26.7 C
Manila
Martes, Hunyo 16, 2026

PBBM, tiniyak ang patuloy na tulong ng pamahalaan sa mahigit 366,000 indibidwal na naapektuhan ng malakas na lindol sa Mindanao

- Advertisement -
- Advertisement -

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes ang patuloy na pagbibigay ng tulong at suporta ng pamahalaan sa mga komunidad na naapektuhan ng lindol habang nagpapatuloy ang mga pagsisikap sa pagbangon at rehabilitasyon.

Personal na binisita ng Pangulo ang Lalawigan ng Sarangani upang suriin ang pinsalang dulot ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa ilang bahagi ng Mindanao noong Hunyo 8.

Ininspeksyon ng Pangulo ang ilan sa mga lugar na pinakamalubhang naapektuhan sa Sarangani at nakipagpulong sa mga lokal na opisyal at mga ahensiyang nangunguna sa pagtugon sa kalamidad at inalam ang kasalukuyang estado ng relief at rehabilitation operations.

Batay sa pinakahuling opisyal na ulat ng pamahalaan, umabot sa 40 katao ang nasawi, 316 ang nasugatan, at 11 ang nananatiling nawawala sa Lalawigan ng Sarangani at karatig na General Santos City dahil sa malakas na lindol.

Sa bilang ng mga nasawi, 22 ang naitala sa Sarangani, kabilang ang 12 sa Glan at 10 sa Malapatan, habang 18 naman ang naitala sa General Santos City.


Ayon sa mga awtoridad, kabuuang 95,129 pamilya o 366,426 indibidwal ang naapektuhan ng kalamidad. Sa bilang na ito, 2,339 pamilya o 11,119 katao ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation center.

Nagdulot din ang lindol ng malawakang pinsala sa mga tahanan at pampublikong imprastraktura sa rehiyon.

Sa datos ng pamahalaan, aabot sa 7,090 na bahay ang nawasak habang 39,567 naman ang nagtamo ng bahagyang pinsala.

Hindi bababa sa 33 kalsada, tulay, paaralan, gusali ng pamahalaan, pribadong establisimyento, at mga pasilidad pangkalusugan ang napinsala rin dahil sa pagyanig.

- Advertisement -

Sa ngayon patuloy na tinutugunan ng mga ahensya ng gobyerno ang mga hamon sa internet connectivity at paano mapapabilis ang pagdadala ng mga suplay ng pagkain dahil 18 kalsada at tulay ang nananatiling hindi madaanan – 11 sa Glan, tig-isa sa Malungon at Alabel, at lima sa General Santos City.

Pinabibilis din ang pagpapanumbalik ng suplay ng kuryente sa mga apektadong lugar kung saan umabot na sa 98.56 porsiyento ang electrification rate sa General Santos City at 99.88 porsiyento naman sa Malapatan.

Gayunman, nananatiling kabilang ang Glan sa mga pinakamalubhang naapektuhang bayan, kung saan 20.05 porsiyento pa lamang ng mga consumer connection ang naibabalik hanggang nitong Hunyo 13.

Problema pa rin ang suplay ng tubig sa mga bayan ng Glan at Maasim dahil sa matagal na pagkawala ng kuryente at kakulangan ng gumaganang generator sets.

Bilang tugon sa kalamidad, nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mahigit P90.25 milyong halaga ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan sa Sarangani at General Santos City.

Naglaan din ang DSWD ng 82,338 family food packs sa pamamagitan ng Field Office XII upang matiyak ang tuloy-tuloy na pamamahagi ng tulong sa mga apektadong komunidad.

- Advertisement -

Isinailalim sa state of calamity ang General Santos City noong Hunyo 8, na sinundan ng lalawigan ng Sarangani noong Hunyo 10 para magkaroon ng kakayahan ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang kanilang mga emergency fund at pabilisin ang pagtugon sa kalamidad.

Sinabi ni Pangulong Marcos na nananatiling nakatuon ang pambansang pamahalaan sa pagtulong sa mga naapektuhang residente upang makabangon mula sa trahedya at muling maitayo ang kanilang mga komunidad matapos ang isa sa pinakamalalakas na lindol na tumama sa rehiyon sa mga nakaraang taon. – PND

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -