparan ito.”)
Sinabi ni Pangulong Marcos na kinakailangan ang matibay at mahirap na reporma upang mabuwag ang mga mapang-abusong gawain at maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.
Kailangan ding papanagutin at parusahan ang mga mapatutunayang sangkot sa sistemang ito ng korapsyon at obligahin silang magsauli ng nararapat sa mamamayang Pilipino.
Idinagdag din ni Pangulong Marcos na layunin ng kampanya laban sa korapsyon hindi lamang na matigil ang mga katiwalian kundi matukoy rin kung paano nabuo ang mga kahinaan sa sistema upang maiwasang maulit ang mga ito.
“We have to find those who are found to be part of this system of corruption, that they will be punished and that they will provide restitution to the Filipino people,” pahayag pa ng Pangulo.
(“Kailangan nating matukoy ang mga sangkot sa sistemang ito ng korapsyon upang mapanagot at maibalik ang nararapat sa sambayanang Pilipino.”)
Binigyang-diin ng Pangulo na ang mga pondong nawawala dahil sa korapsyon ay hindi lamang pera ng pamahalaan kundi salaping pag-aari ng mamamayang Pilipino na dapat sana’y ginagamit upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.
“What they have taken is not my money or your money or a company’s money. It’s the money from the people,” giit pa ng Pangulo.
(“Ang kinukuha nila ay hindi pera ko, hindi pera ninyo, o pera ng isang kumpanya. Iyan ay pera ng taumbayan.”)
Muling iginiit ni Pangulong Marcos na mahalagang patuloy na palakasin ang transparency, accountability, at mabuting pamamahala upang matiyak na ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan ay makarating sa mga tunay na benepisyaryo at mapatatag ang mga institusyon at pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa serbisyo ng pamahalaan. | PND

